3rd Chapter

2.7K 85 2
                                    

"SIMULA nang mag-sophomore kami ni Sava, napansin kong malaki na ang ipinagbago niya. Bihira ko na lang siyang makitang kasama sina Mava at Lava. Ang madalas niyang kasama eh 'yong mga sosyal niyang kaibigan. Ni hindi na nga rin niya ko halos pansinin na para bang hindi niya ko kasamang lumaki sa probinsiya. Kung may hindi man nagbago sa kanya, 'yon 'yong nanatili pa rin siyang maganda at hinahabol-habol ng mga lalaki. Pero ayon sa mga naririnig ko, 'yong mga mayayaman lang ang tinatanggap niyang manliligaw."

Kinurot ni Emil sa magkabilang pisngi si Drei matapos ng litanya nito. "Hindi ko alam kung bakit sinisiraan mo si Sava pero itigil mo na 'yan. Sa susunod na marinig ko pang sabihin mo 'yan, hindi na kita patatawarin."

Inalis nito ang mga kamay niya sa mga pisngi nito. Bakas ang iritasyon sa mukha nito. "Kuya, 'wag ka ngang tanga. Napansin mo rin, 'di ba? Nagbago na si Sava. Don't let your love for her blind you."

"Andres Benedicto," banta niya rito.

Halatang natakot ito sa kanya, pero pinanatili pa rin nito ang pagsimangot. "Bahala ka sa buhay mo! Pero 'wag mong sasabihin sa'king hindi kita binalaan."

Bumuga siya ng hangin. Nakonsensiya siya sa ginawa niyang pananakot sa pinsan niya gayong nag-aalala lang naman ito sa kanya. Pero kailangan din siya nitong maintindihan. "Mahal ko si Sava, Drei. Mga bata pa lang tayo, siya lang ang gusto ko."

Nagulat si Drei sa sinabi niya pero nang makabawi ay lumabi ito. Mukhang naiintindihan na siya nito pero nagmamatigas pa rin. "You're so innocent, 'insan."

Ngumiti lang siya. "Matulog ka na."

Lumipat na ito sa kama nito. Patagilid at patalikod sa kanya ang higa nito. Nagtalukbong din ito ng kumot. "Kapag sinaktan ka ni Sava, hindi ko siya mapapatawad."

Napangiti na lang uli siya kahit bahagyang kumunot ang noo niya.

Matutulog na rin sana siya nang may kung sinong walang katok-katok na pumasok sa kuwarto nila. Lalaki iyon na sa tantiya niya ay naglalaro lang sa edad nila ni Drei. Matangkad ito at maputi na parang ba hindi nasisikatan ng araw. Ang lakas din ng amoy ng pabango nito. Tindig pa lang nito, halatang mayaman na, hindi gaya ni Drei na nagpupumilit pang mag-porma-mayaman.

Kasunod pala ng mayamang lalaki ang landlord nila na si Tsong. "Mga hijo, siya si Rio, ang bago niyong roommate. Magkasundo-sundo sana kayo," nakangiting sabi nito na halatang maganda ang mood.

Binati nila ni Drei si 'Rio' pero tiningnan lang sila nito. Pagkaalis ni Tsong ay dumiretso agad si Rio sa natitirang bakanteng kama sa tabi ng bintana nang hindi sila tinatapunan ng tingin ng pinsan niya. Pagkatapos ay humiga na ito at pinatong ang braso sa mga mata nito.

"I somehow hate him," bulong ni Drei sa kanya na bumangon kanina para batiin si Rio.

"Hayaan mo na. Baka may pinagdadaanan lang."

Nagkibit-balikat lang si Drei saka muling nagtalukbong ng kumot. Siya naman ay sumandal sa headboard ng kama. Pinagmasdan niya ang suot niyang singsing. Singsing 'yon na silver. Wala iyong disenyo maliban sa nakaukit na pangalan ni Sava sa likuran. May kapareha ang singsing na iyon na nasa pangangalaga ni Sava. Pangalan naman niya ang nakaukit sa likuran niyon. Ilang buwan niyang pinag-ipunan ang pambili niya sa mga singsing para sa ika-labinganim na kaarawan ni Sava. S-u-m-a-s-ideline na siya no'n na kargador sa palengke.

Naalala pa niya kung ga'no kasaya si Sava nang ibigay niya rito ang singsing nito noong kaarawan nito.

"It's so pretty, Emil!" impit na tili ni Sava habang nangingislap ang mga matang nakatitig sa suot nitong singsing sa daliri nito.

Napangiti siya. Ang hilig talagang mag-Ingles nito at ang ganda niyon sa pandinig. "Masaya akong nagustuhan mo 'yan kahit simple lang." Ipinakita niya rito ang daliri mo. "Pares 'yan."

Napangiti ito saka siya sinugod ng mahigpit na yakap. "Thank you, Emil!" Pagkatapos ay pinupog naman siya nito ng halik sa buong mukha niya. "Ito na ang best gift na natanggap ko sa buong buhay ko."

Natawa siya ng marahan. Binuhat niya ito para magpantay ang mukha nila. Napatili ito at napahawak sa magkabila niyang balikat. Kompara sa mga binubuhat niyang mga banyera ng isda sa palengke, parang papel lang si Sava sa gaang nito. "Masaya akong mapasaya ka sa kaarawan mo, Sava." Ninakawan niya ito ng mabilis pero malalim na halik sa mga labi. Namula ng husto ang mukha nito na ikinatawa niya. "Mahal na mahal kita, Sava."

Ngumiti ito at kinulong ang mukha niya sa pagitan ng mga palad nito. "Mahal din naman kita, Emil, kahit hindi ko pa muna puwedeng pangalanan ang relasyon natin. Baka kasi magalit si Nanay."

Maingat na binaba na niya ito sa lupa. Niyakap niya ito. "Walang kaso sa'kin 'yon. Pangalan lang 'yon. Ang mahalaga, mahal mo rin ako." Kumalas siya rito para mapagmasdan ang maganda nitong mukha. "Sava, 'pag tapos mo ng pag-aaral, magpakasal tayo."

Ngumiti lang si Sava.

To Find You, My Love (COMPLETE)Where stories live. Discover now