Kapitulo - XXIX

53 6 48
                                    

BUMITAW nang napakalalim na hinga si Dolorosa habang nakaharap sa kaniyang malaking salamin. Napatingin siya sa kaniyang orasan na tumatama na sa alas sais y media. Kanina lang ay umuwi siya ng diretso sa kanilang tahanan at tanging si Kahimanawari lamang ang nakakaalam sa nangyari sa kaniya at kay Liyong kung kaya ay tinulungan siya nito na makauwi ng barrio Querrencia at pagtakpan siya kung sino man ang maghahanap.

Pilit niyang ipinagtagpi ang lahat ng pangyayari. Lantaran na sa kaniya ang mga kasagutan na ang Gobernadorcillo ay isang bampira at hindi malabo na kalalabanin nito ang kaniyang ama sa paglipas ng mga araw. Kailangan na niyang sabihin ang lahat kahit na makakagalitan siyang muli. Wala na siyang pakialam.

Napatingin siya bigla sa gawi ng bintana, may uwak na nakapatong doon at may papel na dala sa tuka nito. "Salamat, kaibigang uwak" at agad naman niyang binuksan ang liham.

Dolorosa,

Nawa'y nasa maayos na kalagayan ka ngayon. Huwag mo akong aalalahanin dahil sa gagawin kong plano mamayang hatinggabi, huwag na huwag kang lumabas kahit anong mangyari. Magkikita na lamang tayo bukas sa ating tagpuan at kung hindi mo ako masumpungan ay alalahanin mong mahal na mahal kita.

Liyong

Napakunot-noo si Dolorosa sa huling kataga na kaniyang binasa. Hindi niya maintindihan ang ibig ipahiwatig ng binata sa liham.

"Dolor? Maghahapunan na. Huwag ka na namang magpapalipas ng gutom,"

Naitago ni Dolorosa ang liham sa kaniyang mesang may kahon nang marinig ang boses ng ina sa labas ng kaniyang silid. Agad siyang napatungo sa pintuan at binuksan iyon.

"Hindi ka na ba nahihilo?" Nag-aaalalang tanong ni Doña Araceli, "Tila mugto ang iyong mga mata, may problema ba, anak?"

Napaiwas si Dolorosa ng tingin dahil nahahalata ang kaniyang pagtangis kanina kay Manang Isidra, "Ah- mugto ho ang mata ko dahil umiyak po ako kanina sa libing ni nanang Amanda,"

"Hindi ko napansin, mukhang ang mga matang iyan ay nilaanan ang isang napakalaking hagulhol." Sambit ng doña sa anak.

"Wala ho akong problema, ina. Nakatulog lang ako," Saad ni Dolorosa at nauna ng bumaba sa hagdanan.

"Kumain ka na, anak" Ani Don Xavier kay Dolorosa. Napansin niya itong matamlay at hindi nakakakitaan ng sigla sa mga mata nito. Naintindihan niya naman ang anak dahil marahil ay naghihinagpis pa rin ito sa pagkawala ng kaniyang nanang Amanda.

BUMABA sa isang kulay itim na karwahe si Prayle Castillo. Puno ng galit at pagkadismaya ang kaniyang sistema. Nakakakitaan din sa kaniyang mga mata ang talim at hinanakit. Seryoso siyang tumungo sa mansyon ni Gobernadorcillo Alfonso.

Pumasok siya at nadatnan ang gobernadorcillo na may katabing babae habang may hawak na kupita na naglalaman ng sariwang dugo.

"Buenas noches, Padre Castillo. ¿Qué y viniste?" (Magandang gabi, Padre Castillo. Ano at naparito ka?) Tanong ni Alfonso. Tumayo siya at sinenyasan ang babaeng bayaran na umalis.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now