Chapter C

6.9K 1.2K 224
                                    

Chapter C: I Want to Join You

Dumating na sa wakas ang itinakdang araw ng pagbabalik ng mga adventurer sa Crimson Lotus Realm. Pinalabas na ang lahat ng grupo sa Trial of Heavens, at ngayon ang bawat grupo ay napunta na sa iba't ibang lungsod sa mundo ng alchemy. Napakalaki na ng pinagbago ng bawat isa sa kanila mula noong sumabak sila sa pagtatasa ni Firuzeh. Lahat sila ay nagkaroon ng pagbabago, kahit pa ang mga adventurer na hindi nabigyan ng pagkakataon na sumabak sa espesyal na pagsasanay.

Sa kasalukuyan, ang bawat isang adventurer na nasa mundo ng alchemy ay naghihintay na sa opisyal na pag-a-anunsyo ni Firuzeh. Hinihintay na ng bawat isa sa kanila ang pagbubukas ng lagusan upang makabalik na sila sa Crimson Lotus Realm para roon na nila maipagpatuloy ang kanilang paglalakbay, at pakikipagsapalaran bilang mga adventurer.

Mayroon na silang mga plano pagkatapos nilang umalis sa mundong ito. Marami sa kanila ang may sapat na lakas na para tuparin ang kanilang hangarin. Mayroong nais na maglakbay sa ibang mundo, mayroong gustong manatili sa Crimson Lotus Realm upang doon magpatuloy ng kanilang mga nasimulan, at mayroon din namang gusto na lamang ng kapayapaan o gustong talikuran ang makamundong mga bagay.

Samantala, sa lungsod kung saan naroroon ang mga miyembro ng Crimson Lotus, kasalukuyang nagkukumustahan sina Geyaj at Zrimbo tungkol sa kanilang pinagdaanang espesyal na pagsasanay sa Trial of Heavens. Bakas ang galak at kontento sa kanilang mukha habang sila ay nagkukuwentuhan tungko sa kanilang mga karanasan.

"Siguradong matutuwa ang ating mga panginoon sa oras na makabalik na tayo sa Crimson Lotus Realm dala ang iyong mga regalo. Siguradong pasasalamatan ka nila sa mga kayamanang dala mo para sa kanila," nakangiting sambit ni Zrimbo. "Sa tulong ng kayamanang ipinalit mo gamit ang iyong sariling puntos, may posibilidad nang makatapak si Panginoong Hermec sa Heavenly Chaos Rank. Narinig ko rin na sina Hyeus at Gween ay may kaparehong regalo kay Panginoong Hermec. Mas lalong lalakas ang ating Crimson Lotus Realm kapag nagtagumpay si Panginoong Hermec na makatapak sa susunod na ranggo," dagdag niya pa.

Ngumiti si Geyaj sa mga salitang binitawan ni Hermec. Bahagya siyang tumingala at nagwika rin, "Naisip ko lang na hindi patas na sila ay nasa labas at pinoprotektahan tayo habang tayo ay nagsasanay, at nagpapalakas. Kontento na ako ngayon sa kasalukuyan kong antas. Isa na akong ganap na 4th Level Chaos Rank, at marami pa namang oportunidad na maaaring dumating sa akin kaya naisip kong mas kailangan nina Panginoong Hermec ng kayamanan para makaalis na sila sa kasalukuyan nilang antas at ranggo."

"Ikaw, hindi ba't ganoon ka rin naman? Ang iniisip mo pa rin ay ang kapakanan ng Crimson Lotus kaya sa halip na gamitin mo ang lahat ng iyong puntos para sa kayamanang magpapalakas sa iyo ng agaran, ipinalit mo iyon sa mga Chaotic Sapling na magiging Chaotic Tree sa hinaharap."

"Ang mga punong iyon, sa oras na magbunga ay makatutulong sa Crimson Lotus Realm na magkaroon pa ng mga karagdagang Chaos Rank. Siguradong matutuwa sina Panginoong Hermec dahil sa iyong kabutihan sa Crimson Lotus," sabi pa ni Geyaj.

Nagkibit-balikat si Zrimbo at ngumiti. "Pareho lang tayo ng dahilan. Gusto kong matulungan ang Crimson Lotus at Crimson Lotus Realm na mas lumakas pa. Marahil aabutin ng ilang taon ang mga punlang iyon bago tuluyang maging puno, pero kung aalagaang mabuti, magbubunga ang mga iyon ng tigtatatlong Chaotic Fruit na makatutulong sa mga Heavenly Emperor upang makatapak sa Chaos Rank. Iyon lang ang maiaambag ko ngayon sa Crimson Lotus bukod sa aking serbisyo bilang punong komandante--iyon lang ang maibabayad ko sa kabutihang ipinakita sa akin ng ating mga panginoon."

Bilang mga tauhang binigyan ng pagkakataon at oportunidad na magkaroon ng magandang buhay, balak ibalik nina Zrimbo at Geyaj ang kabutihang ipinamalas sa kanila ng kanilang mga panginoon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kayamanang may kaugnayan sa pagpapataas ng ranggo at antas.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now