Chapter XII

5.5K 1.1K 122
                                    

Chapter XII: Out of Nowhere

Sa ibang bahagi ng mahiwagang mundo, malayo sa kasalukuyang kinaroroonan nina Finn, isang malaking kaguluhan ang nagaganap matapos kumalat ang intelehensiyang mayroong isang lugar ang natuklasan na nagtataglay ng isang kayamanan na kahit ang mga matataas na antas ng Heavenly Emperor Rank ay hinahangad na makuha. Dahil sa pagkalat ng intelehensiyang ito, karamihan sa mga tanyag at malalakas na adventurer ay nagtipon-tipon nagtungo sa lugar upang makuha ang nasabing kayamanan.

Ang mga adventurer ay naniwala sa intelehensiyang kumalat sapagkat mayroong basehan at palatandaan na mayroon nga kayamanan sa lugar na iyon. At ang lugar na iyon ay isang napakalawak na hardin, at hindi lang ito ordinaryong hardin dahil maraming kayamanan ang nakatanim at nagtatago rito. Ganoon man, paanong ang mga kayamanan na ito ay madaling makukuha? Siyempre, upang makuha ang mga kayamanang ito, may kaakibat din itong panganib dahil maraming monstrous beast ang umaaligid sa mga kayamanan. Sila ang nagsisilbing protektor ng mga kayamanan, at lahat ng adventurer na kanilang mamamataan ay kanilang aatakihin.

Kasaluluyang nagkalat ngayon ang napakaraming adventurer sa katangi-tanging hardin. Bawat isa sa kanila ay hinahanap ang kayamanang tinatawag na Chaotic Fruit sa pag-asang mapapasakamay nila ito upang sa wakas ay maabot na nila ang ranggong Chaos Rank.

Iyon ang rason kung bakit ang mga tanyag na Heavenly Emperor Rank ay naririto, at hindi lang Heavenly Emperor Rank ang nasa lugar na ito dahil marami ring ibang ranggo ng adventurer ang nakikipagsapalaran sa hardin. Hindi sila umaasang makukuha nila ang Chaotic Fruit. Nariyan ang mga 9th Level Heavenly Emperor Rank na pinag-i-interesan na ang mahiwagang prutas, at narito rin ang mga tanyag na estudyante ng mga Chaos Rank para makiagaw--gaya na lang ni Klaws Deterio na kasalukuyang mag-isang nililibot ang hardin.

Matiyaga niyang hinahanap ang mga palatandaan kung saan niya makikita ang Chaotic Tree. Kailangan niya itong makita at kailangan niyang makuha ang bunga nito bago pa siya maunahan ng ibang adventurer na naroroon.

Marahil isa lang siyang 8th Level Heavenly Emperor Rank, pero hindi siya natatakot sa mga 9th Level Heavenly Emperor Rank dahil tiwala siya sa kanyang kakayahan at lakas. Wala siyang pakialam kung mas mababa ng isang antas ang kanyang antas. Determinado na siyang makuha ang prutas upang maging malakas pa siya.

“Kailangan kong makita ang Chaotic Tree bago pa ako maunahan ng iba. Isang beses lamang namumunga sa isang daang taon ang Chaotic Tree, at tatlong beses lamang ito maaaring mamunga bago ito matuyot at mamatay, at kung susuwertehin ako, maaaring kompleto pa ang mga bunga ng punong iyon,” aniya habang patuloy sa paghahanap ng madaraanan sa masukal na hardin. Mabilis siyang tumatakbo, at hindi siya makalipad dahil may mga baging sa kanyang itaas.

“Makukuha ko ang Chaotic Fruit. Sisiguruhin kong makukuha ko ang mga iyon at maipagmamalaki pa ako lalo ni Guro,” aniya pa.

Nagpatuloy siya sa paglibot sa hardin, at ilang sandali pang paglilibot, nakakita siya ng isang malaking ugat na makikitaan ng boltahe ng kuryente. Bumakas ang pananabik sa kanyang mukha nang makita niya ang ugat, ganoon man, agad ding nabura ito dahil mayroon siyang naramdamang presensya na nagmumula sa kanyang likuran.

At hindi lang iyon; nakararamdam din siya sa aura ng presensya ng kagustuhan nitong pumatay, at siya ang puntirya nito. Nakaramdam siya ng marahas na enerhiya na nagmumula sa kanyang likuran kaya agad niyang hinarap ang direksyon kung saan nagmumula ang enerhiya.

Napalibutan ang kanyang katawan ng enerhiya at mga butil ng buhangin. Agad siyang kumilos at bumuo ng harang na gawa sa buhangin upang salagin ang kamaong nababalutan ng lason.

BANG!!!

Matagumpay niyang nasalag ang surpresang atake ng binatang lumitaw upang siya ay atakihin. Balewala niya itong nasalag at hindi man lamang siya napaatras dahil nakaya niyang tapatan ang mapanganib na atakeng ito gamit ang kanyang Concentrated Sand Barrier.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Onde histórias criam vida. Descubra agora