10th Chapter

1.9K 66 3
                                    

"'INSAN, dumudugo na ang ilong mo!"

Awtomatikong idinampi ni Emil ang mga daliri niya sa pagitan ng ilong at itaas na labi niya. Wala namang dugo ro'n. Tinapunan niya ng masamang tingin si Drei na ngayon ay pigil na pigil ang tawa. Sinipa niya ang binti nito sa ilalim ng mesa na ikinasinghap nito. "Sira-ulo."

Eksaheradong sumimangot ito, pero hindi rin mapigilan ang mapangisi. "Pasensiya ka na, 'insan. Nakakatawa lang kasi 'yang itsura mo habang nagbabasa ka. Masyado kang seryoso."

Bumuga siya ng hangin saka tinapunan ng masamang tingin ang English textbook niya. "Nakakadugo naman kasi talaga ng ilong 'tong English lessons sa librong ito."

"Madali lang 'yan, 'insan." Lumiyad ito at may kung anong sinulat sa pahina ng textbook niya. "Subject and verb agreement is very important. Kapag single ang subject, single form din ang verb, meaning may 's' sa dulo. 'Wag kang malilito dahil may mga subject na may 's' sa dulo pero considered as single subjects lang sila."

Tumango-tango siya at sinulat ang mga sinabi ni Drei bilang palatandaan. Communication Arts major ang pinsan niya. Gaya ni Sava ay forte nito ang subject na English. Nagpaturo siya rito dahil gusto niyang pag-igihin ang pag-aaral niya. Hindi pa niya alam kung ano talaga ang gusto niyang gawin sa buhay, pero sisikapin niyang pagbutihin ang pag-aaral niya, bilang pagtanaw na rin ng utang-na-loob sa mga taong tumutulong sa kanya.

"Kuya Emil, bakit hindi ka magpa-tutor kay Sava?"

Nag-init ang magkabila niyang pisngi. Yumuko siya ng husto sa libro niya para hindi mapansin ni Drei ang tiyak na pamumula ng mukha niya. "Gusto kong sorpresahin si Sava sa paglabas ng exams ko," pagsisinungaling niya. Ang totoo niyan, nahihiya siyang magpaturo kay Sava kahit nag-volunteer ito dahil nahihiya siyang malaman nito na hanggang ngayon ay mahina pa rin ang ulo niya, lalo na sa Ingles.

"Kuya Emil!"

Sabay silang napalingon ni Drei sa humahangos na si Mava na sinaway agad ng librarian dahil sa pagsigaw nito.

"Mava, 'wag ka ngang sumigaw. Nasa library tayo," saway ni Drei dito.

Sa kanya tumingin si Mava imbis na patulan si Drei. "Kuya Emil, si Sava, tinangay ni Syd kani-kanina lang."

Napatayo agad siya na nagresulta sa pagkaskas ng mga paa ng silya sa sahig, na lalong ikinagalit ng librarian. "Ano?!"

"Ang sabi ni Sava, siya na raw ang bahala. Pero mukhang galit na galit si Syd dahil sa pakikipaghiwalay ni Sava rito, kaya hindi ko sigurado kung anong puwede niyang gawin sa kapatid ko. May nakakita raw sa kotse ni Syd sa barracks ng Delta Omega, ang fraternity ni Syd. Gusto ko na sanang sumugod do'n, pero walang gustong tumulong sa'kin sa takot nila sa frat."

"Saan ba 'yong lintik na barracks na 'yon?!"

Pagkasabi ni Mava kung saan matatagpuan ang barracks sa unibersidad nila ay agad niya iyong pinuntahan. Nasa likod iyon nang hindi na ginagamit na gusali sa ES. Sumalubong agad sa kanya ang tatlong lalaki na naninigarilyo sa labas ng isang parang maliit na bodega.

"Pare, saan punta? May ginagawa 'yong bossing namin sa loob ka –" Hindi na naituloy ng lalaki ang sinasabi nito nang sikmuraan niya ito. Sa lakas ng suntok niya ay umubo ito ng dugo.

"Woah! Anong problema mo?!" gulat na tanong ng isa pa, pero tumayo na rin ito at sinugod siya. Isang malakas na suntok lang ang isinagot niya sa gago, na ikinabagsak agad nito, duguan ang bibig.

Tinapunan niya ng masamang tingin ang lalaking nasa akto ng pagsindi ng sigarilyo nito gamit ang lighter. Hinintay niya kung susugod ito pero itinaas lang nito ang mga kamay nito habang nakaipit ang yosi sa pagitan ng mga labi nito. "Hey, I'm not fond of violence. Naroon si Syd sa pinakadulong kuwarto, kasama si Sava. Bilisan mo, before it gets too late."

