Chapter LVIII

5.8K 1.1K 169
                                    

Chapter LVIII: True Dragon and Submitting to a True Leader (Part 2)

Sunod-sunod na bumigat ang aura nina Reden, Ysir at Heren. Pumalibot ang kanilang aura na may kalidad na maihahalintulad sa isang 7th Level Heavenly Emperor Rank na adventurer. May ilang nakaramdaman na hindi lang pangkaraniwan ang tindi ng aura nina Reden, at iyon ay ang mga eksperto sa larangan ng mga soul puppet. Tumingala ang tatlong manika ni Finn sa ere at itinuon ang kanilang atensyon sa kinaroroonan ng fire dragon. Inilabas na rin nila mula sa sarili nilang imbakan ang kanilang mga sandata at pagkatapos, bumulusok sila paitaas para sugurin ang halimaw.

Sa kanilang pagpasok sa lugar na sakop ng formation, agad silang napansin ng dragon. Bumaling ito sa kanilang direksyon at umatungal ng pagkalakas-lakas bago sumugod at naghanda sa pagbuga ng apoy.

ROAR!!!

Nanatiling magkakasabay sa paglipad sina Reden, Ysir at Heren. Ang kanilang pares ng pulang mga mata na hindi mababakasan ng buhay ay nakatuon lang sa halimaw, at noong mapansin nila na magbubuga na ng nagngangalit na apoy ang dragon, agad na kumilos si Ysir.

Nanguna siya at mabilis na may pumalibot sa kanilang tatlo na imahe ng malaking palihan. Sinalag ng dambuhalang palihan ang nagngangalit na apoy ng dragon, at pagkatapos isang malaking martilyo ang biglang lumitaw kung saan at walang pakundangan itong humampas sa dragon.

BANG!!!

Direktang tumama ang martilyo sa ulo ng dragon, ganoon man, hindi man lamang natinag ang dragon. Hindi ito naapektuhan kahit papaano sa ginawang atake ni Ysir, bagkus nagawa niya pang mabasag ng tuluyan ang harang na hugis palihan ni Ysir.

CREAK!

BANG!!!

Agad na naghiwa-hiwalay ang tatlong manika upang iwasan na matamaan sila ng apoy ng dragon. Pinalibutan nila ang halimaw, at nagsimula silang umatake kung saan-saang direksyon ng dragon.

Ang kanilang mga atake ay walang talab. Hindi nila magawang mapinsala o magalusan man lamang ang dragon. Laging tumatama ng direkta ang kanilang mga atake ngunit kulang pa rin sila sa bilis at puwersa. Kulang sila sa lakas ng enerhiya ngunit kung pulido ng pag-atake ang pag-uusapan, eksperto sila sapagkat madali lang para sa kanilang tatlo na puntiryahin ang mga halimaw.

Pinanood ng mga adventurer ang mga pangyayaring ito ng may pagkabigla at pagkamangha sa kanilang mga mata. Napatitig sila sa tatlong manika ni Finn na wala pa ring hinto sa pag-atake sa halimaw. Namangha sila sa ipinapakitang kakayahan ng bawat isa sa manika ng binata, sa bilis ni Heren at sa mapaminsala niyang atake, sa tibay, tatag at lakas ni Ysir, at higit sa lahat sa kakaibang kakayahan at pinagsamang lakas at bilis ni Reden.

Bibihira silang makakita ng mga soul puppet na ganito kagaling at ka-pulido makipaglaban. Isa pa, humahanga pa rin sila hanggang ngayon sa kakayahan ng mga ito na magsalita at magplano ng sarili nila. Kahit ang mga miyembro ng Bloody Puppeteers ay napahanga sa tatlong soul puppet, at sa totoo lang walang soul puppet master sa kanila ang may ganitong kalakas na manika--kahit pa ang pinuno at pangalawang pinuno nila.

Habang patuloy na nanonood sa kasalukuyang laban, dumating si Belian sa tabi nina Yopoper at Yagar. Huminga muna siya ng malalim at tumingala rin bago tuluyang i-ulat ang kanyang mga nalaman.

“Kakarampot na impormasyon lang ang nalaman ko sa kanila, Pinunong Yopoper. Walang nakakakilala sa kanila ng lubos at ang tanging narinig ko lamang ay ipinahayag ng binatang iyon na nais nilang labanan ang halimaw na sila lang. Mukhang hindi sila ganoon kakilala... at tayo mismo, hindi rin natin kilala ang kanilang pagkakakilanlan kaya alinman sa masikreto talaga sila o ngayon lang umusbong ang mga gaya nila,” pag-uulag ni Belian.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now