1st Chapter

4.3K 123 11
                                    

Emilio "Emil" Agoncillo

"NAGKAKAINTINDIHAN na ho ba tayo?" tanong ni Emil gamit ang mapanganib na boses sa kalbong lalaking sa tantiya niya ay nasa kuwarente mahigit na. "Tsong" kung tawagin ito ng pinsan niya.

Napapiksi ang matanda. Bakas din ang takot sa mga mata nito. "O-oo. P-papalagpasin ko ngayong buwan ang hindi niyo pagbabayad ng renta. Pero kailangan niyong magbayad sa susunod na buwan."

Binitawan na niya ang hawak nitong kuwelyo, saka siya ngumiti. "Naiintindihan ko. Maraming salamat, Tsong."

Sumimangot lang si Tsong saka padabog na lumabas ng kuwarto habang may kung anong binubulong-bulong sa sarili nito.

Pumito naman si Drei, ang pinsan niya, na kanina pa nagpipigil ng tawa. "Ibang klase ka talaga, 'insan. Nagawa mong itaboy 'yong terror naming landlord."

Kumunot ang noo niya. "Wala naman akong ginawa. Kinausap ko lang siya... at hinawakan sa kuwelyo para kumalma siya. Sigaw kasi siya ng sigaw simula nang sabihin nating sa susunod na buwan na tayo magbabayad ng renta."

Tiningnan siya ni Andres mula ulo hanggang paa, pabalik sa mukha niya. "'Insan, with that built of yours, kahit sino ay matatakot sa'yo. Anong ginawa mo para lumaki ng ganyan ang katawan mo? I mean, you're lean, but not bulky. Muscular, but not buff." Pumito ito. "Cool!"

"Subukan mong mag-araro sa bukid at magbuhat ng kung banyera sa palengke araw-araw, tingnan natin kung hindi lumaki ng ganito ang katawan mo."

Sumimangot ito. "Isipin ko pa lang, nakakatamad na."

Natawa siya. Medyo payatot kasi si Drei. "Masaya akong makita ka uli, Andres."

Kumunot ang noo nito. "'Wag mo kong tawagin sa buo kong pangalan, 'insan. Call me 'Drei', okay? Ako na si Drei ngayon."

Natawa uli siya. Magpinsan nga sila dahil pareho nilang ayaw binubuo ang antigo nilang mga pangalan. "Salamat sa pagpayag na makihati ako rito sa dorm mo."

"Nah, it's fine. Sakto nga kasi kaaalis lang no'ng dalawa kong roommate dati."

Sa dorm na 'yon ay may tatlong kuwarto at bawat silid ay may tatlong kama na puwedeng rentahan ng tatlong tao. Ngayon ay silang dalawang magpinsan na lang ang umookupa sa kuwartong iyon.

Niyakap siya ni Drei. "I've missed you, Kuya Emil."

Tinapik-tapik niya ito sa likod bilang tugon dito. Magkapatid ang ina niya at ang ina ni Drei kaya sila naging magpinsan. Nakapangasawa ng mayamang negosyante sa San Felipe si Tiya Andrea – ang ina ni Drei – kaya sa pamilya nila, ito lamang ang umangat sa buhay. Nang mag- kolehiyo ay umalis si Drei sa bayan nila para mag-aral sa ng Communication Arts sa isang elite university. Pero tuwing summer vacation ay sa probinsiya nila ito nagbabakasyon.

Mas matanda siya ng dalawang taon kay Drei. Noong nagtapos siya ng high school, pinag-aral siya ni Tiya Andrea sa state university ng bayan nila. Pero nang nalaman niyang naging ugat iyon ng away nina Tiya Andrea at Tiyo Danny – na tutol pala sa "pag-aaksaya" ng pera ng tita niya sa pagpapaaral sa kanya – ay tumanggi na siya sa tulong ng tiyahin niya. Isa pa, nahihirapan na rin ang ama niyang maghanap ng ipambabaon niya araw-araw, at ibabayad sa mga school project at field trip niya. Naisip niyang mas makakabuti kung magtrabaho na muna siya.

Akala niya, makakaipon siya ng ipampapaaral niya, pero hindi 'yon nangyari dahil inatake sa puso ang ama niya ilang taon na ang nakararaan. Hanggang ngayon ay problema nila ang paghahanap ng pambili ng gamot na maintenance na nito upang hindi muling atakehin sa puso.

Ayaw sana niyang iwan ang ama niya pero ito na rin ang nagtulak sa kanya para tapusin ang pag-aaral niya. Nangako naman siyang pagbubutihin niya para balang-araw ay maipagamot na niya ang ama niya.

"Kumusta na nga pala si Daddy?" tanong ni Drei mayamaya.

Bigla siyang nalungkot. Pumasok sa isip niya ang nanghihinang anyo ni Tiyo Danny matapos nitong atakehin ng stroke ilang buwan na ang lumilipas. "Hindi na sing lakas tulad noon, Drei. Bisitahin mo sila minsan."

Bumuntong-hininga ito. "Hindi na rin maganda ang takbo ng negosyo namin. Isang buwan nang hindi nagpapadala ng allowance sa'kin si Mommy. Pasensiya ka na, Kuya Emil, kung kailangan ko ang tulong mo sa pagbabayad ng renta."

Tinapik niya ito sa balikat. "Hindi mo kailangang humingi ng pasensiya. May matatanggap akong allowance buwan-buwan mula sa sponsor ng scholarship ko. May balak din akong maghanap ng trabaho. Magtulungan tayo, 'insan."

Nabawasan ang pangamba sa mukha nito at napalitan iyon ng ngiti. "Salamat, 'insan. Anyway, I'm happy to see you get back to school. Ilang taon na rin simula nang huminto ka. Ano nga pala ang kursong in-enrol mo?"

Naramdaman niya ang pag-iinit ng magkabila niyang pisngi. Napakamot tuloy siya ng ulo niya. "Business Management, Drei. First year. Diyahe nga, 'insan, eh. Beinte dos anyos na ko, pagkatapos 'yong mga kasabay ko, puro nene at totoy pa sigurado. Buti ka pa, graduating student na. Maiiwanan mo na ko."

Pabirong siniko siya nito. "'Insan, wala namang edad ang pag-aaral." Inakbayan siya nito. "Tama na nga 'tong dramahan natin. Ano? Gusto mong mamasyal muna bago mag-start ang pasukan sa isang linggo?"

Ngumisi siya. Bigla siyang nasabik dahil sa sinabi nito. "Drei, gusto ko siyang makita."

Biglang bumitiw si Drei sa kanya at napakurap-kurap. "Sino?"

Nakangiting tiningnan niya ang suot niyang singsing. "Sino pa? Eh 'di si Sava. Magkaklase kayo 'di ba? Siguradong alam mo kung saan siya nakatira ngayon."

Napakamot ito ng ulo. "Alam ko, 'insan. But I think it's better if you just forget about her."

Kumunot ang noo niya. "Ano?"

Bumuga ito ng hangin. "Look, Kuya. Alam kong mga bata pa lang tayo ay mahal mo na si Sava. Alam ko rin kung anong relasyon niyo... noon. Pero dapat mong malaman na hindi na siya ang dating Sava na kilala nating lahat."

Kinabahan siya, at tinakpan niya ng iritasyon ang takot na gumapang sa sistema niya. "Basta. Gusto kong makita si Sava kaya dalhin mo ko sa kanya."

To Find You, My Love (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon