Kapitulo - XXXI

73 5 72
                                    

"KUYA! Hintay!" Tawag ni Dolorosa kay Marco at patakbo siyang lumapit dito.

Napahinto naman si Marco at gulat na nakita ang kaniyang kapatid, "B-bakit ka narito sa bayan?!"

"Pumunta ako kina Immaculada," Pagsisinungaling pa niya sa kapatid. Nabigla na lamang siya nang hinila siya nito na parang hihiwalay ang kaniyang balikat sa katawan. Naninibago siya sa lakas ng kaniyang kuya.

"Tangina..." Anas pa ni Marco nang maramdaman ang hapdi sa kaniyang leeg.

Napalinga-linga pa si Dolorosa sa paligid, hindi niya maintindihan kung bakit sa isang madilim na eskinita sila nagtungo ng kaniyang kuya Marco, "Ano ba ang nangyari sa iyo, kuya? Patingin nga!" Akmang titingnan na sana ni Dolorosa ang leeg ng kaniyang kapatid ngunit lumayo ito.

"H-huwag kang lalapit! Por favor,  Dolorosa!" Balisang saad ni Marco, napapaigik na siya sa kaniyang nararamdamang kirot, dumodoble na ang kaniyang paningin na tila natatabunan na rin ng sapot ng gagamba.

Kinakabahan si Dolorosa sa nangyayari sa kaniyang kuya, nanginginig ang mga kamay nito habang pinipigilan ang pagtagas ng malapot na dugo nito sa leeg, "Kuya Marco! Magsabi ka ng totoo! Ano ang nangyari sa'yo?!"

"H-huwag mo akong isumbong kay ama, p-pakiusap" Hirap na hirap na tugon ni Marco. Napaluhod na lamang siya bigla at napahiyaw sa sakit ng ulo habang hawak hawak niya ito, parang mababasag na ito sa sobrang sakit.

Dahan-dahan na nilapitan ni Dolorosa ang kaniyang kuya Marco, "Kuya..."

"Umalis ka na lang!"

Bakas sa mukha ng dalaga ang pagkagulat nang iangat ni Marco ang mukha nito.

Nagbago na ang anyo ng binata, naging maputla ang balat nito. Kahit na ang busilig ay natatabunan na ng itim na kulay at samahan pa ng balintataw na naging kulay pula na rin.

Hindi makapaniwala si Dolorosa sa natuklasan, hindi ito ang totoong kaanyuan ng kaniyang kuya Marco kapag nag-aanyong taong-lobo. Sa kaniyang palagay ay nagiging kawangis na ito ng pinaghalong bampira at lobo na ngayon lamang niya nasumpungan, "Kuya!" Agad niyang inilabas ang matutulis na kuko at naging dilaw na rin ang kaniyang balintataw.

Hindi na makilala ni Marco ang kaniyang kaharap kung kaya ay sinugod niya ito.

Nag aabang din si Dolorosa sa pag-atake ng kaniyang kuya. Umangil siya at matalim na ang kaniyang tingin dito.

Bigla na lamang siyang napatihaya sa lupa nang madambahan siya ng kaniyang kuya Marco, "Kuya! Ako ito! Si Dolorosa!" Sinikap niyang pigilan ito at sakalin ngunit mas triple na ang lakas nito kaysa sa kaniya. Ginalaw niya ang kaniyang paa at sinipa ang kapatid sa tiyan.

Bahagyang tumilapon si Marco pero hindi iyon hadlang para siya'y matalo. Susugurin na niya sana muli ang dalaga ngunit may lagablab ng bolang apoy ang sumalubong sa kaniya. Bigla siyang napaiwas at galit na galit na napatingin sa lalaking parating.

Kitang-kita ni Dolorosa ang pagkalat ng apoy sa maliit at madilim na eskenita. Kitang-kita niya kung paano dumoble ang laki ng kaniyang kuya Marco. Ang pinagkaiba lamang ay wala na itong makakapal na balahibo na katulad ng dati.

Tumabi si Liyong kay Dolorosa at pinagmasdan nila si Marco na nagmamadaling makaakyat sa mataas na pader.

Napapunas na lamang ng dugo sa ilong si Dolorosa gamit ang likurang kamay at unti-unting nagbago ang kaniyang kaanyuan. Bakas din sa kaniyang mga mata ang namumuong luha, "Ang a-aking kuya Marco,"

Agad na niyakap nang mahigpit ni Liyong si Dolorosa habang nasa kalagitnaan sila ng malaking sunog.

Kahit na naririnig nila ang mga hiyawan ng mga tao sa paligid ay nanatiling nakatago ang dalaga sa bisig ni Liyong.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now