13th Chapter

1.6K 60 4
                                    

Sara Valerie "Sava" Monliva

TUMINGIN sa orasan si Sava. Mag-a-alas nuebe na ng gabi. Kailangan na niyang umuwi sa mansiyon para hindi mag-alala si Madam Sonia Soriano – ang senyora na kumupkop sa kanilang magkakapatid simula nang maulila sila sa ina.

Ayon sa kuwento ng ina nila sa kanila noon, bata pa lang ito nang maulila sa mga magulang nito. Dinala raw ito ng tiyahin nito sa mansiyon Soriano para manilbihan sa pamilya. Dahil magkasing-edad ang ina niya at si Madam Sonia, naging magkaibigan ang dalawa sa kabila ng magkaibang estado sa buhay ng mga ito. Ang ina niya ang naging yaya ni Madam Sonia.

Nagpatuloy ang matibay na pagkakaibigan ng dalawa hanggang sa mag-dalaga at ikasal ang mga ito sa kanya-kanyang asawa.

Sa pagkakaalam niya, dating driver ng pamilya Soriano ang ama nilang magkakapatid. Nang mabuntis nito ang ina nila, umuwi ang dalawa sa probinsiya ng ina nila at nagpakasal. Umalis sa mansiyon ang ina nila para maging mabuting may-bahay sa ama nila. Pero no'ng limang taong gulang silang magkakapatid ay nagbago ang ama nila, lalo na ng tanggalin ito ng mga Soriano bilang driver dahil pala nagkaroon na ito ng bisyo. Naging lasenggero na umano ang ama nila at nagkaroon ng iba't ibang bisyo, hanggang sa hindi na ito umuwi sa probinsiya para sa kanila.

No'n nagpasya ang ina nila na bumalik sa mga Soriano upang manilbihan. Naiwan silang magkakapatid sa pangangalaga ng lola nila – na kapatid ng ina ng nanay nila. Tinanggap agad muli ni Madam Sonia ang ina nila. Naging yaya ni Vladimir Soriano – ang bunsong anak ng ginang – ang ina nila. Dahil magkaibigan ang dalawa, tuwing summer vacation ay pinapayagan ni Madam Sonia na sumama sa ina nila si Vladimir para matuto raw ang anak nito na makisama sa iba't ibang uri ng tao. Gano'n kabait ang mga Soriano sa pamilya nila.

Pero ilang taon na ang nakakalipas nang dalawang magkasunod na trahedya ang dumating sa kanila. Una, namatay ang lola nila. Nang sumunod na taon naman, ang ina nila ang namayapa dahil sa pagliligtas kay Vladimir. Hindi sila nagalit sa pamilya Soriano dahil alam nilang hindi ginusto ng mga ito ang nangyari. Isa pa, kinupkop naman sila ni Madam Sonia at pinag-aral pa.

Hindi naging madali ang naging buhay nilang magkakapatid, pero masuwerte sila dahil may mga taong lagi na lang nakasuporta sa kanila.

Hay, sige na nga. Ang gusto ko talagang sabihin ay masuwerte kaming magkakapatid dahil may mga lalaking nagmamahal sa'min.

Ngumiti siya nang dumako ang tingin niya sa natutulog na si Emil. Naroon siya sa kuwarto nito sa dorm. Nakapasok siya do'n dahil wala naman ang landlord nito. Nakadikit ang kaliwang pisngi nito sa mesa at naghihilik ito. May manipis na likido na rin sa gilid ng bibig nito. Napabungisngis siya. Kinuha niya ang cell phone niya. Dahan-dahan niyang inihilig ang pisngi niya sa pisngi ni Emil habang nakatapat sa kanila ang camera ng phone niya. And... click!

"Hmm..."

Mabilis siyang lumayo kay Emil nang unti-unti itong bumangon. Naghikab ito habang nag-iinat, pero bigla ring natigilan nang makita siya. Napakurap ito at natatarantang pinunasan ng likod ng kamay nito ang gilid ng bibig nito. Biglang namula ang mukha nito. "Sava!"

Natawa siya, saka niya kinurot ang mga pisngi nito. "Hindi mo kailangang ma-conscious. Pogi ka pa rin sa paningin ko kahit tumulo ang laway mo habang natutulog ka kanina."

Eksaheradong sumimangot ito. "Hindi nakakatawa."

Sinuklay niya ng mga daliri niya ang buhok nito bilang paglalambing dito. "Seriously, I'm not turned off, Emil. Hindi ba't mabuti na nga 'to para kapag kasal na tayo, hindi na tayo magkakahiyaan?"

Umaliwalas ang mukha nito at napangiti na rin. "Kasal? Gusto ko 'yon."

Tinapik niya ang papel sa ibabaw ng mesa. "Okay na ba ang inaral natin?"

Nagkamot ito ng ulo. "Oo. Pasensiya ka na kung nakatulog ako. Pero pangako, gagalingan ko sa exam. Naintindihan ko naman ang mga tinuro mo sa'kin."

Tumango siya. Bukas na kasi ang exam nito sa HappyChic bilang service crew. Ni-review niya lang ito ng mga posibleng tanong na puwedeng lumabas sa exam, lalo na sa Math. Ni-review niya rin ito sa vocabulary words. Hindi naman mahirap turuan si Emil. "Okay, naniniwala ako sa'yo. Anyway, hindi kita masasamahan dahil may report ako bukas. Pero bibigyan kita ng good luck kiss."

She leaned down to kiss Emil on the cheek, but he grinned and turned his head so her lips landed on his. Napangiti na lang siya.

To Find You, My Love (COMPLETE)Where stories live. Discover now