Kapitulo - XXXII

86 5 73
                                    

NAG-AANTAY si Adrian sa labas ng panciteria na matapos ni Aina ang ginagawa nito. Napag-alaman niya na wala na itong gagawin sa tanghali dahil araw ng kapahingahaan.

"Ayos na, bukas na naman ako babalik rito" Saad ni Aina nang makalapit sa binata dala ang isang buslo na naglalaman ng prutas, "Para nga pala sa'yo"

Napangiti si Adrian, "Nag-abala ka pa, binibini."

"Tanggapin mo na, minsan lang 'to" Ani Aina at inangat nang bahagya ang buslo, "Pinaghandaan ko talaga iyan, tatlong araw ka ring hindi nagawi rito sa amin"

Tinanggap na lamang ni Adrian ang buslo, "Maraming salamat, saluhan mo na lamang ako nitong mga prutas. Mamasyal na lang tayo"

"Saan?" Nagtatakang katanungan ni Aina. Nakita niyang napangiti ang binata.

"Basta," Maikling tugon ni Adrian.

Ilang oras ang lumipas ay narating na nila ang isang gubat at sa dulo nito ay isang napakalinaw na ilog, may malalaking bato rin sa mismong tubig. Mahinang rumaragasa ang daloy nito patungo sa isang talon.

Maririnig ang mga nagkakantahang ibon at mga paru-parong malayang nakakadungaw at nakakadampi sa mga kulay puti at kahel na mga bulaklak.

Manghang-mangha si Aina sa nakita, "Sobrang napakaganda sa lugar na ito. Hindi ko akalain na may nakatagong lugar dito sa San Fernando na ganito kaganda at nakakagaan pa sa pakiramdam,"

Napaupo si Adrian sa isang malaking putol na sanga, "Siyang tunay. Dito ako pumupunta kapag nalulungkot,"

Napalingon naman si Aina sa gawi ng binata. Hindi niya mapigilan na humanga rito, nababagay ang kasuotan nitong kulay puting pormal na damit at ang karsones na mahahalintulad sa kulay ng tsokolate, "Ibig sabihin ay malungkot ka ngayon?"

Napakibit-balikat si Adrian, naitukod na lamang niya ang kaniyang siko sa kaniyang tuhod at napasalong-baba. "Malalagpasan lamang namin ito,"

Napaupo na lamang si Aina sa isa ring putol na sanga, "Gaano ba kahirap maging taong-lobo?"

Napatingin si Adrian sa dalaga na ngayon ay binabalatan ang hinog na mangga, "Mahirap pero nakagisnan na namin. Lahat ng kaguluhang nagaganap ay aming responsibilidad. Siguro kung wala ang lahi namin ay marahil hindi malala ang gulo sa San Fernando."

"Paano na lang kung hindi kayo nailikha? Mga masasama lamang ang nalikha? Siguro ay mabubura sa mapa ang San Fernando," Ani Aina, ibinigay niya naman kay Adrian ang nabalatang mangga.

Mahinang tumawa si Adrian at agad na tinanggap ang mangga, "Kung sabagay, ito na talaga ang daloy ng buhay ko. Nabuhay bilang taong-lobo, mamamatay din na taong-lobo."

Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Tanging agos ng rumaragasang tubig lamang ang naririnig.

Napahinga nang malalim si Adrian bago magsalita, "Dinala kita rito dahil nais mong malaman mo na..."

Kinakabahan si Aina sa maaring sabihin ng binata sa kaniya kung kaya ay nakaabang na lamang siya sa susunod na mga kataga.

"Iniibig kita," Maikling saad ni Adrian, bahagyang napayuko siya na tila nahiya sa tinuran.

Napaawang ang bibig ni Aina, hindi siya makapaniwala sa sinabi ni Adrian. Kung panaginip lamang ito ay nanaisin niyang hindi na magising sa tunay na mundo, "A-alam mo ba ang sinasabi mo?"

Napasulyap si Adrian sa dalaga at napangisi, "Mukha ba akong nagbibiro? Totoo at alam ko ang aking sinasabi,"

Napatuwid nang bahagya ang pag-upo ni Aina at tumikhim, rinig na rinig na niya ang kabog ng kaniyang puso, "Iniibig din naman kita," Diretsong saad niya. Hindi niya maalis ang kaniyang paningin sa binata.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now