11th Chapter

1.7K 62 2
                                    

NAPANSIN ni Emil na iniiwasan siya ng mga kaeskwela niya. Hindi na siguro siya dapat magtaka dahil nabalita na sa buong ES ang pambubugbog niya sa tatlong bigating miyembro ng Delta Omega. Inaakala siguro ng karamihan na basagulero rin siya. Ang nakakatawa lang, imbis na gantihan siya ay nakuha pa niya ang respeto ng mga miyembro ng Delta Omega. Mukhang maging ang mga iyon ay ayaw sa pamumuno ni Syd.

Na-kick out na sa unibersidad si Syd matapos nilang isumbong ni Sava ang tangkang pananamantala ng gagong iyon sa girlfriend niya sa direktor ng ES. Pero hindi na nagsampa ng pormal na kaso si Sava dahil na rin sa pakiusap ng mga magulang ni Syd at dahil ayaw na rin nitong pagpiyestahan ng mga estudyante ang nangyari rito.

"Wow, Emil. Instant celebrity ka na, ha. Isang freshman – na medyo matanda na – binugbog ang frat leader ng Delta Omega. Cool!" natatawang sabi ni Sava.

Ngumiti lang si Emil. "Hayaan mo sila. Mas okay nga 'yong takot sila sa'kin. Ngayon, alam na nilang hindi ka nila puwedeng saktan o dikitan man lang."

"Well, okay na rin nga siguro 'to. Dahil sa takot nila sa'yo, no one dares to call me a slut again after I dumped Syd for you," sarkastikong sabi ni Sava.

Hindi man bihasa sa Ingles, alam niyang masamang babae ang ibig sabihin ng 'slut.' Hindi rin naman lingid sa kaalaman niyang may mga babaeng tumatawag ng gano'n kay Sava pagkatapos ng mga nangyari. Pero pagkatapos niyang kausapin ang mga taong iyon, mukhang naintindihan na siya ng mga ito. Nakiusap lang naman siya sa mga ito na tigilan na si Sava pero mukhang pagbabanta ang naging dating niyon. Hinayaan na niya dahil epektibo naman.

Pabirong binunggo niya si Sava. "Alam namin na nakakakilala sa'yo na hindi totoo 'yon. Hindi mo kailangang magpaliwanag sa mga taong walang alam tungkol sa'tin."

Bumuntong-hininga ito, pero ngumiti na rin sa wakas. "Tama ka. Sabi nga nila, "those who mind don't matter, those who matter don't mind"." Umangkala ito sa braso niya. "Emil, pinagdala nga pala kita ng tanghalian."

Lumuwang ang pagkakangiti niya. "Talaga?"

Hinila siya ni Sava papunta sa isa sa mga concrete tables and benches na nakakalat sa parke ng ES. Magkatabi silang umupo, pagkatapos ay nilatag nito sa harap niya ang dalawang Tupperware. Ang isa ay naglalaman ng kanin, samantalang ang isa naman ay ulam – menudo.

Pinunasan ni Sava ng tissue ang kutsara at tinidor bago inabot ang mga iyon sa kanya. "Kumain ka na, Emil."

"Ikaw?"

Umiling ito. "Sa'yo 'yan kaya ikaw lang ang kumain."

"Pagsaluhan na natin 'to. Madami naman 'to."

Nagsimula na siyang kumain at wala nang nagawa si Sava nang subuan niya ito. Pinagtitinginan sila ng mga kaeskwela nila. Gusto sana niyang huwag na lamang pansinin ang mga iyon pero hindi niya magawa.

"Ngayon lang ba nakakita ng kumakain ng baong tanghalian ang mga kaeskwela natin?" kunot-noong tanong niya kay Sava habang sinusubuan niya ito ng kutsarang puno ng kanin na may himay na karne sa ibabaw.

Nginuya muna ni Sava ang pagkain nito bago sumagot. "Ngayon lang sila nakakita ng nagse-share sa iisang pagkain. Naaawa siguro sila sa'tin," natatawang sabi nito.

Natawa rin siya. "Hindi nila maiintindihan ang sitwasyon natin. Na kailangan nating magbaon ng tanghalian at pagsaluhan iyon para makatipid tayo." Bigla siyang may naalala. "Oo nga pala, Sava. Dahil half-day lang naman ang pasok ko, naisip kong kumuha ng trabaho."

Kumunot ang noo nito. "Anong trabaho naman 'yan?"

"Service crew d'yan sa HappyChic. Malapit lang naman sa ES 'yon kaya hindi ako magagahol ng oras."

Bumakas ang pag-aalala sa mukha nito. "Kakayanin mo ba, Emil?"

Kinurot niya ang pisngi nito. "Nakayanan ko nga ang pagiging magsasaka at kargador ng sabay, ang pag-aaral pa kaya at pagiging service crew?"

"Magkaiba 'yon," giit nito. "'Yong pag-aaral, malaking oras ang kakainin no'n sa'yo. Hindi ka makakapag-aral mabuti kung pagod ka mula sa trabaho."

Hinawakan niya ito sa magkabilang-balikat. "Kakayanin ko 'yon, Sava. Magtiwala ka sa'kin. Kailangan ko 'tong gawin para sa'tin."

Bumuga ito ng hangin. "Para sa'kin na naman. Napapabayaan mo na ang sarili mo dahil lang sa'kin."

Marahang pinitik niya ang noo nito na ikinareklamo nito. "Ano bang sinasabi mo d'yan, Sava? Natural lang na gawin ko 'to para sa'tin dahil nangako tayo, hindi ba? Tayo habambuhay. Kaya naman pagbubutihan ko para sa pangarap nating maginhawang buhay."

Matagal siyang tinitigan ni Sava. Hinawakan nito ang kamay niya at pinaraan ang daliri nito sa suot niyang singsing. "Oo, gawin natin ang lahat para sa pangarap natin."

Ngumiti lang siya, saka muling sinubuan si Sava. "Kaya 'wag kang magpapagutom."

To Find You, My Love (COMPLETE)Where stories live. Discover now