Chapter XC

5.7K 1.1K 140
                                    

Chapter XC: Deception (Part 3)

“Tapos na ang Crimson Guardian at Crimson Lotus sa pakikipaglaban. Natalo na nila pareho ang Crimson Traders at Might of Planthora,” bulalas ni Faraian habang tumitingin-tingin sa iba't ibang imahe sa himpapawid. Bumaling muli siya sa isang imahe na nagpapakita sa kasalukuyang nangyayari sa pagitan nina Finn at Hasiophea. Naging komplikado ang kanyang ekspresyon at marahan siyang nagpatuloy sa pagsasalita, “Kanina pa silang dalawa na hindi kumikibo. Halata ring hindi sila nag-uusap at mayroong kakaiba sa kanilang mga mata. Ano'ng nangyayari sa laban nila, at bakit hindi pa sila kumikilos? Maaari kayang...”

Hindi maituloy ni Faraian ang kanyang sasabihin. Isa lang ang maaaring dahilan kung bakit hindi kumikibo ang dalawa. Naaalala niya ang mga sinabi sa kanila noon ni Jingu at Jinja tungkol kay Eurogasi at sa foundation art nitong Myriad of Illusion. Nabigyan sila ng pangunahing impormasyon kung gaano kadelikado ang kapangyarihan ng foundation art na iyon, at ngayon, ito ang naiisip na dahilan ni Faraian kung bakit hindi na nagtuloy ang dalawa sa pagkilos.

“Hindi sila huminto sa paglalaban. Naglalaban pa rin sila hanggang ngayon, pero kasalukuyang nasa ilalim ng kapangyarihan ni Hasiophea si Finn Doria. Ang Eternal Slumber... ang pambihirang skill ng Myriad of Illusion na kapag hindi ka nakaalis sa ilusyong gawa ni Hasiophea, habang-buhay ka nang hindi magigising,” pabulong na sambit ni Faraian. Pinagmasdan niyang mabuti si Finn at ilang sandali pa, muli siyang nagsalita, “Nasa panganib ang kanyang buhay. Kung hindi siya makagagawa ng paraan para makaalis sa kapangyarihan ni Hasiophea, katapusan niya na.”

Bumaling din siya kay Hasiophea at nagpatuloy sa pagsasalita, “Pero, kung magtatagal si Hasiophea sa paggamit ng kanyang kapangyarihan, siya ang unang maaalis sa kompetisyon dahil patapos na ang mga miyembro ng New Order sa pagpapatalsik sa mga miyembro ng Myriad of Illusion.”

“Sa makatuwid, ang resulta ng labanan sa pagitan ng New Order at Myriad of Illusion ay malinaw na. Imposible nang manalo ang Myriad of Illusion sa New Order lalo na't si Klaws Deterio at ang binatilyong kasamahan ni Finn Doria ay naroroon pa at nasa maayos pang kondisyon.”

Hindi lang si Faraian ang nakaisip sa mga bagay na ito dahil ito rin ang iniisip ng iba pang adventurer na magaling magmasid sa nangyayari. Nakabuo na sila ng konklusyon dahil sa kasalukuyang nangyayari, at kahit pa mawala si Finn sa labanan, sa tingin nila, ang New Order pa rin ang magwawagi dahil walang pag-asa si Hasiophea na manalo alinman kina Eon at Klaws sa kasalukuyan nitong kondisyon.

--

Samantala, kasalukuyang nagdidiwang na si Hasiophea sa kanyang isip habang pinagmamasdan ang kasalukuyang sitwasyon ni Finn. Wala siyang alam sa nangyayari sa kanyang grupong pinamumunuan, at hindi niya alam na unti-unti na palang nauubos ang kanyang mga kasamahan.

Kasalukuyang hinihintay ni Hasiophea na bumigay ang mentalidad ni Finn. Hindi siya maaaring kumilos dahil ginagamit niya ang pambihirang skill ng kanyang founation art na Eternal Slumber. Kailangan niyang manatili sa kanyang kasalukuyang posisyon hanggang sa tuluyan nang sumuko ang kanyang kalaban dahil sa kapangyarihan ng kanyang ilusyon.

Ang Eternal Slumber ay isang kakayahan na naglalagay sa kalaban niya sa kanyang kapangyarihan ng ilusyon. Kusang ipinapasaksi ng kakayagang ito ang pinaka kinatatakutan at kahinaan ng kanyang kalaban. Isa itong pambihirang skill na mahirap kalabanin dahil sa oras na tumingin ang isang adventurer sa mata ng adventurer na gumagamit ng kakayahang ito, wala na siyang magagawa kung hindi labanan ang kanyang kinatatakutan.

Pero, mayroon din itong komplikasyon. Maaari lang gamitin ni Hasiophea at ng iba pang gumagamit ng Eternal Slumber ang kakayahang ito kung isa lang ang kanilang kalaban. Hindi kayang gamitin ito ni Hasiophea sa maramihan sa ngayon dahil wala pa siya sa sapat na antas upang magawa iyon.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon