23rd Chapter

1.3K 41 0
                                    

TAHIMIK lang si Sava habang nakaupo sa gilid ng kama ni Emil sa dorm habang nagkukuwento ito sa kanya.

"Sava, nag-sparring kami ni Kenneth kahapon. Sa unang pagkakataon, tumama na ang suntok ko sa kanya! Ang sabi nga ng mga kasamahan ko sa gym, nag-improve na raw ako," masayang kuwento ni Emil. "Sabi pa nila, mas magaling ako kaysa do'n sa ibang may lisensiya."

Mapait na ngumiti siya. "Ang dami mo nang nakuwento, Emil. Kailan mo sasabihin sa'kin ang tungkol sa resulta ng finals mo?"

Biglang nawala ang ngiti nito. "Sava..."

Tumayo siya at nilabas mula sa bag niya ang mga exam papers ni Emil at binato ang mga iyon sa mukha nito. "Kinuha ko ang mga 'yan kay Drei. Bagsak ka sa halos lahat ng subject mo! Finals 'yan, Emil! Kapag hindi mo naipasa ang make-up exams mo, uulitin mo ang lahat ng 'yan! Ano bang nangyari sa'yo? Okay naman ang midterm exams mo, ha."

Yumuko ito. "Nagsisimula na ko ng training, Sava."

Natigilan siya. "Training para saan?"

"Kukuha na ko ng boxing license sa susunod na linggo."

Nanghina siya sa narinig niya kaya muli siyang napaupo sa kama. Nanlamig din ang buong katawan niya. "Anong sabi mo?"

Sinalubong nito ang tingin niya. Nakita niya sa mga mata niya na hindi na magbabago ang desisyon nito. "Patawarin mo ko, Sava. Pinilit kong tuparin ang pangako ko sa'yo na hindi ko gagawing career ang boxing, pero hindi ko kaya. Naiinggit ako sa mga kasamahan ko na lumalaban na sa mga official match."

"Paano ang pag-aaral mo?" nanghihinang tanong niya. "Hindi mo puwedeng pagsabayin ang pagbo-boxing at ang pag-aaral."

"Nagdesisyon na kong huminto. Hindi na ko mag-e-enrol sa susunod na semestre."

Hindi na niya napigilan ang sarili niya. Tumayo siya at pinagbababayo ang dibdib ni Emil na walang ginawa para pigilan siya. "Bakit, Emil? Nangako ka sa'kin! Tatapusin mo ang pag-aaral mo! Iyon ang dapat mong gawin!"

Hinawakan siya ni Emil sa magkabilang pulsuhan para tumigil siya sa pag-atake rito. "Ayoko nang mag-aral, Sava!"

Nabigla siya ng husto hindi lang dahil sa mga sinabi nito kundi dahil sa pagtataas nito ng boses sa kanya. "Ano?"

"Ayoko nang mag-aral," pag-uulit nito sa mas mababang boses. "Hindi ako matalino, Sava. Hirap na hirap na kong makipagsabayan sa mga kaklase ko. Hindi ako magtatagumpay kahit pa mairaos ko ang apat na taon sa unibersidad natin. Ang pagbo-boksing ang gusto ko. Dito ako masaya. Dito lang ako magaling."

Hindi na niya napigilan ang pagkawala ng emosyon niya. Napahikbi na siya. "Hindi ba't napag-usapan na natin 'to, Emil? Paano na ang mga taong umaasa sa'yo? Paano na sina Mr. and Mrs. Roberts na nagbigay sa'yo ng pagkakataong makapagtapos sa magandang unibersidad?" Napalitan na ng galit ang sakit na nararamdaman niya. Marahas na binawi niya ang mga kamay niya mula kay Emil. Niyugyog niya ang mga balikat nito. "Hindi ka ba naaawa sa tatay mo? Umaasa si Tito Jacinto na makakapagtapos ka na! Alam mo ba kung gaano kahirap para sa isang magulang na hindi mapag-aral ang anak niya?

Tinawagan ako ni Tito Jacinto no'ng kadarating mo pa lang dito. Umiyak siya sa'kin. Sinabi niya kung gaano siya kasaya na sa wakas, sa tulong ng ibang tao ay makakapag-aral ka uli! Bibiguin mo siya kung hihinto ka sa pag-aaral!"

"Alam ko 'yon, Sava. Pero kompara sa pangarap ni Itay para sa'kin, mas matimbang na sa'kin ang pangarap kong maging matagumpay agad para sa'yo! Para maging malaya ka na mula sa pagkakautang ng pamilya niyo!"