Hindi na siya nag-aksaya ng panahon. Pinasok na niya ang barracks at walang sabi-sabing binuksan ang pinto. Nagdilim ang paningin niya nang makitang umiiyak si Sava habang si Syd naman ay nasa akto ng pagpilit nito ng sarili nito sa dalaga.

Hinila niya sa batok si Syd at pagharap nito sa kanya ay sinuntok agad niya ito sa mukha. Naramdaman niya ang pagkonekta ng mga buto niya sa kamao sa ilong ni Syd. Dumugo agad ang ilong ng walanghiya, at sa tingin pa nga niya ay nabali iyon sa lakas ng suntok niya. Pero hindi pa siya nakuntento. Hinila niya sa kuwelyo si Syd saka ito sinikmuraan ng paulit-ulit.

Ngayon lang siya nagalit ng husto sa buong buhay niya. Hindi niya pagsisisihan kung mapatay man niya ang tarantadong si Syd para sa pagtangka nitong pagsamantalahan si Sava. Inilabas na rin niya sa bawat suntok niya ang takot niya sa maaaring nangyari sa babaeng mahal niya kung sakaling nahuli siya ng dating.

"Emil, tama na!" awat ni Sava sa kanya, saka nito ipinalupot ang mga braso nito sa baywang niya. Kumalma lang siya dahil sa pagyakap nito sa kanya mula sa likuran.

Tumaas-baba ang dibdib niya dala ng hingal. Wala na ring malay si Syd na duguan mula sa pambubugbog niya. Gayunman, wala siyang naramdamang pagsisisi sa ginawa niya. Kulang pa nga iyon. Nang masiguro niyang kalmado na siya ay saka lang siya humarap kay Sava.

Hindi niya maatim ang estado ni Sava. Namamasa ang mga mata nito sa pag-iyak, may pasa ito sa gilid ng bibig, magulo ang buhok at punit din ang blusa nito. Namumula pa ang leeg nito. Hinubad niya ang jacket niya at isinuot iyon dito.

"Sava –"

Marahang umiling ito. "Dumating ka sa tamang oras. Mabuti na lang dahil kung hindi, baka kung ano nang nagawa ni Syd sa'kin." Humikbi ito. "Hindi niya matanggap ang pakikipaghiwalay ko sa kanya. Ang sabi niya, hindi raw siya papayag na matapos kami nang hindi niya nakukuha ang gusto niya sa'kin."

Mapait na ngumiti ito. "It turned out na alam pala niya na ang pera lang niya ang habol ko sa kanya. Akala ko, ako ang nagpapaikot sa kanya. Ang hindi ko alam, binibili na rin pala niya ko gamit ang mamahaling mga regalo na 'yon. Pero I guess, ito ang karma ko dahil masamang babae ako."

Kumunot ang noo niya. Hindi niya matanggap ang sinasabi ni Sava tungkol sa sarili nito pero dahil hindi naman niya alam kung anong mga salita ang dapat gamitin para iparating dito kung gaano ito kaperpekto sa mga mata niya, niyakap na lang niya ito ng mahigpit. "Hindi ka masama, Sava. At kahit ano pang kasalanan ang gawin ng isang babae, hindi pa rin 'yon sapat na dahilan para pagsamantalahan siya ng isang lalaki. Manyak lang talaga ang putang inang si Syd."

Tumingala ito sa kanya. Bakas ang gulat sa mukha nito. "Ngayon lang kita nakitang ganyan kagalit, Emil."

Pumikit siya at pinatong ang noo niya sa balikat nito. "Kaya 'wag mo kong bibitawan, Sava. Kapag nakawala ako sa yakap mo, talagang mapapatay ko 'yang tarantadong si Syd sa tangka niyang pananamantala sa'yo. Handa akong maging kriminal para lang maiganti kita."

Humigpit ang pagkakayakap ni Sava sa kanya. "I don't want you to become a criminal for me. Pero salamat at dumating ka para iligtas ako."

Humugot siya ng malalim na hininga. "No'ng sinabi kong mahal kita, ipinangako ko na rin sa sarili ko na poprotektahan at aalagaan kita dahil para sa'kin, ang makita kang ligtas at masaya ang magpapatunay na tama ang paraan ng pagmamahal ko sa'yo."

Humikbi ito, pero sa pagkakataong iyon ay naramdaman niya ang pagguhit ng ngiti ng mga labi nitong nakadampi sa leeg niya. "Ang sarap talagang magmahal ng mga probinsiyano."

To Find You, My Love (COMPLETE)Where stories live. Discover now