Chapter XCV

5.5K 1.1K 107
                                    

Chapter XCV: Special Training

Napabuntong-hininga na lang si Firuzeh, at marahang napailing bago bumaling sa kalangitan. Napapikit na lamang siya, at ilang sandali pa, malungkot siyang ngumiti at nagwika, “Mukhang hindi talaga kita mapapapayag na tulungan ako, gayunman, nauunawaan kong hindi kita mapipilit dahil wala namang matibay na dahilan para tulungan mo ako sa aking eksperimento. Pinili ko ang landas na ito, ito ang daang tinahak ko ng mag-isa at hindi ko maaaring ipilit ang bagay na ito sa iba lalo na kung labag sa loob nila.”

Mas lalong lumalim ang pang-unawa ni Finn sa karakter ni Firuzeh bilang nilalang. Palihim na humanga ang binata sa pag-uugali at pananaw na mayroon ang dating alchemy god ng divine realm, ganoon man, hindi pa rin nababago noon ang kanyang desisyon na tanggihan ang hinihinging tulong nito sa kanya.

Marami pa siyang kailangang gawin. Wala siyang balak na gugulin ang kanyang panahon sa pag-e-eksperimento kasama si Firuzeh. Alam niyang mahabang proseso iyon, at kahit na malawak ang kanyang kaalaman sa alchemy dahil sa system, ang pagbuo o pag-e-eksperimento ng isang pill na wala siyang kahit anong impormasyon ay imposibleng magawa ng isa, dalawa o kahit pa tatlong dekada. At dahil isang komplikadong pill ang Devil Transformation Pill, sigurado si Finn na aabutin ng siglo bago nila maperpekto ang pill na iyon, at iyon ang hindi niya kayang hintayin.

Bukod sa sarili niyang paglalakbay at pakikipagsapalaran para maging malakas na adventurer, mayroon pa siyang mga pangakong kailangang tuparin. Maghihiganti pa rin siya sa mga may kagagawan sa pagkawasak ng Ancestral Continent at pagkamatay ng lahat ng mga naninirahan doon kabilang na ang kanyang pamilya, kinikilalang angkan, kaibigan, at mga kakilala.

Makaraan ang ilang saglit, bumaling na muli si Firuzeh kay Finn. Hinarap niya ang binata at nagsalita, “Nasabi ko na ang lahat ng nais kong sabihin. Maaari na tayong bumalik sa mansyon na kinaroroonan ng iyong mga kasama para makapili na rin kayo ng pabuyang nais ninyo gamit ang inyong mga nakolektang puntos.”

“Nagsisimula na rin ang iba pang grupo na mamili ng kanilang mga pabuya, at mayroon na rin akong napiling ilang espesyal na adventurer sa ibang grupo na isinasabak ko ngayon sa pagsasanay,” ani Firuzeh.

Hinarap din ni Finn si Firuzeh. Tinitigan niya muna ito sa mata, at pagkatapos, malumanay siyang nagtanong, “Bago tayo bumalik sa mansyon, nais ko lang malaman, iyan ba ang aktwal mong katawan?”

Ngumiti si Firuzeh at bahagyang tumango bilang tugon. “Ito ang aking orihinal na katawan. Ang nasa ibang grupo ngayon ay ang aking mga clone, at sa iyo lang ako nagpakilala dahil ikaw lang ang nararapat at may karapatang makakilala sa akin.”

Tumango si Finn sa kanyang narinig, pero hindi pa siya tapos sa pagtatanong. “Kung gano'n, ang iyong hitsura, iyan ba ang totoo mong hitsura?” Tanong niya.

Nabigla si Firuzeh sa tanong ni Finn, pero agad din siyang nakabawi at marahang tumawa. Tumango siya muli bilang tugon at nakangiting nagwika, “Ito ang aking orihinal na hitsura. Ang una mong nakita kanina ay isa lamang sa aking balat-kayo, at tungkol naman sa iba ko pang hitsura at katauhan...”

Nagbago ang hugis ng mukha at kabuoang hitsura ni Firuzeh. Naging matands muli ang kanyang hitsura, pero iba na sa hitsura ng kaninang matanda. Napatitig na lang si Finn sa kasalukuyang hitsura ni Firuzeh dahil pamilyar ito sa kanya.

Humarap na si Finn sa direksyon kung saan sila nagmula. Ibinuka niya ang kanyang bibig at nagwika siya bago siya tuluyang maglakad.

“Sinasabi ko na nga bang may kakaiba sa lalaking nagbigay sa amin ng kabuoang mapa ng mundong ito. Kaya pala hindi ko siya nakita rito, iyon ay dahil ikaw, at ang lalaking nagpakilalang Gaestus sa amin noon ay iisa,” sambit ng binata. Nagsimula na siyang humakbang pabalik sa mansyon, pero habang mabagal siyang naglalakad, bumubulong pa rin siya, “Hindi na nakapagtatakang napansin niya ang Multi-colored Explosive Pill.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt