24th Chapter

1.4K 46 2
                                    

"ALAM kong hindi ito ang tamang oras para sabihin sa'yo 'to, pero maghiwalay muna tayo, Emil," malamig na sabi ni Sava kay Emil. Naroon sila ngayon sa harap ng dorm nito.

Gumuhit ang sakit sa mga mata ni Emil. Nabitawan din nito ang hawak nitong malaking bagahe. "Dahil ba 'to sa naging pagtatalo natin?"

Iniwas niya ang tingin niya nang maramdaman niya ang pagbabadyang pagpatak ng mga luha niya. "Habang nasa probinsiya ka, pag-isipan mo uli ang naging desisyon mo. Sana lang, 'wag mo munang banggitin kay Tito Jacinto ang balak mong paghinto sa pag-aaral. Makakasama iyon sa kalagayan niya. At hindi ko alam kung anong mukha ang ihaharap ko sa kanya kapag nalaman niyang ako ang dahilan kung bakit ipinagpalit mo ang edukasyon sa kikitain mo sa pagbo-boksing."

Matagal bago muling nagsalita si Emil. "Pagbalik ko, mag-usap uli tayo, Sava."

Tumango siya. "Sa ngayon, alagaan mo muna ang tatay mo."

Semestral break naman kaya makakauwi ng probinsiya si Emil. Inatake sa puso si Tito Jacinto habang nasa bukid daw, pero sa kabutihang palad ay nasa mabuti na itong kalagayan ngayon.

Gayunman, uuwi pa rin si Emil dahil nag-aalala ito sa ama nito. Gustuhin man niyang sumama, naisip niyang mas makakabuti kung maghihiwalay muna sila ng binata.

Hinawakan ni Emil ang kamay niya. "Sava, mahal kita."

Natunaw agad ng mga salitang iyon ang paghihinanakit niya. Pero kailangan niyang rendahan ang damdamin niya. Ang labis pagmamahal na iyon ni Emil para sa kanya ang sumisira sa relasyon nila. Tuluyan silang magkakahiwalay kung wala siyang gagawin para pigilan iyon. They needed time apart to save their relationship.

Binawi niya ang kamay niya mula kay Emil. "Alam ko 'yon, Emil. Mahal din kita, pero mali na ang direksyong tinatahak ng relasyon natin. Kailangan nating huminto muna at tingnan kung nasaan na tayo para hindi tayo maligaw."

Mas naging malungkot ang mukha ni Emil, pero gumuhit ang pang-unawa sa mga mata nito. "Naiintindihan ko. Nasaktan ka at marami akong nagawang pagkakamali. Ayusin natin 'to pagbalik ko, Sava. Ayokong mawala ka sa'kin."

Tumango siya. Ayaw niya rin naman itong mawala sa kanya, kaya nga maghihiwalay muna sila pansamantala. "Maghihintay ako sa'yo."

Nabuhayan si Emil bigla. "Pangako?"

"Pangako."

Sa unang pagkakataon pagkatapos ng malaki nilang pagtatalo ay ngumiti ng totoo si Emil. "Kung gano'n, panatag na kong aalis."

"Mag-iingat ka, Emil."

"Ikaw din." With one last longing look, he started to walk away. Malapit na si Emil sa jeep na inarkila nito para maghahatid dito sa pier ay biglang pumihit pabalik sa kanya ang binata. He ran towards her and hugged her tight. "Ma-mi-miss kita, Sava."

Napaiyak na siya. "Ma-mi-miss din kita. Sana, pagbalik mo, malinaw na 'yang isipan mo."

Ilang sandali pa silang nanatiling magkayakap hanggang sa tawagin na si Emil ng driver ng jeep. Sa pagkakataong iyon ay hindi na muling bumalik ang binata. Pinanood na lang niya ang pag-alis ng sasakyan hanggang sa mawala iyon sa paningin niya.

Hindi na tama ang ginagawa ni Emil para sa kanya. Sinisira nito ang sarili nito dahil sa kanya. Kung mawawala siya sa buhay nito, mawawalan na rin ito ng pasanin at maitutuon na nito ang atensiyon nito sa sarili nitong buhay.

He should live for himself, and not for her.

Paalis na sana siya nang mahulog ang kuwintas na suot niya – ang kuwintas nilang magkakapatid. Yumuko siya para pulutin iyon. Nilagay niya sa palad niya ang pendant na letrang 'M'. May ganoon ding kuwintas sina Mava at Lava. Hindi niya alam kung bakit pero habang pinagmamasdan niya ang kuwintas, bigla siyang kinutuban ng masama, na lumala ng tumunog ang cell phone niya at makita ang pangalan ng isa sa mga kapatid niya sa caller ID.

Nangako ako kay Emil na hihintayin ko siya. Na pagbalik niya, aayusin namin ang lahat. Pero hindi ko natupad iyon. Ang mga araw lang sana na pansamantala naming paghihiwalay ay naging maraming linggo, maraming buwan, at maraming taon. At siguro, hindi na niya malalaman kung bakit bigla akong naglaho sa buhay niya. Hindi niya puwedeng malaman, at hindi ko rin naman pagsisisihan ang pang-iiwan ko sa kanya. Kahit pakiramdam ko, pinapatay ako sa bawat oras na magkalayo kami.

ito an 83m

To Find You, My Love (COMPLETE)Where stories live. Discover now