Chapter LXXVI

5.4K 1.1K 150
                                    

Chapter LXXVI: Battle of Alchemists (Part 1)

Pinagmasdan ni Finn si Poll habang mababakas sa kanyang ekspresyon ang sinseridad at pagsang-ayon. Makikitaan na siya ngayon ng emosyon, at kita sa kanyang mga mata na ipinagmamalaki at pinagkakatiwalaan niya si Poll. Bumaling siya sa ibang direksyon, at ibinuka niya ang kanyang bibig para magwika, “Alam kong hindi mo ako bibiguin. Alam kong susurpresahin mo kami sa iyong ipapakita, at bilang iyong guro, kung mayroon kang hindi maunawaan, huwag kang magdadalawang-isip na lumapit sa akin para magabayan kita.”

Napangiti na lang si Poll dahil sa mga sinabi sa kanya ng kanyang guro. Bumaling din siya sa direksyon na tinitingnan nito ngunit hindi na siya nagsalita pa. Nag-isip na lang siya ng pambihirang pill na maaari niyang gawin na susurpresa sa iba lalong-lalo na sa kanyang guro. Gusto niyang gumawa ng produkto na hindi aakalain ng iba na kaya niyang gawin, at iniisip niya pa sa ngayon kung ano ang pambihirang pill na kanyang alam ngunit hindi niya pa nasusubukang gawin.

Makaraan ang ilang sandaling pag-iisip, bigla na lang may pumasok sa kanyang isipan. Mayroon siyang naalala, at bumakas ang kalinawagan sa kanyang ekspresyon. Napangiti na lang siya at pagkatapos, bumaling siya kay Finn at nagpaalam, “Alam ko na kung ano'ng pill ang gagawin ko, Guro! Aalis muna ako sandali, at susubukan kong unawain at pag-aralan ang pill na iyon habang hindi pa opisyal na nagsisimula ang ikalawang bahagi ng pagtatasa.”

Bumaling sa kanya si Finn at tumango. Hindi na siya nagtanong tungkol sa pill na tinutukoy ni Poll dahil gusto niyang hindi muna iyon alamin pansamantala. Gusto niyang malaman kung masusurpresa ba siya sa gagawing produkto ng alchemy ni Poll.

“Hm. Basta kapag kailangan mo ng gabay ko, lumapit ka lang sa akin. Mag-iingat ka rin sa pill na iyong gagawin dahil alam mo namang sa pagtaas ng kalidad ng isang pill, at sa pagiging iba nito sa lahat, may kaakibat itong panganib bago mabuo,” paalala ni Finn kay Poll.

Tumango-tango si Poll sa kanyang guro bilang tugon. Ngumiti siya ng matamis at nagwika, “Alam ko, Guro. Mag-iingat ako at hindi kita bibiguin.”

Pagkatapos niyang sabihin ito, nagpaalam na ng tuluyan si Poll. Umalis siya sa lugar na iyon at agad na nagtungo sa direksyon kung saan walang miyembro ng New Order ang nagpapahinga. Lumayo siya sa mata ng lahat, at ginawa niya ito upang maibaling niya ang kanyang buong atensyon sa pag-aaral at pag-unawa sa pill na balak niyang buoin.

Nang makaalis na si Poll, nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nina Finn at Eon. Sinusulyap-sulyapan ni Eon ang kanyang master, pero agad din siyang bumabaling sa ibang direksyon at sumisipol-sipol.

“Ano iyon? Ramdam kong hindi ka lumapit sa akin para lang lumapit din sa akin si Poll. Ano'ng gusto mong sabihin, Eon?” Tanong ni Finn habang nakatanaw pa rin sa malayo. Bumaling siya kay Eon at pagkatapos, nagpatuloy sa pagsasalita, “Ano'ng inaalala mo?”

Pilit na ngumiti si Eon at bumaling sa kanyang master. Naiilang niyang kinamot ang likuran ng kanyang ulo at tumugon, “Ang nilalang na may-ari ng mundong ito, Master. Hindi tayo ligtas sa mundong ito--lalong-lalo na ikaw.”

Natahimik si Finn at hindi siya tumugon kay Eon. Muli siyang tumanaw sa malayo at nanatiling blanko ang kanyang ekspresyon.

“Ibang atensyon ang ibinibigay niya sa iyo, Master. Pinanonood ka niya, interesado siya sa 'yo at nararamdaman kong ang nilalang na iyon ay isang hindi pangkaraniwang indibidwal na nagmula sa divine realm. Nasa mundo niya tayo, at kayang-kaya niya tayong paikutin sa kanyang mga kamay kahit kailan niya gustuhin,” dagdag pang sabi ni Eon. Bumakas ang komplikasyon sa mukha niya. Kinuyom niya ang kanyang kamao at nagpatuloy sa pagsasalita, “Naghihintay lang siya ng tamang oras. Hindi natin alam kung ano ang totoong binabalak niya, pero kailangan mong mag-ingat, Master. Ginamit ni Guro ang kapangyarihan niya kaya nawalan muli siya ng kakayahan at muling napinsala ang kanyang katawan. Kung sakaling malalagay sa alanganin ang mga buhay natin, hindi tayo matutulungan ni Guro, Master.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now