9th Chapter

2.1K 72 5
                                    

NAPANGITI si Emil nang makitang nakabaluktot si Sava habang natutulog sa kama. Napaka-payapa ng anyo nito at ayaw na sana niya itong gisingin, pero kailangan na nitong umalis sa dorm kasama ang mga kapatid nito. Hindi na kasi ligtas ang lugar na iyon para sa triplets.

Umupo siya sa gilid ng kama at marahang tinapik sa balikat si Sava. "Sava, gising na."

Umungol lang ito pero hindi naman dumilat. Alam niyang gising na ito. Yumuko siya at marahang hinipan ang tainga nito. Napabalikwas ito ng bangon at kung hindi pa siya mabilis kumilos ay baka nagkauntugan na sila. Pulang-pula ang mukha ng dalaga habang nakahawak sa tainga nito at masama ang tingin sa kanya.

"Anong problema mo, Emilio Agoncillo?" angil ni Sava sa kanya na kinulang na sa kombiksyon.

Natawa lang siya. "Nand'yan na sina Mava at Lava. Aalis na kayo sa dorm na 'to at lilipat sa mas ligtas na lugar."

Biglang nawala ang simangot nito. Bumuntong-hininga ito at tinapik ang espasyo sa tabi nito. "Come here, Emil."

Tumalima naman siya. Pag-upo niya sa tabi nito ay nagulat siya nang yumakap ito sa baywang niya. Hindi siya nagreklamo dahil gusto naman niya iyon. "Anong problema, Sava?"

"Thank you, Emil. Salamat dahil sa kabila ng pananakit ko sa'yo, hindi mo pa rin ako iniwan, at hindi ka rin tumigil sa pagmamahal sa'kin."

Napangiti siya. Nararamdaman niyang bumabalik na ang dati nilang masayang relasyon. "Hindi mo kailangang ipagpasalamat sa'kin 'yon, Sava. Ang mahalin ka ang pinakanatural na bagay na gawin para sa'kin."

Natawa ito ng marahan. Tiningala siya nito. Bakas ang kalungkutan sa maganda nitong mukha. "I'm sorry kung nadamay ka sa magulo naming buhay."

Umiling siya. "Bahagi ako ng buhay mo, Sava. Lahat ng nararanasan mo, puwede mong ibahagi sa'kin. Masaya man 'yan, malungkot, nakakatakot o mapanganib, maluwag kong tatanggapin 'yon."

Hindi ito nagsalita at sa halip ay pumatak lang ng mabilis ang mga luha nito. "Emil... hindi ko na tuloy alam ngayon kung karapat-dapat pa ko sa'yo."

"Hindi totoo 'yan, Sava. Nakalimutan mo na ba? No'ng mga bata pa tayo, kahit sinasabi ng lahat ng tao na bobo ako at nag-aaksaya lang ng pera si Itay sa pagpapaaral sa'kin, ikaw lang ang nag-iisang taong naniwala sa'kin na kaya ko. Tiniyaga mo rin akong turuan araw-araw kahit mas matanda ako sa'yo. Dahil do'n, naka-graduate ako ng elementary at high school. Ikaw ang nagturo sa'king maniwala sa sarili ko, at 'wag mawalan ng pag-asa. Kung may babae mang karapat-dapat kong mahalin, ikaw lang 'yon."

Napangiti na rin sa wakas si Sava, pero hindi pa rin nawala ang pangamba sa mga mata nito. "Emil... tungkol kay Syd..."

Nag-iwas siya ng tingin dito. "Mas mahal mo naman ako kaysa sa ugok na 'yon, 'di ba?"

"Hindi ko mahal si Syd, Emil. Nakipagrelasyon lang ako sa kanya dahil sa mga naibibigay niya sa'kin. Kadalasan, ibinebenta ko ang mga mamahaling regalong binibigay niya para may maibayad ako kina Kiefer. Nagpapanggap din akong sosyal to gain friends, para magkaroon ako ng koneksiyon sa maiimpluwensiyang tao. Totoo ang sinabi mong gold digger ako... social climber. Nasaktan ako dahil nanliit ako sa harap ng lalaking mahal ko. See? Hindi talaga ako bagay sa'yo."

Nilingon niya si Sava. Nakayuko ito kaya hindi niya makita ang mukha nito. Pinisil niya ang baba nito at inangat ang mukha nito paharap sa kanya. "Mahal kita, Sava. Kahit ga'no pa kasama ang nagawa mo, walang kaso sa'kin 'yon. Kaya kitang patawarin dahil alam ko naman kung bakit mo ginawa 'yon. Pero kapag sinabi mo pang iiwan mo uli ako dahil hindi ka bagay sa'kin, magagalit na talaga ako."

Hindi ito sumagot at sa halip ay tinitigan lang siya. Mayamaya ay may kinuha ito mula sa drawer sa gilid ng kama. Pagbukas nito ng palad nito ay naroon ang mga singsing nila. "Ako na siguro ang pinaka-selfish na tao sa buong mundo dahil sa sasabihin ko, pero Emil, will you come back to me?"

"Oo naman. Hindi na pinag-iisipan ang bagay na 'yan." Mabilis na sinuot niya sa daliri ni Sava ang singsing nito para hindi na magbago ang isip nito. Pagkatapos ay sinuot naman niya ang singsing niya. Napangiti siya. "Sa wakas."

Nakangiti lang si Sava habang nakatitig sa kanya. "I love you, Emilio Agoncillo."

