Chapter LXV

5.7K 1.1K 225
                                    

Chapter LXV: Slaying the Devils (Part 1)

Pinagmasdan ni Finn ang aktwal na hitsura ng isa sa limang mga diyablo. Ang madilim na lilang kulay nila at ang kanilang malamig na aura na animo'y maihahalintulad sa death energy ay nagbibigay ng kakaibang pakiramdam sa kanya. Ang nanlilisik na pulang mga mata, nakangising labi, kakila-kilabot na ekspresyon at ang mga sungay nito ay ibinabalik siya sa mga panahong nakikipaglaban siya para mabuhay noong nasa teritoryo pa siya ni Sierra.

Dekada na ang lumipas ngunit hindi niya iyon makalilimutan dahil ang pangyayaring iyon ang isa sa sitwasyon kung saan nawalan siya ng pag-asa--na naging desperado siya para mabuhay.

Bukod sa pag-alala sa mga nangyari sa nakaraan, pinag-aralan din nila ang dami ng kanilang mga kalaban. Napakarami ng mga diyablo na nagtataglay ng isang puntos habang iisa pa lang ang nakikita nilang diyablo na nagtataglay ng limang daang puntos.

Ibig sabihin, hindi nila kailangang mangamba na baka maraming Chaos Rank ang kanilang makakalaban dahil bihira lamang ang mga kagaya nito.

“Sa kasalukuyan, mayroong kabuoang limang 1st Level Chaos Rank na diyablo sa hanay ng mga diyablong ito. At sa tuwing makapapatay kayo ng isang diyablo, magkakaroon ng pagitan ng tatlong araw bago muling magkaroon ng karagdagang isang Chaos Rank ngunit sa pagkakataong iyon, isang 2nd Level Chaos Rank na ang mabubuhay. Limitado lang din ang bilang ng ibang uri ng diyablo base sa kanilang lakas at lahat sila ay may pagitan bago muling mabuhay matapos nilang mamatay. Ito ang pinakamahalagang detalye na maibibigay ko sa inyo, at kayo na ang bahalag pumansin sa iba pang maliliit na detalye,” paliwanag ng may-ari ng mundo ng alchemy. “Kailangan ninyong maging matalino sa inyong desisyon. Kung ako sa inyo, hindi ko paaabutin sa puntong isang malakas na Chaos Rank ang isisilang dahil sa inyong kapabayaan.”

Nakinig sina Finn sa paglalahad ng pigura ng mga mahahalagang impormasyon. Tinandaan nila ang mga paalala nito gaya na lamang ng tungkol sa mga Chaos Rank na diyablo.

Agad na bumuo si Finn ng plano sa kanyang isip. Nag-isip agad siya ng mainam na hakbang na ipagagawa niya sa mga miyembro ng kanyang grupong New Order.

Matapos mapansin na wala ng sasabihin pa sina Finn, inilahad ng pigura ang kanyang kamay. Nagliyab ang kanyang katawan, at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Bueno. Magsisimulang kumilos ang mga diyablong ito kapag nagsimula na kayong umatake. Hinihiling ko ang tagumpay ng inyong grupo at gusto kong makita kayo sa susunod na bahagi ng pagtatasa.”

“Hihintayin ko kayo, hihintayin kita, Finn Doria.”

Kinain ng naglalagablab na apoy ang kabuoan ng pigura at pagkatapos, tuluyan na siyang naglaho na parang bula. Naiwan doon sina Finn habang patuloy pa ring pinagmamasdan ang mga diyablong nakapalibot sa kanila.

Dahil sa mga huling katagang binitawan ng may-ari ng mundo ng alchemy, hindi maiwasan ni Finn na mapaisip. Espesyal na binanggit ng pigura ang kanyang pangalan sa halip na banggitin nito ang pangalan ng kanilang grupo. Dahil dito, nakaramdam ng kakaiba ang binata, at napagtanto niyang may posibilidad na pinanonood siya ng nilalang na iyon habang siya ay naglalakbay at nakikipagsapalaran sa mundong ito.

Makalipas ang ilang sandali pang katahimikan at pag-iisip, hindi na nagsayang pa ng oras si Finn. Nagsimula na siyang magsalita para sabihin ang kanyang nais na maging hakbang ng kanilang grupo.

“Mayroon lamang limang Chaos Rank na diyablo at nagtataglay ang bawat isa sa kanila ng limang daang puntos. Hindi ako magiging maramot sa inyo, magdesisyon na kayo ngayon kung sino'ng nais na makipaglaban sa mga Chaos Rank na diyablo,” sabi ni Finn. “Kung ang mga papaslangin ninyo ay mas mahihinang diyablo, hindi kayo sobrang mahihirapan at makakarami kayo ng puntos dahil higit na mas mahirap labanan ang mga Chaos Rank na nagtataglay lang ng limang daang puntos. Ganoon man, maaari n'yo namang labanan ang isang 1st Level Chaos Rank dahil sa ikatlong aras pa ulit iyon mabubuhay. Makakapagparami pa kayo ng puntos habang hinihintay muli ang pagkabuhay ng mga Chaos Rank.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now