5th Chapter

2.6K 86 7
                                    

East Sun University

"TINGNAN mo ko, Drei. Maayos na ba kong pumorma ngayon? Hindi na ba ko mukhang probinsiyano?" nasasabik na tanong ni Emil sa pinsan niya.

Bumuga ng hangin si Drei. "Ano ka ba, Kuya Emil? Ilang anaesthesia ba ang tinira mo at wala kang nararamdaman pagkatapos lantarang aminin sa'yo ni Sava na sila na ni Syd?"

Kunot-noong nilingon niya ito. "Hindi ko binanggit sa'yo ang pangalan ng boyfriend ni Sava. Kung gano'n, matagal mo nang alam na ipinagpalit na niya ako? Bakit hindi mo sinabi sa'kin?"

Bumakas ang frustration sa mukha ni Drei. "Bakit kailangan kong sabihin sa'yo, 'insan? Hindi naman 'kayo' ni Sava, hindi ba? Wala kang ibang pinanghahawakan sa kanya kundi 'yong sinasabi mong mahal niyo ang isa't isa. Puwes, hindi 'yon ang nakita ko sa lumipas na apat na taon namin dito sa ES. Oo, siguro no'ng una, naniwala akong mahal ka nga rin niya. Pero gaya ng sinabi ko, nagbago siya nang mag-junior kami. No'n niya kasi nakilala si Syd."

Muli na naman siyang nagimbal sa nalaman niya. Kaya pala hindi na umuwi sa probinisiya nila si Sava ay dahil may boyfriend na ito. Hindi lang siguro nito masabi sa kanya kaya pati sa text at tawag ay iniiwasan siya nitong makausap.

"I should have not said that. I'm sorry, Kuya Emil," sinserong sabi ni Drei.

Pilit siyang ngumiti sa kabila ng sakit na nararamdaman niya sa puso niya. "Okay lang, Drei. Ano? Bagay ba sa'kin 'tong damit at sapatos mo?" pag-iiba na lang niya ng usapan.

Bumuga ng hangin si Drei. "Yeah, you look good."

Masikip na asul na V-neck shirt ang suot niya no'n, puting pantalon at puting atheletic shoes kung tawagin ni Drei. Nagbihis siya ng maayos para kay Sava, para hindi na ito mahiyang makita ng ibang tao na kasama siya. "Magugustuhan na kaya ako ni Sava nito?"

"Ewan ko sa'yo, 'insan!" Tumingin ito sa paligid at nakahinga lang ng maluwag nang masigurong walang nakarinig dito. Pinapanatili kasi ni Drei ang image nito bilang "cool" at "matured" na lalaki kaya ayaw nitong nawawala sa composure.

Mayamaya lang ay may bola ng soccer na tumama sa ulo ni Drei na ikinamura nito. Isang pamilyar na tawa ang sunod niyang narinig. Paglingon niya sa pinanggalingan ng boses, sumalubong sa kanya ang mukha ni Sava. Pero wala siyang naramdaman sa puso niya kaya alam niyang ibang tao ang babaeng nakatayo ilang hakbang mula sa kanila ng pinsan niya.

"Mava!" nanggigigil na tawag ni Drei dito. "Sinadya mo 'yon, hindi ba? Sinadya mong sipain 'tong lintik mong soccer ball sa ulo ko!"

Tumawa lang si Mava saka lumapit sa kanila. "Para 'yan sa mga tulad mong mapagpanggap. Hindi ka naman cool."

Namula ang mukha ni Drei, halatang napahiya. "Alam mo kung bakit ko 'to ginagawa, Mava."

"Ewan ko sa'yo." Dumako ang tingin ni Mava sa kanya. "Kumusta, Kuya Emil?"

Si Mava ay isa sa ka-triplet ni Sava. Identical ang tatlo kaya mahirap tukuyin kung sino ang mga ito kung mukha ang pagbabasehan. Pero magkakaiba ang ugali at paraan ng pagkilos at pananamit ng magkakapatid. Kung si Sava ay parating mukhang elegante, si Mava naman ay heto, nakasuot ng maputik na T-shirt, jersey shorts, mahahabang puting medyas, at itim na rubber shoes. Kung mahaba at kulot ang buhok ni Sava, si Mava naman ay hanggang balikat lang ang haba ng buhok.

"Mabuti naman ako," sagot niya sa pangangamusta ni Mava. "Alam mo ba kung nasaan si Sava, Mava?"

"Kasama niya ang mga kaibigan niya sa library."

Pabirong siniko ni Drei si Mava. "Bakit mo sinabi?"

