21st Chapter

1.3K 42 1
                                    

ABALA si Sava sa pagbabasa sa hawak niyang listahan, habang ang isang kamay naman niya ay abala sa paghahalo ng niluluto niyang kaldereta. Ito ang tinatawag na multi-tasking. Naroon siya sa dorm nina Emil para ipagluto ang mga lalaki. Linggo naman ng umaga niyon kaya pinayagan sila ni Tsong tumambay do'n. Naroon din ang mga kapatid niya. Kung hindi siya nagkakamali, naglalaba sa likod ng bahay sina Mava at Drei, samantalang naglilinis naman ng kuwarto sa itaas sina Lava at Rio.

"Sava," malambing na tawag ni Emil sa kanya. Ipinalupot nito ang mga braso nito sa baywang niya mula sa likuran. "Ang bango ng niluluto mo, ha."

"Oo nga," distracted na sagot niya.

Bina-budget kasi niya ang mga kinita ni Emil mula sa pagta-trabaho nito sa HappyChic at minsanang pag-sideline bilang sparring partner ng mga boksingero sa Tantenco Boxing Gym, ang gym na pag-aari ni Coach Tantenco. Para sa mga professional boxers na iyon. Tuwing weekdays lang naman ang pasok ni Emil sa HappyChic kaya may oras pa itong s-u-m-idline.

Nakikilan na naman silang magkakapatid ng walanghiyang si Kiefer at ng mga tauhan nito kaya pare-pareho silang gipit ngayon. May project pa naman ang klase ni Emil at kailangan nito ng malaking halaga ng pera. Kailangan na rin nitong magpadala ng pera sa probinsiya para kay Tito Jacinto na ama nito.

Nasira lang ang konsentrasyon niya nang maramdaman niya ang maiinit at malalambot na labi ni Emil sa leeg niya. Nanigas siya sa kinatatayuan niya. "Emil," saway niya rito.

Alam naman niyang minsan ay nahihirapan nang magpigil si Emil, pero para rin naman sa kanilang dalawa 'yon. Hindi niya gustong magbuntis kung kailan ilang buwan na lang ay magtatapos na siya ng kolehiyo.

Tumigil na si Emil sa paghalik-halik nito sa leeg niya. Pinatong na lang nito ang baba nito sa balikat niya. "Ano 'yang binabasa mo?"

"Budget natin para sa buwang ito."

"Kumita ako kahapon mula sa sparring match namin no'ng baguhan sa gym. May extra pa kong pera. May gusto ka bang bilhin?"

Umiling siya, saka siya pumihit paharap dito. "Isama mo na lang 'yan sa ipapadala mo kay Tito Jacinto."

Nawala ang ngiti nito. "Wala ka bang gustong bilhin, Sava? O kaya, lumabas naman tayo. Hindi pa tayo nakakapag-date ng maayos."

Kumunot ang noo niya. "Date? Emil, araw-araw na tayong magkasama. Bakit kailangan pa nating mag-date? Hindi 'yon praktikal sa sitwasyon natin."

Nalaglag ang mga balikat nito. "Alam ko naman 'yon, Sava. Kaya lang, gusto ko rin namang makita na may nakukuha ka mula sa mga pinagta-trabauhan ko, hindi 'yong puro kay Kiefer lang napupunta ang pera natin."

Napabuntong-hininga siya. Hindi naman niya kayang tiisin si Emil. "Sige, mag-ice cream tayo mamaya. 'Tapos, bumili na rin tayo ng matching bracelet."

Napangiti si Emil. Niyakap siya nito. "Gusto ko 'yon!"

Natawa siya. Pagkatapos ng yakapan nila ni Emil ay inayos na nila ang hapag-kainan dahil tapos na siyang magluto. Akmang tatawagin na niya ang mga kaibigan nila nang hilahin siya ni Emil. Napaupo siya sa kandungan nito. Ipinalupot nito ang mga braso nito sa baywang niya.

"Anong problema, Emil?" nagtatakang tanong niya. Bihira lang itong maglambing sa kanya ng gano'n. "May gusto ka bang sabihin sa'kin?"

Tumango ito. "Sava, inaalok ako ni Coach Tantenco na magsanay sa boxing gym niya ng libre. Gusto rin niyang kumuha ako ng boxing license."

Bigla siyang kinutuban ng masama. Mukhang alam na niya kung anong gustong sabihin ni Emil. "Pinayagan kitang mag-boxing bilang sports lang. Pero 'yong gawin mong profession ang pagiging boksingero? Hindi na ako papayag, Emil."

Bumuntong-hininga ito. "Hindi ko pa naman iniisip ang pagkuha ng lisensiya."

Nag-freak out siya. "Hindi pa? Pero may balak ka?" Patagilid na siyang nakaupo para makita niya ang mukha nito. Seryoso ito. "Emil, paano na ang pag-aaral mo kung ipu-pursue mo 'yan?"

Nagkibit-balikat ito. "Puwede naman akong huminto na lang ng pag-aaral."

Nagulat siya sa pagkakasabi nito niyon. Napaka-kaswal na para bang walang halaga rito ang edukasyon. "Ano? Hihinto ka sa pag-aaral para lang makapag-boxing?"

Nag-iwas ito ng tingin sa kanya. "Hindi ako hihinto, Sava. Naisip ko lang naman. Mas madali at mas mabilis kasing kumita sa pagbo-boksing, lalo na siguro kung lalaban na ko sa mga official match. Mas malaki ang pera ro'n at mas mapapabilis din ang pagbabayad natin sa utang niyo kay Kiefer. Ayoko na kasing natatakot ka sa tuwing dumadating ang mga tauhan niya."

Mas lalo siyang nagulat sa sinabi nitong iyon. "Kung gano'n, handa kang isakripisyo ang pag-aaral para kumita sa boxing... para sa'kin? Para bayaran ang utang naming magkakapatid?"

Sinalubong ni Emil ang tingin niya. Puno ng determinasyon ang mga mata nito. "Oo. Gusto kong lumaya na kayong magkakapatid mula sa Kiefer na 'yon. Gusto kong mawala na ang problema mo sa lalong madaling panahon."

"Hanggang ngayon, para parin sa'kin?"

Ngumiti ito. "Parati naman, eh."

Hindi na siya nakapagsalita. Hindi niya alam kung matutuwa ba siyang handang gawin ni Emil ang lahat para sa kanya, o matatakot dahil kaya nitong kalimutan ang sarili nitong buhay para lang masigurong masaya siya. Pareho siguro ang sagot. Masaya siyang may nagmamahal sa kanya na tulad nito, pero natatakot din siya sa kung saan ito dadalhin ng pagmamahal na iyon.

Hinaplos niya ang pisngi ni Emil. "Emil, just being with you makes me happy. Hindi mo na kailangang gumawa pa ng kahit ano. Ayokong huminto ka sa pag-aaral. Ayokong gawin mong career ang boxing dahil masyado 'yong delikado. Makakaraos din tayo kina Kiefer. 'Wag mong ilagay sa kapahamakan ang buhay mo." Napahikbi siya. "Please?"

Dumaan ang pagkataranta sa mga mata ni Emil. "Sava, 'wag ka nang umiyak. Sorry na." He started to rock her like a baby. "Shh... hindi ko na uli babanggitin 'to. Patawarin mo kung pinasama ko na naman ang loob mo."

Niyakap niya ito. "Ipangako mo, Emil. Hindi ka kukuha ng boxing license."

Isang malalim na hininga ang hinugot nito bago ito sumagot. "Okay."

To Find You, My Love (COMPLETE)Where stories live. Discover now