4th Chapter

2.5K 100 16
                                    

NAPUTOL lang ang pagmumuni-muni ni Emil nang may marinig siyang tunog ng gitara. Pamilyar sa kanya ang kantang iyon dahil ang kantang iyon ay paborito niya! Dali-dali siyang tumayo at sumampa sa kama ni Rio na ikinareklamo nito, pero hindi niya pinansin. Pagsilip niya sa bintana ay nakita niya si Sava na may dalang gitara at ito ang tumutugtog! Nakatingala lang ito sa kanya at nakangiti.

Sava...

"Get the fuck off my fucking bed, dude, or I'll fucking throw you out of that fucking window," angil ni Rio sa kanya.

Tinapunan niya ng masamang tingin si Rio. Mahina siyang magsalita ng Ingles pero nakakaintindi naman siya no'n. "Subukan mo, sasa-fuck-in naman kita."

Natawa ng malakas si Drei. Hindi na niya pinatulan pa si Rio nang muling magmura ang huli. Tumakbo na siya palabas ng dorm. Naabutan niya si Tsong na pinapaalis si Sava. Bago magpakita sa dalawa ay kinalma niya muna ang sarili niya. Pinunasan niya gamit ang manggas ng T-shirt nita ang pawis na namuo sa gilid ng noo niya upang hindi mahalata ng dalaga na tumakbo siya pababa para lang makita ito. Nang masiguro niyang normal na uli ang paghinga niya ay saka siya tuluyang bumaba ng hagdan.

"Tsong, bisita ko ho siya," pormal na sabi niya sa matanda.

Napapiksi si Tsong, halatang may "trauma" pa rin sa kanya. "K-kung gano'n, hahayaan ko kayong magkausap muna. Pero pagtuntong nang alas-dose ng gabi ay wala ka pa rin, ikakandado ko na ang dorm. Maliwanag?"

"Maliwanag, Tsong."

Pumasok na sa dorm ang matanda. Nakapamulsang nilabas naman niya si Sava na nakatayo lang at nakatingin sa kanya habang yakap-yakap nito ang gitara nito. Sa loob ng mga bulsa ng shorts niya ay nanginginig ang mga kamay niya. Gusto kasi niyang yakapin ang dalaga sa sobrang pagkasabik dito, pero pinipigilan niya ang sarili niya pagkatapos ng ginawa nito.

"Magkakilala ba tayo?" malamig na tanong niya rito.

Nagpaawa ng mukha si Sava, pero sandali lang dahil gumuhit agad ang pilyang ngiti sa mga labi nito. "Are you still mad sa nangyari sa HappyChic? I'm sorry, okay?"

Hindi siya kumibo. Alam naman niyang napatawad na niya si Sava, pero bihira lang siya nitong suyuin kaya sasamantalahin na niya. "Umuwi ka na. Narinig mo naman, 'di ba? May curfew ang dorm namin."

Umarte siyang papasok na sa dorm pero hindi iyon natuloy nang muling tumugtog ng gitara si Sava at sa pagkakataong iyon ay kumanta na rin ito.

"Ikaw na ang may sabi. Na ako'y mahal mo rin. At sinabi mong ang pag-ibig mo'y 'di magbabago. Pero bakit sa tuwing ako'y lumalapit ika'y lumalayo? Puso'y laging nasasaktan 'pag may kasama kang iba. 'Di ba nila alam? Tayo'y nagsumpaan. Na ako'y sa'yo at ika'y akin lamang."

Tuluyan nang natunaw ang tampo niya. Hindi na rin niya napigilan ang pagngiti. "Magaling kang tumugtog ng gitara, pero ang pangit pa rin ng boses mo, Sava."

Eksaheradong sumimangot ito. "Hidden talent ko kaya ang pagkanta."

"Kaya nga itago mo na lang."

Nagkatinginan sila, saka nagtawanan. Mabilis na nawala ang tensiyon sa pagitan nila.

Binaba ni Sava ang gitara nito sa bangko sa gilid nito. "Pinapatawad mo na ba ko, Emil?"

Nakahinga siya ng maluwag. "Akala ko, talagang kinalimutan mo na ko." Binuka niya ang mga kamay niya. "Halika nga rito."

