Kapitulo - XVIII

65 6 30
                                    

PANAY ang lingon ni Dolorosa mula sa kaniyang likuran habang siya'y tumatakbo. Hindi na niya maintindihan ang kaba sa kaniyang dibdib at siguradong malalagot siya sa kaniyang ama kapag nalaman na nawawala si Luna.

Hindi na niya alam kung anong kalye na ang kaniyang dinadaanan. Maraming pasikot-sikot. Hanggang sa napadpad ang kaniyang sarili sa isang mataas na pader.

"Katapusan mo na talaga, Dolor. Wala naman kasi ito sa plano, nalimutan mo pa ang cedula!" Saad niya sa kaniyang sarili at palinga-linga pa rin siya sa paligid. Nangingilid ang kaniyang mga luha sa inis, "Tama nga si ama at si kuya. Totoo ngang mapanganib dito sa bayan. Dapat ay nakinig ako sa kanila. Luna, saan ka na ba?"

"Hindi mo ba kayang lundagin 'yan?"

Natigilan si Dolorosa nang marinig ang boses ng babae mula sa likuran. Nag dadalawang-isip man ay kaniya itong hinarap. Nanlaki na lamang ang kaniyang mga mata nang makita ang babaeng sa tingin niya ay ka-edad lamang.

Dahan-dahan siyang umaatras dahil sa kakaibang nararamdaman. May dala itong punyal at may nakasukbit sa baywang nito na isang pistola. Sa kasuotan naman ay purong itim ang tela ng baro at saya nito.

"S-sino ka?! Anong kailangan mo sa akin? Huwag kang lalapit, kaya kitang labanan!" Ani Dolorosa, tinibayan niya ang kaniyang loob dahil tila isang banta ang binibini sa kaniya.

"Lalabanan mo ako? Kung gayon ay hindi nga ako nagkakamali!" Ani dalaga at ngumisi pa ito.

Nangunot ang noo ni Dolorosa sa tinuran ng mahiwagang babae, hindi niya alam kung saan ba ito kumukuha ng mga kataga na tila alam na alam nito ang kaniyang tunay na katauhan.

Mas nagulat pa siya nang patakbong lumapit sa kaniya ang dalaga. Napapikit na lamang siya dahil tiyak na sa mga oras na ito ay maaaring tumagos sa kaniyang lalamunan ang punyal na hawak ng dalaga.

"Teofilo?!"

Idinilat ni Dolorosa ang kaniyang mata at akala niya'y tuluyan ng naitarak ang punyal sa kaniyang lalamunan. Nakikita na niya ngayon ang dalawang lalaki, ang isa'y malamig na nakatingin sa babaeng may dalang punyal. Ang isa naman ay matangkad na sa kaniyang wari'y ito ang kutsero ng kalesa kanina.

Mas lalong naging kabado siya nang makita ang mga naghahabol sa kaniya na mga gwardiya-sibil.

SAMANTALA, ang batang si Luna ay panay palinga-linga sa paligid. Umabot na ang kaniyang pagtakbo sa mataong talipapa. Tagaktak ang kaniyang pawis at nagsimula ng mangilid ang kaniyang luha. Hindi niya magawang makipag-usap sa mga estranghero dahil siya'y natatakot. Napahawak na lamang siya sa kaniyang kwintas.

"Bata, ano ang iyong nais? Saan ang iyong magulang?" Tanong ng isang tindera ng mga gulay.

Umiling naman si Luna at umalis sa harap ng tindera. Klase-klaseng tao ang kaniyang nakikita, pero may napapansin na siyang babae at lalaki na kanina pa nakatingin pero hindi na niya iyon pinansin.

"Luna!"

Luminga-linga muli si Luna sa narinig na boses. "T-tiya Biyang!" Tawag niya nang makita si Dolorosa, nagtataka man sa mga kasama nito ngunit hindi niya iyon inisip, ang mahalaga ay nagkita na sila ng kaniyang tiya.

Mahigpit na niyakap ni Dolorosa ang pamangkin. Tumulo ang luha na kanina pa'y gumigilid sa kaniyang mga mata. Napasulyap siya kina Edelmira at Teofilo na nakikita sa kanilang mga mukha ang galak, lalo na si Leopoldo na kanina'y nambugbog ng mga gwardiya-sibil at iniligtas siya.

"Mabuti at ligtas ka. Malalagot ako sa ama mo at kay ama," Mangiyak-ngiyak na saad ni Dolorosa.

Nagsalita naman si Leopoldo, "Ang talas ng iyong mga mata at nakita mo si Luna" Sabay ngiti.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now