Chapter LXIV

5.9K 1.1K 132
                                    

Chapter LXIV: First Part of the Trial: A Good Start

Nang matapos si Finn sa pagmamarka sa mga bagong miyembro ng kanyang binuong grupo, bumalik na siya sa dati niyang puwesto kasama sina Eon, Poll, Paul, at ang grupo ni Roger. Inatasan ng binata sina Yopoper at Yagar na bantayan ang mga bagong miyembro kasama ang Bloody Puppeteers, at sinabihan niya rin ang mga ito na wala ng iistorbo sa kanilang grupo kung walang mahalagang kailangan.

Hindi na tumatanggap pa si Finn ng karagdagang miyembro dahil ayaw niya ng maraming kasamahan sa pagtatasang magaganap. Para sa kanya ay sapat na ang bilang at lakas ng kanilang puwersa, at ayaw niya ring magkaroon ng ugnayan sa iba kahit pansamantala lamang.

Habang si Finn ay tahimik na nakatayo at nag-iisip, sina Paul, Poll at ang grupo ni Roger ay nagpatuloy sa kanilang kumustahan. Masaya silang nag-usap-usap tungkol sa kanilang mga pakikipagsapalaran, at nagkuwentuhan din sila tungkol sa mga pangyayaring muntik nang maglagay sa kanilang buhay sa kamatayan.

Nanatili si Eon sa tabi ng kanyang master. Tahimik lang siya habang nakaupo at nagmamasid sa paligid. Ang mga mata niya ay palipat-lipat kina Faktan at sa tatlong magkakapatid na demonyo. Si Faktan ay nakangiti lang ng malapad habang nakatitig sa kalangitan, at ang tatlong magkakapatid na demonyo ay nakatayo sa harap ni Reden.

Nakatingala sila, at kapansin-pansin ang seryosong ekspresyon sa kanilang mukha habang pinagmamasdan si Reden. Mababakas ang paghanga sa kanilang mga mukha. Minsang napapaawang ang kanilang bibig at napapalunok habang sinusuri ang kabuoang hitsura ng manika ni Finn.

At dahil sa kanilang ginagawa, para silang mga bata na tinitingala ang kanilang nakatatandang kapatid.

Sa kabilang banda, sina Rako at Hara ay abala lang sa pagkukuwentuhan. Gumagamit sila ng Sound Concealing Skill kaya walang nakaririnig sa kanilang pinag-uusapan. Madalas silang lumilingon sa tatlong magkakapatid na demonyo, at halata sa kanila ang pag-iingat.

Makaraan ang ilang sandali, nakaramdam ng pagkabagot si Klaws kaya naglakad siya papalapit kina Finn at Eon. Agad na tumayo si Eon at nagsalubong ang kanyang kilay sa paglapit ni Klaws sa kanila.

Tungkol kay Finn, sinulyapan niya lang si Klaws bago niya ibaling muli ang kanyang tingin sa ibang direksyon upang pagmasdan pa ang ibang pansamantalang miyembro New Order.

“Puwede ba kitang makausap?” Tanong ni Klaws nang makalapit siya kay Finn. Tumingin siya ng deretso rito at nagpatuloy sa pagsasalita, “Nahihiwagaan lang ako sa iniisip mo.”

Itinuon ni Finn ang kanyang atensyon kay Klaws. Seryoso ang kanyang ekspresyon habang hindi pa rin mababakasan ng buhay ang kanyang pares ng ginintuang mga mata.

“Nasabi ko na lahat ng dapat kong sabihin sa inyo, hindi pa ba malinaw ang mga babala at paalala ko?” Tanong ni Finn kay Klaws.

Ngumiti si Klaws at nagkibit-balikat muna bago tumugon, “Malinaw na sa'kin ang mga babala't paalala mo. Hindi ko kinukuwestyon iyon dahil makabuluhan naman ang mga gusto mong mangyari, subalit, nagtataka lang ako kung bakit mo tinanggap si Faktan at ang magkakapatid na iyon. Maiintindihan ko pang tinanggap mo sina Rako Teran at Hara Jiera, pero ang apat na iyon ay may masamang reputasyon sa Crimson Lotus Realm at sa iba pang realm. Hindi ka ba natatakot na baka may masama silang balak at guluhin ka nila?”

Tahimik na nakinig si Finn sa mga sinasabi ni Klaws. Magsasalita na sana siya upang tumugon, pero naunahan siya ni Eon.

“Bakit mo kinukwestyon ang desisyon ni Master? Hindi ba't sinabi mong malinaw na sa iyo na si Master ang pinuno ng grupong ito at ang mga desisyon niya ang masusunod? Isa pa, hindi kayo malapit sa isa't isa ni Master kaya wala na sa iyo kung ano man ang kanyang maging desisyon para sa grupo,” malamig na sambit ni Eon.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now