Kapitulo - XXXIV

58 5 70
                                    

TIRIK na tirik ang araw na tinahak ni Dolorosa ang daan pauwi ng balwarte, inutusan siya ng kaniyang ina na kumuha ng iilang damit sa kanilang tahanan.

Nakaamoy siya ng pamilyar na amoy kung kaya ay napailing na lamang siya sabay ngiti, "Liyong, lumabas ka na riyan"

Mula sa mataas na puno ay lumundag si Liyong, naglakad siya patungo kay Dolorosa na patuloy din ang paglalakad, "Hindi pala uubra sa akin ang magtago," natatawang saad pa niya.

Walang naitugon si Dolorosa habang nakasunod sa kaniya ang binata.

"Ako'y nakikiramay sa pagkawala ng iyong tiyo Marcelo" Saad pa ni Liyong sabay hinga niya nang malalim.

Napatango lamang si Dolorosa at patuloy na naglakad.

"B-bakit hindi mo ako sinasagot?" Tanong ni Liyong sa dalaga, hindi niya namalayan ang pagtango nito sa kaniya.

Napahinto naman si Dolorosa sa tapat ng pintuang daan at humarap sa binata,"Sinasagot naman kita ah? Tumango po ako, ginoong Leopoldo"

Ngumiti si Liyong, "Ganoon ba?  I-ikaw lang ba mag-isa rito ngayon?"

"Mukha ba akong may kasama?" Natatawang saad ni Dolorosa, "Siya nga pala, Liyong, ano at naparito ka?"

"M-may nais lang sana akong sabihin sa iyo, kamahalan" Ani Liyong kay Dolorosa na ngayon ay binubuksan na ang pintong daan.

"Ano iyon?" Tanong pa ni Dolorosa sabay bukas ng pintuang daan.

"P-pwede bang sa loob ko na sasabihin?" Nag-aalangan na sambit ni Liyong, alam niyang bawal ang ganitong eksena pero nais niyang balaan ang dalaga sa naging plano ng kaniyang ama.

Napahinga nang malalim si Dolorosa, "Kapag ikaw ay nakita ni ama o ng mga cambiaformas, hindi na kita ipagtatanggol"

Ngumiti lamang si Liyong, "Bueno, kahit hindi na lang sa loob ng inyong tahanan, maaaring doon na lang" Sabay turo niya sa mga bakanteng upuan na naroroon sa malapad na hardin.

"Sige, mas mainam" Ani Dolorosa sabay hawak sa kamay ni Liyong papunta sa mga bakanteng upuan.

Hindi naman mapigilan ng binata na mapangiti habang hawak ni Dolorosa ang kaniyang kaliwang kamay.

"Hintayin mo ako rito, Liyong. May kukunin lang ako sa taas,"

Napatango naman si Liyong at pinagmasdan na lamang niya ang dalaga na tumalikod at pumasok sa loob ng tahanan.

Hinahanda niya ang sarili sa maaaring sabihin kay Dolorosa patungkol sa plano ng ama.

Mayamaya pa ay lumabas na ang dalaga dala ang isang tampipi at isang baso ng tsaa. Inilagay niya ito sa hindi kalakihang mesa na kaharap lamang ni Liyong.

"Dolor, nawa'y hindi ka magalit sa akin" Ani Liyong sa dalaga.

Umupo naman si Dolor sabay bigay kay Liyong ang tasa, "Ano iyon?"

"Pasensya na kung ngayon ko lamang sasabihin ito, ako ang may pasimuno sa pagsunog sa monasteryo dahil pinaghahanap ka ng mga prayle," Saad ni Liyong, "Ngayon naman ay si ama na ang gustong dumukot sa'yo,"

Napaawang ang labi ni Dolorosa sa narinig, "B-bakit?"

Napahinga nang malalim si Liyong bago magpatuloy sa pagsasalita, "Marahil ay para magalit ang iyong ama at magkaharap sila ng aking ama. Ako ang itinalaga na dukutin ka"

Hindi makaimik si Dolorosa at tila sasabog na ang kaniyang ulo.

"Ang masasabi ko lamang ay huwag kang lalabas kapag sumilay na ang buwan na nababalutan ng dilim" Ani Liyong na animo'y naghahatid ng isang malaking babala.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now