Iniwan na niya sina Drei at Mava na nagsimula nang magtalo. Nailibot naman na siya ni Drei kaya kahit paano ay kabisado na niya ang building ng Communication Arts. Pero mukhang hindi na niya kinailangang libutin iyon dahil lumabas na ro'n si Sava, kasama ang dalawa nitong kaibigang babae na kasama rin nito sa HappyChic no'ng nakaraan.

"Sava!"

Nilingon siya ni Sava. Pero imbis na tuwa ay iritasyon ang nabasa niya sa mukha nito. "Emil. What do you need from me ba? Hindi ba nag-usap na tayo?"

Tinatagan niya ang loob niya. Ngumiti pa rin siya sa kabila ng panlalamig na nararamdaman niya. "Sava, tingnan mo 'tong suot ko. Bagay ba sa'kin?"

Bumuka ang bibig ni Sava pero agad din nito iyong sinara. Pagkatapos ay bumuga ito ng hangin. "Emil –"

"Sava, do you know this guy ba?" mataray na singit ng isang babae.

"Yes, I know him na, Camela," sagot ni Sava. "He's my manliligaw before na hindi maka-move on sa pangre-reject ko sa kanya. Pero girls, kaya ko na 'to. You go ahead."

"Are you sure?" tanong naman ng isa pa.

"Yes, girls. See you later na lang." Humalik sa pisngi ng dalawang babae si Sava, saka umalis ang mga ito. No'n siya muling hinarap ng dalaga. "Emil, ano bang problema mo? Nag-usap na tayo kagabi, 'di ba? Tapos na kung ano man ang nag-uugnay sa'tin noon."

Umiling siya. Hinawakan niya ito sa magkabilang-balikat. "Sava, sabihin mo lang kung anong ayaw mo sa'kin, babaguhin ko 'yon para magustuhan mo uli ko."

"Lumaki na ang mundo ko, Emil." Iminuwestra nito ang paligid. "Nandito ka na sa East Sun. Marami kang makikilalang tao rito. Mga tao na makakatulong sa'yo para maabot mo ang mga pangarap mo. Forget about me and go find your dream, Emil."

"Ikaw ang pangarap ko, Sava."

Umiling ito, saka inalis ang mga kamay niya sa mga balikat nito. "Kilala mo ko, Emil. Mataas ang ambisyon ko. Gusto kong makilala bilang magaling na news anchor. Hindi ko kayang ipagpalit ang pangarap na 'yon sa buhay lang na maibibigay mo sa'kin sa probinsiya. Huwag mong paikutin ang mundo mo sa'kin. Marami ka pang makikilalang babae. Sa ngayon, isipin mo muna ang sarili mo."

"Pero Sava–"

"Kung nagpunta ka lang talaga rito para sa'kin imbis na mag-aral ka para sa kinabukasan niyo ni Tiyo Jacinto, then you disappoint me," mapait na sabi nito. "Kung wala ka rin naman palang planong magtagumpay sa buhay mo rito sa siyudad, bakit hindi ka na lang bumalik sa San Felipe at mag-araro ng bukid? Ayoko sa lalaking walang pangarap."

Nasaktan at nainsulto siya sa mga sinabi nito kaya hindi siya nakapagsalita. Bawat salitang binitawan nito ay totoo, kaya bigla siyang napahiya sa sarili niya.

"Sava, is there a problem here?"

Parang lalo siyang napako sa kinatatayuan niya ng isang lalaking halatang nagmula sa mayamang pamilya ang lumapit kay Sava at ipinalupot pa ang braso sa baywang ng dalaga. Mas lalo ring bumaon ang mga nakatusok sa puso niya nang halikan ni Sava sa pisngi ang lalaki.

"Nah. Everything's fine, Syd. He's a freshie, nagtatanong lang siya ng direction."

Tinapunan siya ng nang-iinsultong tingin ni 'Syd.' "Pare, sa susunod, pipiliin mo ang lalapitan mo. My girl isn't the kind of person you can casually talk to. Ayoko kasing may kung ano-anong insektong umaali-aligid sa kanya."

"Hey, that's enough, Syd. Let's go na lang," aya ni Sava rito.

The two then walked away, hugging each other. Wala na siyang nagawa kundi ang sundan ng tingin si Sava na sumakay sa magarang kotse ng lalaki hanggang sa mawala ang sasakyan sa paningin niya dahil sa mabilis niyong takbo.

Tinapik siya ni Drei sa balikat. "'Insan, naiintindihan mo na ba ngayon?"

Isang mapait na ngiti ang gumuhit sa mga labi niya. "Oo. Ipinagpalit ako ni Sava sa lalaking kayang ibigay sa kanya ang lahat ng materyal na bagay na magugustuhan niya."

To Find You, My Love (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon