Chapter XXX

4.9K 1K 77
                                    

Chapter XXX: What are you afraid of?

Ramdam ni Paul ang bigat ng emosyon sa kanyang paligid. Ang ugnayan ng tatlo niyang kasama ay matibay, at ang pagpapahalagang ibinibigay ni Finn sa dalawang binatilyo ay sobra-sobra sa puntong muli nitong ipinakita ang kanyang totoong pag-uugali--kung sino talaga siya at kung gaano kalambot ang kanyang puso sa mga taong pinahahalagahan niya. Kahit siya ay hindi mapigilan na mangilid ang luha dahil sa sandaling ito.

Hindi niya rin mapigilan na malungkot dahil sa posibilidad na may maaaring mawala sa kanila--at matakot na rin dahil sa posibilidad na mamatay siya.

Masyado na siyang nasanay na kasama sina Finn, Poll at Eon. Ito na ang kanyang pinapangarap--ang magkaroon ng kasama kahit na malinaw sa kanyang hindi siya ganoon kahalaga sa grupong ito. Masaya siya na mayroon siyang nakakasama sa paglalakbay, masaya siya dahil sa unang pagkakataon ay mayroong naniwala sa kanya at nagtiwala sa kanyang kakayahan.

“Oras na,” basag ni Finn sa katahimikan. Nanumbalik na siya sa dati. Ang kanyang ekspresyon ay muling naging blanko at ang kanyang mga mata ay nawalan muli ng buhay. “Naniniwala akong kaya n'yo; Kakayanin ninyo,” aniya pa.

Bumaling siya kay Paul at nagwika, “Hihintayin ka namin sa kabilang bahagi ng bundok na ito, Paul Bayson. Alam kong kaya mo, at hindi ka maaaring mamatay dahil kailangan pa namin ang serbisyo mo.”

Natigilan si Paul dahil sa binitawang salita ni Finn. Natulala siya sa kawalan, at noong makabawi siya nasaksihan niyang ang binata ay naglalakad na patungo sa makapal na hamog. Kinain na ito ng makapal na hamog, at anino na lang nito ang kanyang nakikita. Mabilis na naglaho ang pigura at aura ni Finn ngunit hindi nataranta ang tatlo.

“Ang pagsama mo sa aming grupo ay nakakaakit ng mga hangal na kalaban. Mas maraming hangal na kalaban, mas masaya,” ani Eon at nagsimula na ring maglakad patungo sa makapal na hamog habang nakangisi.

Napatitig si Paul kay Eon. Tila ba nanghahamak ang mga salita ng binatilyo at pinalalabas nitong nakakaakit siya ng mga kalaban dahil mahina siya subalit hindi siya nakaramdam ng inis o galit kay Eon. Nasanay na siya rito, at alam niya na may iba pang kahulugan ang mga salita nito na lalong tumunaw sa kanyang puso.

Kahit si Eon, na mayroong pinakamagaspang na ugali sa tatlo ay gusto pa rin siyang makasama. Hindi niya mapigilan na maging masaya sa loob-loob niya dahil dito.

“Mag-iingat ka, Ginoong Paul. Pilitin mong mabuhay. Labanan mo ang takot mo, at ganoon din ang gagawin namin. Mas mahirap ito kaysa sa paglaban sa mga monstrous beast ngunit alam kong kakayanin mo iyon,” sabi ni Poll. Inalis niya ang kanyang maskara at matamis na ngumiti bago magwikang muli, “Hihintayin ka namin.”

Isinuot muli ni Poll ang kanyang maskara. Huminga siya ng malalim at naglakad na rin patungo sa makapal na hamog.

Naiwang mag-isa si Paul sa lugar na iyon, tulala sa kawalan at nag-aalinlangan. Nag-aalinlangan siya kung susunod siya sa tatlo. Alam niyang malaki ang posibilidad na mamatay siya kaysa sa tatlo dahil unang-una, malinaw sa kanya na pangkaraniwan lamang siya habang ang tatlo ay mayroong espesyal na katangian.

Ganoon man, kung aatras siya at pipiliin niyang tumakas; ibig sabihin ay tinraydor niya sina Finn, Eon at Poll. Ibig sabihin ay sinira niya ang tiwalang ibinigay sa kanya ng tatlo, at ang lahat ng ibinigay sa kanya ay mababalewala lamang.

“Pero... ayoko pang mamatay.. Nagsisimula pa lang ako sa pag-abot sa aking mga pangarap at nagagawa ko na ang bagay na talagang gusto ko. Kung mamamatay ako sa bundok na ito... katapusan ko na,” Nakapikit at nahihirapang pabulong na sabi ni Paul.

‘Alam kong kaya mo...’

Noong susuko na sana siya at hindi na tutuloy, napamulat siya nang umalingawngaw sa kanyang isipan ang boses ni Finn. Natauhan siya, at naalala niya ang lahat ng bagay na itinulong sa kanya ng grupo ng binata.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now