Chapter 30

8 0 0
                                    

Chapter 30

Bigla namang nagising si Jarred ng marinig ang paghikbi ni Jarra. Mumunting hikbi lang iyon, ngunit nilukuban siya ng pag-aalala.

"Mama, mama" paulit-ulit pang tawag ni Jarra sa ina.

Akala ni Jarred ay natutulog lang si Jarra at nananaginip. Kaya laking gulat niyang makita na nakaupo na pala ito at nakasandal sa headboard ng kamang kinahihigaan nila.

Napatingin pa siya sa dalawang kaibigan na mahimbing na natutulog. Bukas lang ang night lamp na nagbibigay liwanag sa kanila.

"Jarra," ani Jarred na akmang hahawakan ang bata ng tabigin nito ang kamay niya.

"Nasaan po mama ko? Bakit po wala ang mama ko? Saan po ninyo ako dinala? Ang mama ko po, ang Tita Maric ko po at ang lola ko po. Nasaan po sila?" umiiyak na tanong ni Jarra kaya naman biglang nagising ang dalawa.

"Jarred we told you," ani Teo na muling bumalik sa paghiga, ganoon din si Nald na naiiling na lang.

"Come here, mag-usap tayo sa labas," utos ni Jarred na ikinailing ni Jarra.

"Bad po kayo?" hindi pang-aakusa ngunit patanong na saad ni Jarra.

"Hindi ko alam Jarra. Please understand me baby."

"Hindi ko po kayo maintindihan. Kung hindi kayo bad. Bakit po ninyo ako kinuha sa mama ko? Kung wala ako sa tabi ng mama ko baka mahirapan si mama. Palagi niyang sinasabi na ako ang lakas niya, kahit isa ako sa dahilan kung bakit nahihirapan siya."

Nakuha ng sinabing iyon ni Jarra ang atensyon ni Jarred. Sa tingin niya ay may alam si Jarra tungkol sa sakit nito. Pakiramdam niya na kahit napakabata pa nito ay matalinong bata si Jarra. Napangisi na lang si Jarred ng maalala si Ella. Siguro nagmana sa ama si Jarra, hindi naman ganoong katalino si Ella, sa isip-isip niya.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Alam ko pong kailangan ni mama ng maraming pera para maipagamot ako dahil sa sakit ko. Buhat ng malaman niya iyon, palagi na lang umiiyak si mama. Pagnakita niyang nakita ko siya, sasabihin niya sa akin na gagawin niya ang lahat para gumaling ako dahil ako ang lakas niya. Hindi daw mabubuhay si mama kung wala ako sa tabi niya. Kaya ibalik na po ninyo ako kay mama," pakiusap ni Jarra na ikinailing lang ni Jarred.

"Paano mo nalaman ang tungkol sa sakit mo?"

"Hindi ko po ba malalaman iyon kung palagi na lang akong nilalagnat. Kakambal ko na po ang magkaroon ng sakit ng sakit. Hindi ako pwedeng lumabas ng malayo. Ospital, clinic at center sa barangay lang ang nararating ko po at dito. Kung nasaan po ako ngayon. At narinig ko po iyong sinabi ng doktor kay mama. Gising po ako noon," pag-amin ni Jarra.

Alam ni Jarred ang bagay na iyon. Lalo na at narinig din nila iyon noong sinabi iyon ng doktor kay Ella at sa babaeng kasama pa nito. Kaya nga naisip niyang si Jarra ang gagamitin niya para kay Ella. Kung maiilayo niya si Jarra. Siguradong masasaktan ng husto si Ella.

"Ano bang gusto mong mangyari ngayon?"

"Kung bibigyan po ako ng pagkakataon na kunin na ni Papa Jesus sasama na po ako. Ayaw ko na pong mahirapan si mama. Alam ko pong napakalaki na ng sakripisyo ni mama para sa akin. Palagi lang niyang ipinapakita na masaya siya. Pero alam ko pong hindi. Hirap na hirap na siya."

Hindi malaman ni Jarred kung paano siya nakahugot ng hininga. Hindi niya alam kung bakit nagsisikip ang dibdib niya sa sinasabing iyon ni Jarra. Nakaramdam siya bigla ng habag sa dating kasintahan. Ngunit ng maisip niya ang ginawang pag-iwan sa kanya ni Ella. Bumabalik na naman ang plano niya, sakaling magkita ulit sila at ito na iyon.

Si Teo at Nald na akala niya ay natulog ulit dahil sa naiinis sa kanya ay nakatingin pala sa kanilang dalawa ni Jarra at nakikinig. Alam niyang naaawa ang dalawa sa sinasabi ni Jarra.

In Love With The Sinner (Sinner Series 01)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon