Chapter XXII

5.6K 1K 55
                                    

Chapter XXII: Careful of and Abandoning the City

Lumipas ang isang araw. Kailaliman ng gabi nang mga oras na iyon ngunit dagsa na ang mga adventurer sa labas ng tarangkahan ng lungsod. Nagkalat ang mga rogue adventurer at pangkat ng adventurer sa labas, at mayroon silang kanya-kanyang puwesto. Mayroong nakasandal sa haligi, nakaupo sa bato, at nakatayo. Tahimik lang silang naghihintay sa pagdating nina Kyuru, Xernok at ng kanilang mga tauhan upang masimulan na ang ekspedisyon.

Ang puwersa ng mga adventurer dito, bukod sa sobrang dami ay malalakas din. Maraming Heavenly Emperor Rank ang kasali sa ekspedisyon, at bukod pa roon mayroon ding mga 9th Level Heavenly Emperor Rank pero ang karamihan sa kanila ay hindi gaanong tanyag sa Crimson Lotus Realm. Sila ang mga adventurer na naabot lamang ang antas na iyon sa pamamagitan ng mga kayamanan at pananatiling buhay ng mahabang panahon--sila ay mga pangkaraniwang adventurer lamang.

Ganoon man, kahit pangkaraniwan lamang ang kanilang lakas at kapangyarihan, hindi pa rin dapat binabalewala ang kanilang lakas dahil mayroon pa rin silang lakas ng isang 9th Level Heavenly Emperor Rank. Marahil hindi matibay ang kanilang pundasyon, at hindi sila maikukumpara sa mga kagaya nina Kyuru, Gyomei at mga malalakas na Heavenly Emperor monstrous beast subalit ang kanilang lakas ay mapakikinabangan pa rin sa labanan.

Mayroon din namang ilang tanyag at malalakas na 9th Level Heavenly Emperor Rank. Ilan sa kanila ay rogue adventurer na nakapaglibot na rin sa ibang middle realm. Sila ang mga adventurer na siguradong maaabot ang ranggong Chaos Rank ilang dekada mula ngayon kahit pa hindi lumitaw ang mundo ng alchemy.

Kung tatantyahin, dahil sa lawak ng espasyo na inuukupa ng mga adventurer na nagpalista para sumama sa ekspedisyon, ang kanilang bilang ay umaabot ng libo-libo. Wala pa rito ang iba dahil gabi pa at ang simula pa ng ekspedisyon ay bago sumikat ang araw.

Samantala, sa tarangkahan, kasalukuyang naglalakad ang grupo ni Finn kasama ang ilang adventurer na mula sa loob ng lungsod. Marahan lang ang kanilang paglalakad, at kasalukuyang lumilingon-lingon si Paul sa paligid. Tinitingnan at sinusuri niya ang mga adventurer na maaari nilang makasalamuha sa ekspedisyon. Tinitingnan din niya ang mga kilala at mapanganib na adventurer sa Crimson Lotus Realm upang maipaalam niya kina Finn kung kanino sila dapat mag-ingat.

Naglakad sila nang naglakad. Okupado na ang mga espasyo malapit sa tarangkahan kaya kinailangan pa nilang lumayo para makahanap ng puwesto. Ang tanging malawak na lang ngayon ay ang daanan, na sigurado namang pupuwestuhan ng mga kawal ng Crimson Guardian at Crimson Beast.

Makaraan ang ilang minutong paglalakad, nakahanap sina Finn ng mapagpupuwestuhan. May isang malaking tipak ng bato sa hindi kalayuan. Agad na nagtungo roon si Eon upang hindi sila maunahan. Umupo siya sa taas ng tipak ng bato at umismid sa mga adventurer na pupuwesto sana sa lugar na iyon.

Ang kanyang ngiti ay nakakainis at tila ba nanghahamon, pero walang nakipagtalo sa kanya kahit na matataas din ang antas ng mga adventurer na kanyang naka-kompetensiya sa malaking tipak ng bato.

Sumandal sina Finn, Poll at Paul sa bato. May mga matang nakamasid sa kanila ngunit walang pakialam ang binata. Gumamit siya ng Sound Concealing Skill sa kanilang palibot upang hindi marinig ng iba ang kanilang usapan.

“Kapag nagsimula ang ekspedisyon, kailangan nating gumawa ng paraan para mapalapit ang grupong ito sa ating destinasyon. Kailangan natin sila upang sila ang gumawa ng mahihirap na trabaho sa mapanganib na mga lugar,” sambit ni Finn. “Pero, hindi natin sila pupuwedeng isama sa bulkan ng Bluemir kaya sa oras na malapit na tayo sa bulkang iyon, ililihis natin ang kanilang direksyon,” aniya pa.

Napaisip sina Poll at Paul. Maging si Eon ay nakikinig din at iniisip kung ano'ng paraan na maaari nilang gawin sa mga balak ni Finn. Masyadong malaki ang grupo, at siguradong ang lahat ay susunod lamang kung saan patungo ang Crimson Guardian at Crimson Beast dahil iyon ay kabilang sa kontrata.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now