Muli ay ginulat na naman siya ni Emil. Binitawan niya ito dala ng panghihina at napaatras siya. "Handa ka talagang isuko ang lahat para sa'kin? Kahit ang kapalit pa niyon ay ang kabiguan ng sarili mong ama?"

Malungkot na ngumiti si Emil. Kitang-kita niya ang matinding sakit sa mga mata nito. "Kinamumuhian ko rin ang parte ng pagkatao ko na 'to, Sava. Pero wala akong magawa. Mahal na mahal kita, eh."

Tinangka ni Emil na lapitan siya pero humakbang siya palayo rito. Bata pa lang si Sava, alam na niyang mahal siya ni Emil. Masaya siya sa pagmamahal nito. Pero sa unang pagkakataon sa buhay niya, natakot siya sa pag-ibig nito. Kahit para sa kanya ang lahat ng ginagawa nito, hindi siya masaya. Paano siya magiging masaya kung kakalimutan nito ang sarili nitong buhay at babale-walain pa nito ang pangarap ng ama nito para lang sa kanya?

Hindi ito ang buhay na gusto niya para kay Emil. Hindi niya gustong pumasok ito sa delikadong mundo ng pagbo-boksing para lang kumita ng pera na ipambabayad nito sa utang ng pamilya niya. Ninakaw ng kahirapan ang kabataan ni Emil. Hindi nito naranasan ang buhay-kolehiyo na gusto niyang maranasan nito. Pero tatalikuran nito iyon para matupad nito ang ipinangako nito sa kanya na ililigtas siya nito mula kina Kiefer.

Tuluyan nang pumatak ang mga luha niya. "Hindi ito ang gusto kong buhay para sa'yo, Emil. Bakit ba hindi mo maintindihan 'yon?"

Bumuga ng hangin si Emil at sinuklay ng mga kamay nito ang buhok nito. Then, he gave her an accusing look. "Ikaw, Sava? Bakit hindi mo magawang suportahan ang nag-iisang pangarap ko? Buong buhay ko, naniwala akong wala akong kuwenta. Bobo ako, alam mo 'yan. Pero kapag nasa boxing ring ako, pakiramdam ko, may halaga ako. Na magaling ako. Ipagkakait mo ba sa'kin ang pakiramdam na 'yon?"

Unti-unting gumuhit ang mapait na ngiti sa mga labi niya habang unti-unti ring tumatarak sa puso niya ang mga sinabi ni Emil. "Buong buhay mo naniwala kang wala kang kuwenta? Bakit, Emil? Hindi ko ba naiparamdam sa'yo kung gaano ka kahalaga sa buhay ko? Kung gaano ako nagpapasalamat na minahal mo ko?"

Gumuhit ang pagsisisi sa mga mata nito. "Sava..."

Napaiyak na siya ng malakas. Galit na galit siya sa nangyayari sa kanila ni Emil. "Alam mo ba kung anong nararamdaman ko ngayon, Emil? Pakiramdam ko, itinulak kita sa bagay na ikapapahamak mo balang-araw. Nang dahil sa'kin, bumuo ka ng pangarap para matupad mo ang pangarap mong mailigtas ako. Alam kong masaya ka sa boxing. Pero natatakot akong mawala ka sa'kin dahil d'yan. Alam mo kung bakit? Kasi nakikita ko sa mga mata mo na handa kang mamatay sa pagba-boxing para lang kumita ng pera... para sa'kin. Natatakot ako, Emil."

Katahimikan ang bumalot sa pagitan nila. Hindi niya alam kung dala lang ba ng luha sa mga mata niya, pero ng mga sandaling iyon, nanlabo sa paningin niya si Emil at hindi na niya ito nakita. Naramdaman niya ang parang pagkaputol ng tali na nag-uugnay sa kanila. Alam niya, ramdam niya, malapit na silang dumating sa wakas. Nakakatawa pero kahit alam niyang masasaktan sila pareho, ginusto niyang matapos na ang lahat sa pagitan nila.

Because if she stayed with Emil, alam niyang sisirain nito ang sarili nito dahil sa labis nitong pagmamahal sa kanya.

Bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Drei na mukhang natataranta. "Kuya Emil, tumawag ang mommy ko. Inatake raw sa puso si Tito Jacinto!"

To Find You, My Love (COMPLETE)Where stories live. Discover now