Chapter VIII

5.2K 1K 72
                                    

Chapter VIII: Priority First

Ngumiti si Eon ngunit hindi siya nagsalita. Para sa kanya, nakikita niya si Geyaj bilang hindi isang tusong adventurer. Hindi nito gustong manlamang, at sinseridad ang pag-aalok nito ng isang kasunduan. Isa pa, marunong itong tumanggap ng pagtanggi dahil malawak ang pang-unawa nito. Higit pa roon, napahanga rin si Eon sa pasensyang ibinibigay sa kanila ni Geyaj. Kahit na malamig ang kanilang pakikitungo rito, hindi nito minasama, bagkus hindi niya na lang ito pinansin at direktang nakipag-usap tungkol sa kanyang totoong sadya sa kanilang grupo.

“Guro... ayos lang ba talaga na humiling tayo sa kanya? Nakinig lang tayo sa kanyang alok at tinanggihan din natin siya kaya hindi na siguro kailangan na humiling sa kanya,” pabulong na sambit ni Poll.

Narinig iyon ng lahat ng nasa silid. Napasimangot si Eon at agad siyang bumaling kay Poll. Suminghal siya at nagwika, “Kahit saang anggulo mo tingnan, siya ang nagsabi napagbibigyan niya ang isa nating kahilingan basta abot ng kanyang kakayahan. At tinanggihan man natin siya, nasayang pa rin ang ating panahon sa pakikinig sa kanya. Bawat segundo natin ay mahalaga--”

“Simple lang ang hihilingin namin mula sa 'yo. Gusto kong malaman kung mayroon kang alam kung sino'ng mayroong hinog na Rainbow Lotus Seed sa inyong hanay. Ang kailangan namin ay Rank 3 King Grade o mas mataas pang kalidad,” sabi ni Finn bago pa man matapos si Eon sa kanyang mga sinasabi.

Kung hindi niya puputulin ang pagtatalo ng dalawa, hahaba na naman ang pagbabangayan ng mga ito kaya mas minabuti ni Finn na sabihin na ang kanyang kailangan kay Geyaj.

Napabaling sina Eon at Poll kay Finn. Hindi na sila nakapagsalita pa, at hindi na nila binalak na magtalo dahil muli nilang naalala na napagalitan na silang dalawa tungkol sa kanilang pagtatalo nang wala na sa lugar.

Napangiti si Geyaj nang marinig niya ang sinabi ni Finn. Bumaling din siya kina Eon at Poll at napansin niya na napakagalang ng dalawa sa binata.

Muli niyang itinuon ang kanyang atensyon kay Finn at nagwika, “Hinog na Rainbow Lotus Seed ba kamo? At ang kailangan ninyo ay Rank 3 King Grade pataas?”

Naglabas si Geyaj ng isang bagay mula sa kanyang interspatial ring. Ipinakita niya ito kay Finn at muling nagsalita, “Ang mga buto ba rito ang iyong kailangan? Ito ang Rainbow Lotus Seed Pod, at ang bawat buto ng lotus sa supot ng butong ito ay nasa Rank 5 King Grade. May kabuoang dalawampu't limang buto rito, heto, tanggapin mo.”

Ibinato ni Geyaj ang Rainbow Lotus Seed Pod sa binata. Maingat niya itong sinalo at gumamit siya ng enerhiya upang hindi ito masira. Hindi niya agad ito ipinasok sa kanyang interspatial ring, bagkus tumitig siya kay Geyaj nang halos sampung segundo.

“Babayaran namin ito. Tinatanong ko lang kung mayroon kang kila--”

“Ang mga butong iyan ay meryenda ko lang. Masarap kainin ang mga butong iyan, at marami akong ganyan sa aking personal na interspatial ring. Hindi ako kasing hirap ng inaakala n'yo kaya tanggapin n'yo ang mga butong iyan bilang kapalit ng pakikinig n'yo sa akin,” sabi ni Geyaj. “Ano ba ang balak n'yong gawin sa mga butong iyan? Hm... Hindi ko na pala iyon problema.”

Nakatitig pa rin si Finn kay Geyaj. Nanatiling blanko ang kanyang mga mata. Bahagya siyang tumango at ipinasok sa kanyang interspatial ring ang Rainbow Lotsu Seed Pod na bigay ni Geyaj.

Hindi na siya nagtatakang ginagawang ordinaryong pagkain ni Geyaj ang Rainbow Lotus Seed. Totoong masarap ito, at malaki ang benepisyong makukuha sa natural na pagkain nito. Mas napapanatili ng mga buto nito ang katatagan ng pundasyon ng isang adventurer kaya kadalasang regular ang pagkain ng mga adventurer sa mga ganitong uri ng kayamanan.

Sapat na sapat na ito para sa kanyang gagawing Supreme Emperor Pill. Sa tulong ng mga buto sa Rainbow Lotud Seed Pod, siguradong makabubuo siya ng maraming Supreme Emperor Pill na mapakikinabangan nila sa kanilang pagpapalakas.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon