Kapitulo - XLIII

42 4 56
                                    

Desyembre 25, 1892
•••

SA bukana ng mansyon ng mga Sarmiento ay naroroon ang mga tagatugtog ng bandurria na pinapangunahan ni Ginoong Himala bilang bagong maestro ng grupo.

Sa gawing kusina ay abala ang lahat ng mga kasambahay sa pagluluto ng mga masasarap na putahe. Ang iba'y hindi na magkamayaw sa paglalagay ng mga palamuti sa gawing hardin dahil dito mangyayari ang handaan.

Sa kabilang dako, sa tahanan ng mga Romualdez, naroroon si Liyong na nagbibihis na.

"Talaga naman, hindi ako makapaniwalang ikakasal ka na, amigo." Saad ni Teofilo, "Iba rin ang iyong kamandag at napaibig mo si Dolorosa."

Napailing si Liyong at hindi maiwasang mapangiti. Inayos niya ang nag-iisang bulaklak ng kalatsutsi na nakasabit sa bulsa sa kaliwang bahagi ng dibdib sa kaniyang barong. "Eh ikaw? Kailan ka pa kaya magkakaroon ng lakas ng loob kay Edelya?"

Napailing si Teofilo at napaayos na lamang ng kwelyo sa harapan ng salamin, hindi siya makasagot kung kaya ay iniba niya na lamang ang usapan, "Siya nga pala, may tinola ba sa handaan? Yung sayote ang nakahalo at hindi yung prutas ng papaya," Nakita niyang napangisi ang kaibigan, "Bakit? Wala ba?"

"Mayroon. Mukhang iniiba mo ang daloy ng usapan, amigo." Panunukso pa ni Liyong.

"Ah- magsuot ka na ng iyong sapatos, Liyong. Mukhang kakabagin ako sa mga katanungan mo."

Napatawa nang mahina si Liyong at agad na isinuot ang sapatos. Napansin na lang niya na kanina pa tahimik si Marco habang nagbubutones ng barong nito kung kaya ay hindi niya maiwasang tanungin, "Ayos ka lang ba, amigo?"

"Sí, ako'y ayos lang. Sadyang naiisip ko lang na mawawalay na sa amin ang bunso. Nakakatawa nga't siya ang bunso pero siya ang naunang mag-asawa." Ani Marco. Naramdaman niya ang pagtapik sa kaniya ni Liyong sa balikat.

"Hindi ko naman itatago sa inyo si Dolorosa,"

Napatawa na lamang ang binata sa tinuran ni Liyong, "Nawa'y hindi."

Sumingit naman si Adrian na galing sa labas, "Naghihintay na sa labas ang karwahe. Halina't tayo na,"

Bago pa man sila makalabas ay napahinga nang malalim si Liyong sabay bulong, "Maraming salamat, Panginoon."

SA bukana ng simbahan ay agad na sinalubong ni Don Mateo at Doña Catalina si Liyong. Sila ang magsisilbing magulang nito para abangan sa altar si Dolorosa.

May mga nakarating na mga kalesa na galing sa Kongregasyon at agad na napayakap sa kanila si Liyong. Walang mapaglalagyan ang kaniyang saya ngayon dahil sa lahat ng hirap na naranasan niya sa buhay ay nagkaroon na siya ng kaginhawaan.

Pagkatapos ng ganoong eksena ay napagpasyahan na nilang pumasok sa loob ng simbahan. Naroon naman ang bagong kura ng San Fernando na si Prayle De Pueblos na nasa pulpito habang inaayos ang sablay sa balikat at kinuha ang bibliya bago bumaba patungo sa mismong altar.

Nginitian ni Liyong ang prayle, gayundin ito. "Magandang umaga po," Sabay mano niya.

"Kaawaan kayo ng Diyos." Saad ng Prayle, "Ilang minuto na lamang at magsisimula na ang seremonyas. Ito na ang simula ng bagong buhay, Ginoong Sevilla."

"Opo, salamat, Prayle." Magalang na tugon ni Liyong. Pagkatapos ay napunta ang kaniyang paningin sa mga taong nasa simbahan. Pagkatapos ay napansin din niya ang mga palamuting bulaklak na pinagkumpol-kumpol at pinaghalong rosas na kulay puti at pula, hindi rin mawawala ang kalatsutsi na siyang unang saksi sa lahat ng paglalahad niya ng damdamin kay Dolorosa noong una.

Via Dolorosaحيث تعيش القصص. اكتشف الآن