Kapitulo - XXXVIII

53 5 78
                                    

NAPANSIN ni Liyong ang liwanag na nanggagaling sa ilog na patungo ngayon sa kalangitan na kung saan unti-unting bumabalik ang buwan sa dati nitong kulay.

Si Don Xavier na nakatunghay ay nanghina at nangingilid ang luha pero hindi niya ito pinahalata "I-ikaw na ang bahala sa aking unica hija, sa tingin ko ay nasa gawing ilog ang kaniyang katawan." Saad niya nang makapagpalit ng anyo.

Magsasalita pa sana si Liyong ngunit biglang umalis ang Don at nagtungo sa asawa nito na walang malay.

Wala siyang nagawa kundi sundin ang sinabi ni Don Xavier. Bumibigat ang kaniyang pakiramdam habang papalapit sa gawing ilog. Hindi maiwasan na mangilid ang kaniyang luha. "Nagkakatotoo ang sinabi ng pulang libro. . ."  Saad niya sa isipan.

Nakalubog na ang kaniyang dalawang paa sa tubig at tinungo ang malaking bato na kung saan may umiilaw na kalaunan ay nawala rin.

At doon ay natunghayan niya ang  kaniyang sinisinta na nakasandal  sa malaking bato at walang malay. Agad niyang nilapitan ito at kinalong sa kaniyang bisig, "Dolor..." Sambit pa niya. Nanginginig ang kaniyang isang kamay habang hinahawi ang iilang hibla ng buhok na tumatabon sa mukha ng dalaga. Tumambad sa kaniya ang nagdurugong noo nito, pagkatapos ay pinakiramdaman niya ang pulsong nanghihina na ang pagpitik.

Agad na binuhat niya si Dolor na tila isang prinsesang natutulog lamang sa kaniyang mga bisig. Hindi niya maiwasang mapaluha sa nangyayari, "Lumaban ka, aking sinta." Saad niya sa dalaga.

KINABUKASAN, kalat na kalat sa buong San Fernando ang pagkatalo ng mga taong-lobo laban sa mga bampirang sumalakay sa Barrio Querrencia. Hindi sila makapaniwala na nagawang paslangin ng mga bampira ang dalawang anak ni Don Xavier.

Samantala, sa Barrio Querrencia, halos hindi na maitsura ang naging kondisyon dito. Natupok sa sunog ang kalahati ng gubat at nagkalat pa rin ang mga patay na katawan ng iilang cambiaformas at bampira.

Naalimpungatan na lamang si Liyong nang makarinig ng paglapat ng tasa sa mesa na kaniyang natulugan. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya sa pagbabantay kay Dolorosa buong gabi. Inunat niya ang kaniyang katawan habang nakaupo at ramdam na niya ngayon ang sakit sa likuran dahil sa posisyon ng pagkakatulog.

"Ginawa ko ang tsaa na iyan para magkaroon ka ng lakas. Sinabi rin sa akin ni ama na kung gusto mong kumain ay pumunta ka lang sa kusina." Seryosong saad ni Adrian.

Napangiti nang tipid si Liyong at sabay sabi, "Salamat, Ginoong Adrian." Kitang-kita niya ang pagluluksa sa mukha ng binata.

"Maiwan na muna kita, Ginoong Liyong." Ani Adrian sabay talikod para umalis ng silid.

Napahinga nang malalim si Liyong sabay idinapo ang tingin kay Dolorosa na payapang  nakahiga sa malambot nitong kama na wala pa ring malay. Hinawakan niya agad ang kamay nito, hindi niya maiwasan na mapaluha muli. Halos galos na ang katawan ng dalaga pero kahit ganoon ay nangingibabaw pa rin ang maamong mukha nito.

Nang mahimasmasan ang binata ay napalingon siya sa gawing pintuan at nakita niya roon si Doña Araceli. May benda ito sa bandang tiyan at namumutla.

"Hindi ko lubos maisip na wala na ang aking dalawang anak," Biglang sambit ni Doña Araceli, garalgal ang kaniyang boses na tila kagagaling lamang sa isang hagulhol. "Hindi ko rin maarok kung bakit kami ngayon ay nalulugmok."

Batid ni Liyong ang hirap na natatamasa ngayon ng pamilya Sarmiento. Sa totoo lang ay akala niya noon na masyadong mabagsik ang pinuno ng mga taong-lobo at halos hindi mahingian ng tulong pero taliwas iyon dahil may mga mabubuting puso ang mga ito.

"Sunod-sunod ang mga dagok na dumating sa aming buhay, pero, ito na yata ang aming kapalaran." Ani doña, pagkatapos ay agad na lumapit sa higaan ni Dolorosa. Inalalayan naman siya ng binata na makaupo.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now