Ikinulong niya ang mukha nito sa pagitan ng mga palad niya. "Mahal din kita, Sara Valerie Monliva."

Pabirong tinampal nito ang pisngi niya. "Yuck! Binuo mo 'yong pangalan ko!"

Natawa lang siya, pero agad din siyang naging seryoso. Napansin marahil iyon ni Sava kaya tumigil din ito sa kakulitan nito at sinalubong ang tingin niya. Unti-unting bumaba ang mukha niya rito. Pumikit naman ang dalaga. Maglalapat na sana ang mga labi nila nang –

"'Insan, naiinip na kami! Kung ano man ang masamang balak mo kay Sava, kalimutan mo na dahil kumuha na ng kutsilyo sina Mava at Lava!" sigaw ni Drei habang kinakalampag ang pinto ng kuwarto.

Napamura siya samantalang natawa lang si Sava. Magkahawak-kamay silang lumabas ng kuwarto. Hinigpitan niya ang hawak sa kamay nito para iparamdam niya rito na hindi niya ito bibitawan kahit kailan. Isang matamis na ngiti naman ang isinukli nito sa kanya.

Nasa sala na ang magaling niyang pinsan kasama sina Mava at Lava. Nagulat siya nang makitang naroon din si Vladimir Soriano. Namasukan bilang yaya ni Vladimir ang ina nina Sava noong nabubuhay pa ang ginang. Yumao ito apat na taon na ang nakararaan sa pagliligtas sa buhay ni Vladimir.

Ayon sa kuwento noon ni Sava, kasama si Aling Valeria – ang ina ng triplets – sa paggo-grocery ni Madam Sonia Soriano, at si Vladimir naman ang nagmamaneho. Tinangkang dukutin ang mag-ina. Nanlaban ang mga ito at nang babarilin na ng isa sa mga kidnaper si Vladimir, sinangga ni Aling Valeria ang katawan nito upang iligtas ang binata na inalagaan ng ginang sa loob ng napakahabang panahon. Nailigtas naman ang mag-inang Soriano dahil dumating agad ang mga pulis no'n, pero binawian naman ng buhay si Aling Valeria.

Bilang pagtanaw ng utang na loob, kinuha ni Madam Sonia Soriano sina Sava, Mava at Lava at pinag-aral ang mga ito sa East Sun University, isang elite na eskwelahan. At simula no'n, ang ginang na rin ang sumuporta sa magkakapatid.

"Sava, mabuti na ba ang pakiramdam mo?" nag-aalalang tanong ni Lava.

Sa triplets, si Lava ang pinakaseryoso tingnan, pero ito naman ang pinakamaalaga. Nakalugay lang parati ang mahaba at diretso nitong itim na buhok. Simple lang itong pumorma – laging shirt, pantalon at sneakers lang ang suot.

"Okay lang ako, Lava," nakangiting sagot ni Sava. "Tinulungan ako ni Emil kaya naman walang masamang nangyari sa'kin."

Sabay tumingin sina Mava at Lava sa kanya. May pasasalamat sa ngiti ng dalawa, pero naroon sa mga mata ng mga ito ang awa at guilt dahil sa pagkakadamay niya sa problema ng mga ito.

Ngumiti siya at inakbayan si Sava. "Gagawin ko ang lahat para kay Sava."

"Ang tamis naman, 'insan," nakangising tukso ni Drei.

Tumikhim naman si Vladimir. "We should go. It's no longer safe to stay here. Mas mapoprotektahan kayong magkakapatid kung naroon kayo sa mansiyon namin."

"The prince is right," sang-ayon naman ni Drei. 'Prince' ang tukso nito kay Vladimir dahil sa yaman nito at pagiging isnabero ng huli. "Alis na tayo."

Wala na silang naiwang gawain dahil binitbit na ng mga tauhan ni Vladimir ang mga gamit ng triplets. Nauna nang lumabas sina Drei at Mava. Palabas na sila ni Sava nang mapansin niyang hindi nila kasunod sina Lava at Vladimir kaya nilingon niya uli ang dalawa. Nagtatalo ang mga ito.

"Lava, bakit hindi mo sinabi sa'kin ang tungkol sa sindikatong iyon? For two years, inilihim mo sa'kin 'yon? 'Yon ba ang dahilan kung bakit nagpumilit kayong mag-dorm imbis na tumira sa mansiyon?"

"Vlad, milyon ang utang ng papa namin sa sindikatong 'yon. Ayokong madamay kayo ni Tita Sonia. Kapag nalaman nilang malapit kami sa mayamang pamilya na gaya niyo, gigipitin nila kayo." Hinawakan ni Lava ang kamay ni Vladimir. "I'm sorry."

Bumuga ng hangin si Vladimir. Mahinang inuntog nito ang noo nito sa noo ni Lava. "Don't ever keep secrets from me again, Lava."

Hinila na ni Sava si Emil kaya hindi na niya nakita o narinig ang sumunod na eksena sa pagitan nina Lava at Vladimir. "Emil, 'wag ka ngang tsismoso."

"Hindi ko talaga gusto si Vladimir. Para siyang may sariling mundo at parang may mali sa kanya," naiiling na sabi niya. "'Wag kang masyadong lalapit sa lalaking 'yon, ha?"

Bumungisngis si Sava. "Aysus. Nagseselos ka lang pala."

To Find You, My Love (COMPLETE)Where stories live. Discover now