Chapter XVIII

5.2K 1K 70
                                    

Chapter XVIII: Decided

Isang linggo ang lumipas matapos simulan ng grupo ni Finn ang kanilang pagsasanay at pagpapataas ng antas. Marami na rin ang nagbago sa mundong ito, at marami na rin ang kumalat na mga balita tungkol sa mga mahalaga at interesanteng pangyayari sa mundo ng alchemy. Ilang mga halimaw pa ang lumitaw, at marami ng pangalan ang naging matunog dahil kasalukuyan na silang gumagawa ng ingay sa pamamagitan ng pagtalo sa mga pambihirang halimaw at pagtuklas sa mga kahanga-hangang kayamanan.

Wala pang isang buwan ang mga adventurer sa mundong ito ngunit marami na ang nalagpasan ang kanilang nakaraang antas at ranggo. Matagal na silang naghahangad na malampasan ang kanilang antas at ranggo, ngunit walang oportunidad sa Crimson Lotus Realm.

Dahil sa pangyayaring ito, napagtanto nilang tama ang kanilang desisyon na pasukin ang mundong ito. Marahil mapanganib, pero handa silang makipagsapalaran dahil sa huli, walang kabuluhan ang kanilang pagiging adventurer kung hindi sila makikipagsapalaran.

Samantala, sa kasalukuyan, nakatulala si Finn sa kisame habang siya ay nakahiga sa sahig. Nakaunat ang kanyang mga braso at maaliwalas ang ekspresyon sa kanyang mukha. May galos na makikita sa kanyang pisngi at noo. Magulo rin ang kanyang buhok at kapansin-pansin ang pagod sa kanyang bawat paghinga.

Mahina na rin ang kanyang aura, at ito ay dahil sa kanyang puspusang pagsasanay sa nakaraang ilang mga araw.

Nakamit niya na ang antas at ranggo na 2nd Level Heavenly Emperor Rank tatlong araw na ang nakararaan matapos niyang kainin ang ikalawang Supreme Emperor Pill. At pagkatapos niyang maabot ang antas na ito, sinimulan niya na ang kanyang pagsasanay at pag-aaral ng ikatlong skill ng kanyang [Seven Heavy Sword Art] at [Seven Dual Blade Art].

Katatapos niya lang ngayong magsanay, at kasalukuyan na siyang nagpapahinga dahil matagumpay niya nang natutunan ang ikatlong skill ng kanyang dalawang sword techinque. Nagagawa niya nang magamit ng bahagya ang mga skill na ito, at sa tingin niya ay sapat na iyon sa ngayon dahil kukulangin na siya ng oras.

Kontento na siyang nagagawa niyang mapakawalan at magamit ang mga skill na iyon ng isang daang porsyento. Ang kailangan niya na lang ay magsanay pa upang mas maging mahusay pa siya sa paggamit ng mga pambihira at mapangwasak na mga bago niyang skill.

“Talaga ngang napakatibay ng silid na ito... hindi man lamang nagasgasan ang haliging paulit-ulit na tinamaan ng aking mga atake,” mahinang sabi niya habang nakatitig sa kisame. “Ibinuhos ko na ang lahat ng mayroon ako sa huling atakeng pinakawalan ko ngunit wala man lang itong naging epekto. Ibig sabihin, hindi pa sapat ang pangkalahatang lakas at puwersa ko para galusan o mapinsala ang protektado ng enerhiyang katawan ng isang Chaos Rank...” aniya pa.

Sinuportahan niya ang kanyang sarili para umupo. Sa sahig siya ngayon napatitig, at walang sigla ang kanyang bawat kilos. Walang buhay ang bawat tingin, salita at kilos niya, para bang isa siyang matandang nalalapit na sa kamatayan. Malayong-malayo na siya sa dating masigla, pursigido at punong-puno ng buhay na si Finn.

Bawat araw, nawawalan na siya ng gana. Tuluyan ng nawawala ang emosyon niya. Ang kanyang pananabik at interes sa paglalakbay ay wala na dahil ang tanging nasa isip niya na lang talaga ngayon ay maging malakas ng agaran upang makapaghiganti siya.

Pagkatapos ng sandaling katahimikan at pagtitig sa sahig, inilabas ni Finn ang mapa mula kay Gaestus. Binuklat niya ito at muli niyang nakita ang kabuoan ng mundo ng alchemy. Pinagmasdan niya muna ang mga gumagalaw na nakaguhit sa mapa. Pinag-aralan niya ang mga lugar na naroroon, at tinandaan ang mga hitsura nito. Punong-puno ito ng mga detalye, dagdagan pa na buhay ang mga lugar na makikita rito.

Bukod sa mga lungsod na may magkakaparehong disenyo at imprastraktura, nariyan din ang lima pang Chaotic Maze Garden na nagkalat sa mundo ng alchemy. Dalawa pa lang ang kasalukuyang nakukuhanan ng Chaotic Fruit, naghihintay pa rin ang tatlong hardin sa mga adventurer na nagnanais na mapasakamay ang pambihirang prutas na babago sa kanilang mga buhay.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon