Chapter LXXXIV

5.8K 1.1K 136
                                    

Chapter LXXXIV: Targeted

Kasalukuyang nagtitipon-tipon ang bawat grupo sa kani-kanilang isla. Nakatingin sila ngayon sa imaheng ipinapakita sa itaas, at ipinapakita ng imaheng ito ang pigura ng may-ari ng mundo ng alchemy. Ito na ang itinakdang araw para sa pagsisimula ng huling bahagi ng pagtatasa. Nakalipas na ang pitong araw na ibinigay niya para maghanda at magplano ang bawat grupo, at ngayon, ipaliliwanag na ng lalaki ang kabuoang patakaran ng huling bahagi ng pagtatasa.

“Naipaliwanag ko na sa inyo ang pangunahing kaalaman tungkol sa huling bahagi ng pagtatasa, mga adventurer ng Crimson Lotus Realm,” panimulang bati ng lalaki sa bawat grupo. “Sa huling bahaging ito, hindi na lang basta pagtatasa ang inyong gagawin. Makikipagkompetensiya ang bawat isa sa labing isang grupo sa isa't isa, at ang prayoridad ng bawat grupo ay protektahan ang alchemist na inyong napili bilang pambato,” dagdag niya pa.

“Kanya-kanyang diskarte ang labanan. Isa itong pautakan kung paano ninyo matatalo ang inyong kalaban at mapoprotektahan ang inyong pambatong alchemist. Mayroon akong ibibigay na pill sa bawat isa sa inyo, at kailangan n'yo iyong kainin upang madala ko ang inyong kamalayan sa huling bahagi ng pagtatasa habang ang inyong pisikal na katawan ay mananatili rito.”

“Hindi rin ninyo kailangang mag-alala sa kaligtasan ng inyong pisikal na katawan dahil ako na ang bahalang pumrotekta sa inyo habang nagpapatuloy ang huling bahagi ng pagtatasa. Sa pamamagitan ng pagdadala ko sa inyong kamalayan sa isang natatanging palapag, kahit pa magpatayan kayo, hindi kayo aktwal na mamamatay, ganoon man, makararamdam pa rin kayo ng aktwal na sakit.”

“Tungkol sa napili ng grupo bilang pambatong alchemist, mayroon pa siyang iinumin na isa pang uri ng pill, at sa oras na siya ang mamatay sa huling bahagi ng pagtatasa, ibig sabihin ay katapusan na ng kanyang kinabibilangang grupo at kusa na silang mapapatalsik sa palapag na iyon. Babalik ang kanilang kamalayan sa kanilang pisikal na katawan, at maghihintay sila sa pagtatapos ng huling bahagi ng pagtatasa,” pagpapaliwanag oa ng lalaki.

Nakinig ang lahat sa mga impormasyon at patakarang inihayag ng may-ari ng mundo ng alchemy. Karamihan ay naging interesado sa patakaran ng kompetisyon, at marami ang nananabik sa kanilang magiging bagong karanasan. Mayroon ding ilan na nangamba dahil sa kasalukuyan, magkakaiba ang lakas ng labing isang grupo. Nangangamba sila, at hindi na umaasa na mananalo sila sa kompetisyong ito dahil nariyan ang mga puwersa sa ilalim ng Crimson Lotus Alliance.

Ang Crimson Lotus, Crimson Guardian, Crimson Rock, Crimson Shrine, at Crimson Beast ay ang pinakamalalakas na puwersa sa Crimson Lotus Realm--at sa kasalukuyang pagtatasa na rin. Masyadong marami ang kanilang bilang, at ang Chaos Rank sa kanilang hanay ay napakarami rin dahil halos lahat ng kanilang mga punong komandante, kasama ang ilan sa mahuhusay na adventurer at talentadong mga batang adventurer ay nasa Chaos Rank din.

Sa kompetisyong ito, tila ba ito ay labanan lamang sa pagitan ng limang puwersa. Ganoon man, may mga puwersang walang balak magpatalo kagaya ng New Order, Myriad of Illusions, at ang grupong binuo ng mga estudyante ni Yvei na pinangalanang Might of Planthora.

Ang Might of Planthora ay binubuo ng halos mga adventurer na nagmula sa lahi ng planthora, pero siyempre, may mangilan-ngilan pa ring tao, demonyo, beastman, adventurer na dating vicious beast at iba pang lahi. Hindi nalalayo ang bilang ng Might of Planthora sa grupong Myriad of Illusion, pero kung kabuoang lakas ang pagbabasehan, dahil kay Hasiophea, medyo lamang pa rin ang Myriad of Illusipn kaysa sa Might of Planthora.

Sa kabuoan, nariyan din ang Nightrage Gang na itinuturing na nahuhuli at pinakamahinang grupo sa labing isang grupo. Sa kabila ng kanilang libo-libong bilang, sila ang may pinaka kaunting Chaos Rank, at karamihan pa sa kanila ay mga pangkaraniwang adventurer lamang. Nariyan din ang grupong Crimson Traders, at kahit na kilala lang ang grupong ito sa Crimson Lotus Realm bilang grupo ng mga negosyanteng mangangalakal, marami pa ring mga talentado at mahuhusay na adventurer ang kasali sa grupong ito.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon