Kapitulo - XVI

97 7 34
                                    

"KILALA mo ang matandang iyon, ama?" Pagtatakang tanong ni Adrian nang mapansin na tila naging seryoso ang mukha ng ama na sinusundan ngayon ng tingin ang nagngangalang Arturo.

"Wala na tayong oras pa, tayo na at pumunta sa baybayin" Ani Don Xavier at naunang naglakad papunta sa tabi ng dagat.

Napansin ng dalawa ang pag-iiwas ng kanilang ama sa tanong kung kaya ay napakibit-balikat na lamang si Marco at sumunod sa ama. Samantala, si Adrian naman ay naiwan ng ilang segundo bago patakbong sinundan ang kapatid.

Nang marating ng tatlo ang baybayin ay tanging nakakabulag na kadiliman lamang ang kanilang natunghayan sa malapad na karagatan ng San Fernando. Walang katao-tao at kahit ang mga bapor ay wala ni isang tao ang nakabantay.

"Ngayon pa ba kayo lalayo at hindi haharap sa amin?! Narito na kami mga lapastangang kataw!" Sigaw pa ni Don Xavier sa harapan ng dagat.

Si Adrian naman at Marco ay nanatiling nakamasid sa paligid at pinakikiramdaman ang bawat galaw o kaluskos sa mga kahoy o sa buhangin. Ngunit natigil lamang iyon nang mapansin nilang tatlo ang pagbulwak ng bula sa unahan ng dagat at bigla itong umangat. Nakapatong ang kataw doon na sa kanilang wari ay ito ang pinuno sa lahat. Unti-unting nag-aanyong tao ito habang binababa siya ng nakaangat na tubig patungo sa paroroonan ng tatlo.

"Ama, isa siyang babaeng kataw!" Mahinang bulalas ni Marco. Napaatras pa sila nang kaunti sa nasaksihan.

"Hindi naman kita tatalikuran, Xavier. Hindi ko kailanman tatanggihan ang pinuno ng mga taong-lobo," Seryosong saad ng babaeng kataw at bigla itong nagpalit ng anyo. Kulay tanso ang buhok at kayumanggi ang balat, may perpektong hubog ito ng katawan. Tanging makakapal na lato lamang ang nakatabon sa kaselanan at dibdib nito.

"Bueno, huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa. Bakit kayo nanggugulo rito sa bayan?" Tanong pa ng don.

"Dahil ang aming tahanan ay pinupugaran na ng mga basura! Ang ibang mangingisda ay gumagamit ng pampasabog sa karagatan upang makakuha sila ng maraming isda." Paliwanag pa ng babaeng kataw, "Kailangan namin ang hiyas ng pulang buwan upang maibalik sa ayos ang karagatan ng San Fernando. Nakakarindi ang tawanan ng mga nilalang na nabibilang sa alta sociedad habang nakasakay ng bapor tabo, habang tinatapon nila ang kanilang mga basura, at ang ibang mamamayan din dito ay ganoon din ang ginagawa!"

Napasingkit ang mata ni Don Xavier at napahinga nang malalim.

Patuloy na nagsalita ang babaeng kataw, "Kami ay mabubuti. Bagkus, ay tinutulungan namin ang ibang mangingisda na hindi gumagamit ng pampasabog na lumapit sa kanila ang libo-libong isda, kami ay tumutulong sa mga nalulunod. Ang aming mga pinaslang na mga anak ng mangingisda ay bayad lang nila iyon sapagkat hindi makatarungan ang kanilang ginagawa sa mga ilog at karagatan. Nais nga namin na patayin ang isa sa mga encomendieros na gustong magpatayo ng bahay na bato sa gitna ng ilog."

"Ama, ano ang ating nararapat na gawin?" Tanong ni Adrian.

"Pasensya na ngunit hindi ko maibibigay sa inyo ang pulang hiyas," Ani Don Xavier, nakita niya naman na seryoso pa rin na nakatingin sa kaniya ang babaeng kataw.

"Kami'y hindi masasama, titigil lamang kami sa isang kondisyon..." Sabay halukipkip ng babaeng kataw at sumilay ang ngiti, "Ipapalinis ang aming karagatan, at kung wala pa ring nangyayari ay hindi na kami papayag pa na magpaabuso. Gigisingin na namin ang aming mababangis na mga nilalang na natutulog lamang sa ilalim ng karagatan at mga ilog,"

Napaigting ang panga ni Don Xavier sa narinig, nagkatinginan din sila ng babaeng kataw gamit ang mga seryosong mga mata.

MADALING araw na ngunit hindi pa rin nakakatulog si Alcalde Timoteo dahil na rin sa mga inaasikasong isyu patungkol sa bayan at sa natanggap na liham galing sa Kongregasyon. Nasa loob siya ngayon ng kaniyang sariling opisina, at tanging liwanag lamang ng nakasinding lampara ang tanging namumutawi sa loob ng silid.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now