Chapter XXXVIII

5K 1.1K 97
                                    

Chapter XXXVIII: Before the Fight (Part 2)

Itinago ni Eon ang kanyang palakol at ang kanyang tingin ay nakatuon lang sa malaking bula na nasa harapan niya. Unti-unting naglalaho ang makapal na usok at alikabok sa kanyang palibot, at kapansin-pansin sa kanyang labi ang malapad na ngiti. Magkahalong pagkadismaya at kasiyahan ang kanyang nararamdaman sa kasalukuyan dahil sa resulta ng kanyang atake. Masaya siya dahil sa talagang napakatibay ng formation na ginawa ng kanyang master at ang ibig lang sabihin nito ay kahanga-hanga talaga ang kanyang master kahit sa larangang ito.

At kung bakit siya na-dismaya, iyon ay dahil hindi nagawa ng kanyang pinakamalakas na atake na wasakin ang formation.

Naglakad papalapit sina Poll upang suriing mabuti ang naging resulta, at nang makita nilang buo pa rin ang bula, nagulat sila at namangha ng sobra. Tumingin sila kay Finn na kasalukuyan pa ring nasa loob. Wala itong tinamong kahit anong galos o galos, at nananatili pa ring malinis ang kasuotan ni Finn.

Makaraan ang ilang sandali, kinontrol ni Finn ang formation gamit ang medalyon na kanyang hawak. Naglaho ang bulang nakapalibot sa kanya, at dahan-dahang bumaba ang kanyang katawan hanggang sa makatapak na siya muli sa lupa.

Nang tuluyang maglaho ang kapangyarihan ng formation, naging abo ang medalyon sa kamay ni Finn. Nasira rin ang mga patpat, at nawalan na ng tuluyan ng kapangyarihan ang formation.

Marahang pinagpagan ni Finn ang kanyang palad upang maalis ang alikabok. Tiningnan niya si Eon at nagwika, “Ang atakeng iyon ni Eon ay maikukumpara sa simpleng atake ng isang 7th Level Heavenly Emperor Rank ngunit hindi man lamang noon nagasgasan ang bula na gawa ng formation. Ang formation na ginawa ko, ang Bubble Barrier Formation ay isang defense formation na may kakayahang tumanggap ng ilang atake mula sa 9th Level Heavenly Emperor Rank. Isang gamit lang ang formation na ito kaya sa oras na magdesisyon kayong ihinto ang pagiging aktibo ng formation, masisira ng kanya ang formation at hindi na muling gagana pa.”

Bumaling si Finn kay Klaws na inaalalayan pa rin ni Paul at nagpatuloy sa pagsasalita, “Sapat na marahil ito para protektahan ka sa panganib na dala ng mga kalaban mo, Klaws Deterio. At hindi mo rin kailangang mangamba dahil hindi ka nila malayang maaatake. Kailangan muna nila kaming labanan bago sila makalapit sa formation ko.”

“Ngayon, mayroon ka bang problema o hinaing sa inihanda kong proteksyon? Ang dalawa rin sa tatlong formation na ito ang gagamitin nina Poll at Paul Bayson habang sila ay nagsasanay.”

Tumingin si Klaws kay Finn. Malalim siyang nag-isip at hindi nagtagal ay nagwika, “Mas mabuti ito kaysa sa aking inaasahan kaya sino ako para maghinaing? Salamat sa paglalaan ng oras at kayamanan para gawin ito.”

Umalis si Finn sa sirang formation na kanyang tinatayuan at seryosong nagsalita, “Hindi ko ito ginawa para lang sa 'yo. Ginawa ko rin ito para kay Poll at Paul Bayson dahil sasabak din sila sa kani-kanilang pagsasanay.”

Pilit na ngumiti si Klaws dahil sa malamig na pakikitungo sa kanya nito. Sa lahat ng kanyang nakilalang adventurer na may mababang antas kaysa sa kanya, si Finn lamang ang nakagawa nito sa kanya. Tila ba wala itong pakialam kung sino siya at kung kaninong estudyante siya.

“Nais ko ring purihin ka dahil sa iyong talento bilang formation master. Wala akong kilalang formation master na kasing bata at sa kabilang banda, kasing galing mo. Tanging matatandang formation master lamang ang may kakayahang gumawa ng ganito kalakas na formation,” pagpuri ni Klaws sa kakayahan ni Finn.

Sinasabi niya ito dahil ito ang katotohanan. Minsan lang siya pumuri ng ibang batang adventurer, at pinuri niya si Finn dahil sa tingin niya ay higit pa ito kaysa sa kanya kung talento at kakayahan man ang pag-uusapan. Marahil malakas siya bilang isang hindi pangkaraniwang 8th Level Heavenly Emperor Rank, pero maraming kagaya niyang malakas din.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon