Kapitulo - XIV

77 7 81
                                    

NANG makauwi ang mag-ama sa mansyon ay sinalubong agad sila ng yakap ni Luna.

Napangiti naman si Don Xavier at binuhat ang apo, "Kumusta kayo rito? Kayo ba ay kumain na ng tanghalian?"

Napatango si Luna, "Opo, lolo. Masarap ho ang inihain ni Tiyo Agustin na ulam,"

Napangiti si Dolorosa at agad na nagmano sa ina nang lumabas ito mula sa kusina.

"Kayo'y mananghalian na. Kumusta ang inyong lakad?" Tanong ni Doña Araceli at pagkatapos ay humalik sa labi ng esposo.

Napailing naman si Don Xavier at ibinaba si Luna, "Nakakahindik ang aming nasaksihan,"

"Anong klaseng nilalang ba ang sa tingin mong kumitil ng buhay nila?" Tanong pa ng doña at nang maabot na nila ang kusina ay agad na naghanda siya ng dalawang pinggan.

Napaupo muna si Don Xavier. Bago pa man siya mag salita ay napatingin pa siya kay Dolorosa na ngayon ay kinakausap si Kahimanawari, "Dapat na magsulat muna ako ng liham sa gobernadorcillo upang mabigyan ng agarang solusyon, samakatuwid ay dapat na ipagbawal na muna ang pagtampisaw ng mga tao sa ilog o dagat, kahit na mga mangingisda ay pagbawalan munang maglayag ng ilang araw, ang mga nilalang na iyon ay tinatawag na kataw." Saad niya sa kaniyang asawa.

Bakas sa mukha ni Doña Araceli ang pagkabahala, "Lagi na lang naaapektuhan ang sambayanan,"

Lumapit na si Dolorosa at pinagmasdan ang magulang na ngayon ay nag-uusap. Umupo na siya at sumandok agad ng kanin, "Ina, sila kuya Marco ho?"

"Nasa bayan ang iyong kuya Marco, at ang iyong kuya Adrian ay may binisitang kaibigan sa bayan din at sinama si Kalayaan," Saad ng doña at sinandokan ng ulam ang anak.

"Luna, saan ang iyong ama at ina?" Tanong ni Don Xavier sa apo. Nabaling naman sa kaniya ang atensyon ni Luna na abala sa paglalaro ng mga manika. 

"Si ama ho ay pumunta ng kwartel at si ina naman po ay umuwi na muna upang makapaglinis ng bahay," Ani Luna at pagkatapos ay pinagpatuloy na ang paglalaro.

"DOLOR, nawa'y maintindihan mo ang aking sasabihin" Saad ni Kahimanawari, "Kaninang umaga ay may napansin ako sa iyo na maestra," Nagdadalawang isip siya kung sasabihin niya ba ang patungkol sa palad ng panauhin kanina. Napaupo siya sa higaan at pinagmasdan si Dolorosa na may sinusulat na liham.

Nang marinig ni Dolorosa ang sinabi ni Kahimanawari ay napahinto siya sa pagsusulat ng liham na ipangtutugon niya sa pinadalang liham ni Andrus, nais niyang patigilin sa panliligaw ang binata. Lumingon siya rito at napansin niya ang pagkabahala sa mukha ng pamangkin, "Bakit, Wari? Ano ang iyong napansin?"

Huminga muna nang malalim si Kahimanawari at napatayo at nilapitan si Dolorosa sabay hinawakan ang isang kamay nito, "Hindi ka sana mabibigla ngunit ang palad ng iyo na maestra ay blanko, senyales ito na nabibilang siya sa angkan ng mga bampira"

Nanlaki ang mga mata ni Dolorosa at hindi na mawari ang itutugon kay Kahimanawari dahil sa maraming araw na lumipas na nakakasama niya ang maestra ay parang siya na ang lumalapit sa bitag.

"Kaya ay mag-ingat ka, lalo na si Luna. Napansin ko kanina na panay sulyap ang kaniya na mga mata sa bata," Bilin pa ni Kahimanawari habang hawak ang kamay ni Dolorosa nang mahigpit.

"Kailangan na ipaalam ko ito kay, ama" Tatayo na sana si Dolorosa ngunit pinigilan siya ni Kahimanawari, "Bakit?" Pagtataka niyang tanong dito.

Umiling si Kahimanawari, "Hindi na muna, palipasin muna natin ang nangyayari ngayon sa ibang baryo, nang sa gayon ay hindi mabagsakan ng problema si lolo."

Inalis ni Dolorosa ang kamay sa pagkakahawak sa kaniya ni Kahimanawari pagkatapos ay ngumiti siya nang tipid at tumango na lamang siya bilang tugon.

SA bayan, naghihintay lamang si Kalayaan na matapos ang pag-uusap ni Adrian at ng dalaga na nag ta-trabaho sa malaking panciteria. Naubos na niya ang isang bilao ng pansit ngunit hindi pa rin tapos ang dalawa. Kung kaya ay napagpasyahan niya na lumabas muna upang magpahangin.

Via DolorosaDonde viven las historias. Descúbrelo ahora