Kapitulo - XXXV

84 4 112
                                    

TATLONG araw na ang nakalipas magmula noong nailibing si Marcelo. Ang dating tahanan naman nila ay ibebenta na lamang sa isang mayaman na negosyante at gagawin na lamang itong imbakan ng mga abaka, rattan, at tabako.

Papalubog na ang araw at kasalukuyang nagbabasa ng libro si Don Xavier sa sala, katabi naman niya ang apo na si Luna habang naglalaro ito ng mga manika.

Naitiklop ng don ang libro at pinagmasdan na ngayon ang apo. Kunot-noo siyang napatitig sa pulang hiyas na nasa leeg ni Luna, tila nilalamon ng maitim na tinta ang kalahating bahagi ng buwan na nakasabit sa kwintas.

Akma na niya itong hahawakan ngunit may isang cambiaformas na pumasok sa sala at agad na nagbigay galang sa kaniya.

"Pasensya na ho sa abala, Don Xavier. Pasensya na rin kung ngayon ko lamang sasabihin ito," Panimula ng cambiaformas.

Napatayo si Don Xavier bago magsalita, "Ano iyon?"

"May namamagitan ho ba sa anak niyong si Dolorosa sa binatang kaanib ng Kongregasyon?" Tanong ng cambiaformas, "Noong isang araw ay nakita ko silang magkahawak ang kamay papalabas ng barrio,"

Nagtabo ang kilay ng don at pilit inaarok ang sinasabi ng kawal, "Ikaw ba ay sigurado? Baka guni-guni mo lang iyon?"

"Kaya nga ho ako pumunta rito upang linawin kung mag-irog ba silang dala--"

"Hindi" Seryosong saad ni Don Xavier, pinutol na niya ang nais na ipabatid ng cambiaformas, "Hindi ko pa pinapayagan si Dolor na tumanggap ng manliligaw,"

Si Luna naman ay nagtaka na napatingin sa kaniyang lolo, sa kaniyang isipan ay parang pinapagalitan nito ang cambiaformas.

"Nais kong manmanan mo ang lalaking iyon kapag nagawi muli rito sa barrio," Ani Don Xavier, napatitig siya sa silid ni Dolorosa sa gawing taas.

"Pero mas mainam po iyon, hindi ba? Kaanib ng Kongregasyon ang binatang iyon, mas magiging malakas pa ang pwersa natin kapag---"

"Hindi." Pagputol muli ng don. Mariin niyang ibinigkas ang kataga at isang malaking pagtutol ang kaniyang gagawin.

Napayuko nang bahagya ang cambiaformas, "Pasensya na po. Sisiguraduhin ko pong hindi makakapasok ang binatang iyon dito sa barrio,"

Napaupo muli si Don Xavier, "Salamat," saad niya pa, nakita niya naman itong tumango at kalauna'y pinagmasdan niya na lamang ang cambiaformas na lumabas ng tahanan.

SERYOSO lamang na napatingin si Liyong sa pahabang mesa na ngayon ay may nakalapag na mga masasarap na pagkain. Limang mahahabang mesa ang nakalaan sa malaking bulwagan sa pinakailalim na parte ng mansyon kung saan sila kakain ngayon.

"Umupo ka na, anak" Ani Alfonso kay Liyong.

Agad naman na tumungo si Liyong sa isang silya, magkaharap sila ngayon ni Emilia na seryosong nakatingin sa kaniya. Seryoso niya rin itong tiningnan.

"Maaari ba akong umupo rito?"

Napalingon naman si Liyong kay Celia, nakangiti ito sa kaniya.

"Pwede ba?" Mahinhin na tanong ng dalaga.

"Ah- oo naman," Tugon ni Liyong at ibinaling muli ang sarili sa pagsulyap sa kaniyang tiyahin na ngayon ay sinisinghot ang kupita na naglalaman ng dugo.

"Naninibago ka pa rin ba, ginoo?" Tanong muli ni Celia sa binata.

"H-hindi naman, hindi lang ako sanay sa maraming tao." Ani Liyong.

Napatango nang marahan si Celia at napangiti.

Mayamaya pa ay dumating na ang mga serbidora na puro dalagita, nakasuot sila ng maitim na baro at saya at nakalugay ang kanilang buhok at bakas sa kanilang mga mukha ang hirap at nakikita sa kanilang mga mata ang takot pero pilit na hindi kinukubli dahil sa isang pagkakamali lang ay pwede na silang paslangin.

Via DolorosaUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum