Chapter LIV

5.5K 1.1K 114
                                    

Chapter LIV: Announcement

Pagkaalis na pagkaalis ng grupo ni Finn, agad na nilapitan ni Gyomei sina Herian at Krayon. Agad niyang sinaklolohan ang dalawa sa pamamagitan ng paglalabas ng mga gamot at panlunas sa tinamo nilang mga pinsala at sugat mula sa pakikipaglaban nila sa mga soul puppet ni Finn. Bakas pa rin ang pag-aalala sa mukha ni Gyomei habang inaalagaan si Herian. Wala siyang pakialam sa mga kawal na nakapaligid sa kanila dahil ang tanging nais niya lang gawin ay ang mailigtas ang kanyang matalik na kaibigan.

Agad na tumulong ang mga kawal at sila ang umasikaso kay Krayon. Nahihiya sila sa mga nangyari. Wala silang nagawa kung hindi ang manood dahil hindi nila kayang makilahok sa labanan sa kadahilanang wala silang lakas at wala sila sa perpektong kondisyon para lumaban pa. Kahit na sinabihan sila ni Herian na huwag silang kikilos, kaduwagan pa rin ang ipinakita nila at alam nila iyon sa kanilang sarili.

Kaya ngayon, bilang pambawi, ang magagawa na lang nila ay tumulong sa pag-aasikaso kay Krayon at pagbabantay sa paligid.

Nang medyo makabawi-bawi ng lakas umupo si Herian sa lupa at inalalayan siya ni Gyomei. Malungkot ang mga mata niya, at pilit ang kanyang ngiti habang nakatingin sa kaibigan.

“May malaking utang na naman ako sa 'yo, Gyomei. Lagi mo na lang akong ipinagtatanggol... at ngayon, iniligtas mo pa kaming dalawa mula sa kamatayan kapalit ang napakahalagang kayamanan na iyon,” pilit-ngiting sambit ni Herian. “Kapag nalaman ni Panginoong Gamor na isinakripisyo mo ang isang Chaotic Fruit para sa aming dalawa ni Krayon, mapaparusahan ka... Napakahalaga ng kayamanan na iyon para sa iyo dahil kung gagamitin mo ang tatlong prutas na iyon, maaabot mo ang higit pa sa 1st Level Chaos Rank.”

Ngumiti si Gyomei kay Herian, isang ngiting punong-puno ng sinseridad at tamis. Tinapik-tapik niya ang balikat ni Herian at nagwika, “Hindi matutumbasan ng kahit anong kayamanan ang halaga mo sa akin. Kahit pa isuko ko ang tatlong Chaotic Fruit para sa iyong buhay, gagawin ko. Malapit ko na rin namang maabot ang ranggong Chaos Rank kahit hindi ako gumamit ng kayamanan kaya huwag ka ng malungkot diyan. Magkaibigan tayo, hindi ba?”

Hindi na napigilan ni Herian ang kanyang luha. Tumulo na ito ng kusa at hindi niya na rin napigilan ang kanyang mga braso dahil kusa niya nang niyakap si Gyomei habang umiiyak. Nabigla si Gyomei, pero mas lalo siyang napangiti at marahan niyang sinuklay ang buhok ni Herian habang pinakakalma ito.

“Maraming salamat... Maraming-maraming salamat.. Pangako, babawi ako sa iyo. Gagawin ko ang lahat para makabawi ako sa 'yong pagliligtas sa amin ni Krayon. Alam kong wala akong magagawa sa ngayon, pero gagawa ako ng paraan para sa hinaharap ay masuklian ko ang lahat ng mga itinulong mo sa akin,” naluluhang sabi ni Herian habang mahigpit na yakap-yakap si Gyomei.

“Shh. Kaibigan kita at hindi ako humihingi ng kahit anong kapalit sa iyo. Ang gusto ko lang, mabuhay ka at manatili ka kung anong klase ng pakikitungo ang mayroon ka sa akin. Isa pa, iniligtas ko rin si Krayon dahil alam kong sobra kang malulungkot kapag nawala siya, ayokong maging miserable ang iyong buhay--ayokong makita kang malungkot dahil malulungkot din ako,” nakangiting paglalahad ni Gyomei.

Mas lalong humigpit ang pagkakayakap ni Herian ngunit nanatiling komportable at mainit ang pakiramdam ni Gyomei. Nanatili sila sa ganoong posisyon, at wala silang pakialam kahit pa nakikita sila ng mga kawal sa nakakailang at makapagdamdaming sitwasyon.

Naalala lahat ni Herian ang mga naitulong sa kanya ni Gyomei. Si Gyomei ang dahilan kung bakit siya nabigyan ng atensyon ng kanilang mga panginoon. Naging punong komandante siya kahit napakahina niya dahil kay Gyomei. Hindi siya ginugulo at pinakikialaman ni Gyuru dahil sa proteksyon ng kanyang kaibigan, at higit sa lahat, si Gyomei rin ang dahilan kung bakit mas napalapit pa si Krayon sa kanya.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Onde histórias criam vida. Descubra agora