Ngumiti si Sava saka patakbong sinugod siya ng yakap. Niyakap niya rin ito ng mahigpit. Nang sa wakas ay marinig na niya ang pintig ng puso nito sa dibdib niya, saka lang nawala ang mga pangamba niya mula sa mga pagbabanta ng walanghiyang si Drei.

"Na-miss kita, Sava."

Kumalas si Sava sa yakap niya at tumingala sa kanya. "Na-miss din kita, Emil. May dala ako para sa'yo."

"Talaga?"

Hinawakan ni Sava ang kamay niya at hinila siya papunta sa bangko. Binaba nito ang gitara nito sa lupa para makaupo sila. Habang nakaupo ay nilabas nito ang dala nitong supot na naglalaman ng mga paborito nilang kinakain noong nasa probinsiya pa sila – paa ng manok. Napatitig siya rito habang kumakain ito niyon.

"O? Bakit?" nagtatakang tanong ni Sava nang marahil mapansin nitong nakatitig lang siya rito.

Marahang umiling siya. Pinadaan niya ang kamay niya sa ngayon ay kulot na nitong buhok. Gayunman, nanatili iyong malambot at makinis. "Sava, ang laki na ng pinagbago mo. Mas lalo kang gumanda. Parang hindi na tuloy bagay sa'yo ang kumain ng adidas."

Tumawa lang ito. "Yes, I did change a little, pero may mga bagay na hindi ko kayang kalimutan basta gaya ng paborito nating merienda. Kumain ka na."

Tumango lang siya. Nanatili silang tahimik habang kumakain. Para sa kanya naman kasi, sapat na ang makasama niya si Sava. Wala nang dapat sabihin.

"Emil, tinawagan ako ni Tito Jacinto kanina at tinanong niya sa'kin kung nagkita na tayo," basag ni Sava sa katahimikan. "Naikuwento niya sa'kin na may mag-asawang philanthropist ang nagbigay sa'yo ng scholarship. Pero bakit sa East Sun, Emil?" anito na ang tinutukoy ay ang unibersidad na papasukan na rin niya. "Bakit sa university ko pa?"

Sinalubong niya ang nagtatanong na mga mata ni Sava. "Dahil nandito ka, Sava. Pinili ko ang East Sun kahit alam kong kalabisan na 'yon sa mga magpapaaral sa'kin dahil gusto kitang makasama."

Hindi niya alam kung bakit may nabasa siyang kalungkutan sa mga mata nito. "Para sa'kin?"

Pinakita niya rito ang suot niyang singsing. "Nangako tayo noon sa isa't isa, Sava. Magpapakasal tayo."

Mas naging halata ang kalungkutan nito nang ngumiti ito. "Hindi na tayo mga bata, Emil. We don't have to fulfill that silly promise anymore."

Mabilis namuo ang takot at kaba sa dibdib niya. Hindi rin magandang pahiwatig ang biglaang panlalamig na naramdaman niya. "Anong ibig mong sabihin, Sava?"

Hinawakan nito ang kamay niya at kung may anong sinilid do'n. Hindi na niya kailangang tingnan ang malamig na metal na dumikit sa palad niya para malamang iyon ang singsing na ibinigay niya rito noon. "Nang sabihin kong nagbago na ko, kasama na ro'n ang damdamin ko, Emil. Hindi ko na matutupad ang pangako ko sa'yo."

Hindi niya napaghandaan ang gumuhit na kirot sa puso niya at ang sakit na hatid niyon ay gumapang sa buong sistema niya. "Pero Sava... mahal kita. Mahal na mahal. Hindi ba't mahal mo rin ako?"

She gently touched his face. Pero kung gaano karahan ang paghaplos nito sa pisngi niya at gano'n naman kalupit ang sunod na mga sinabi nito. "Noon 'yon, Emil. Noong hindi ko pa nakikilala si Syd."

"Sino si Syd?"

"Syd is my boyfriend, Emil." Muli ay ngumiti ng malungkot si Sava habang inaalis nito ang kamay nito sa pisngi niya. "I'm sorry."

Hindi naman yata sapat ang mga salitang 'yon para ibsan ang pagkadurog ng puso niya.

To Find You, My Love (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon