Kapitulo - XXXIII

70 4 56
                                    

KINAUMAGAHAN umuwi si Don Xavier sa balwarte dala ang masamang balita at mga nalaman.

Nang masumpungan ang asawa na sinusuklayan ang buhok ng apo na si Luna ay agad siyang pumasok ng tahanan, doon ay nadatnan niya ang mga anak na nagpupulong sa mahabang mesa sa may kusina.

Biglang napatayo si Doña Araceli, "Mahal? B-bakit hindi ka nakauwi kagabi?" Pag-aalalang tanong niya.

Narinig naman iyon nila Oliver na kasalukuyang nagpupulong patungkol sa mga nangyari kagabi.

Biglang napayakap si Don Xavier sa asawa na ipinagtaka naman ni Doña Araceli dahil mukhang may dala itong mabigat na pasanin.

Agad naman na unang lumapit si Dolorosa sa ama at pinagmasdan ang mukha nitong hindi niya mawari kung malungkot ba ito o seryoso lamang.

Napahinga nang malalim si Don Xavier nang mahiwalay sa pagkakayakap sa esposa, nagawi rin ang kaniyang tingin kay Luna at sa suot nitong pulang hiyas, "Alam kong magugulat kayo, p-pero nawa'y panatalihin ninyo ang pagiging kalmado kahit mahirap,"

Tahimik lamang ang lahat na nag-aabang sa nais sasabihin ng kanilang padre de pamilya.

"W-wala na si Marcelo," Saad ni Don Xavier sa kanila.

Biglang nanghina ang tuhod ni Doña Araceli at muntikang matumba, mabuti na lamang at naalalayan siya ng kaniyang esposo, "H-hindi," Anas niya pa.

Hinagod naman ni Dolorosa ang likuran ng ina, hindi niya rin mapigilan na mapatulo ang kaniyang luha.

Napatingala na lamang si Adrian upang pigilan ang luha, hindi niya maarok ang pagkawala ng kaniyang paboritong tiyo. Samantala, si Marco naman ay bumitaw ng mabigat na hininga dahil naninikip ang kaniyang dibdib sa narinig.

Kahapon nang mahatid nila si Marcelo sa morgue ay hindi mapigilan ni Don Xavier na magpaiwan,  pumasok siya sa loob ng silid na kung saan nilalagyan ng pormalina ang mga bangkay. May nais siyang matunghayan sa katawan ni Marcelo.

"Don Xavier, mukhang hindi po nagpakamatay si Señor Marcelo" Nababahalang saad ng embalsamador, "May bakas ng kagat ang kaniyang dibdib,"

Tiningnan naman iyon ni Don Xavier, nakita niya na bumakat ang dalawang maliit na butas sa dibdib ni Marcelo, nangingitim na iyon at nalilibutan ng mga maliliit na bakas ng maitim na ugat.

Napaisip nang malalim ang don at pilit na pinagtatagpi ang maaaring naganap. Unang pumasok sa kaniyang isipan ay totoong nagpakamatay si Marcelo dahil hindi nito matanggap ang nangyari at isa iyong kalapastanganan ang mapabilang sa mga bampira lalo na at ang tiyahin ay isang taong-lobo. Ang pangalawang konklusyon na kaniyang naisip ay ang mga bampira na mismo ang nagbigti kay Marcelo upang palabasin na ito ay nagpakamatay dulot sa kalungkutan dahil sa pagpanaw ng ina. Kung alin man sa dalawa ay sisiguraduhin niya na mamamatay sa kaniyang mga kamay ang pumaslang kay Marcelo.

"Grabe na talaga ang nangyayari, hindi na makatarungan. Kagabi naman dito ay sumugod ang berbalang, mabuti na lamang at nandiyan si Marco" Seryosong saad ni Oliver, "Muntikan ng makuha ang hiyas,"

Kasalukuyan silang nagpupulong na pamilya, maliban kay Dolorosa at Doña Araceli na gumawi sa bayan para puntahan si Doña Aryana.

Napatingin si Don Xavier kay Marco na ngayon ay nakaupo lang ng tuwid habang nakatingin sa mesa at nilalaro ang sariling kamay nito. Napansin niya ang malaking pagbabago ng anak sa kaanyuan at pati na rin sa ugali, minsan na lamang ito kumibo sa mga kapatid at hindi na nakakakitaan ng sigla sa mga mata---naging seryoso na ito na tila galit sa mundo.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now