6th Chapter

2.3K 81 3
                                    

NAGHIHINTAY si Emil sa harap ng dorm nila Sava. Masokista na kung masokista, pero hindi siya papayag na magtapos lang sa gano'n ang relasyon nila. Hinatid siya kanina ni Drei do'n pero nabuwisit yata ang pinsan niya sa katigasan ng ulo niya kaya iniwan siya nito. Makakauwi naman siya mag-isa dahil isang jeep lang ang layo niyon sa dorm nila.

Tiningnan niya ang basket na naglalaman ng mga gulay na dala niya mula sa probinsiya. Paborito ni Sava ang mga iyon kaya matutuwa ito kapag nakita nito ang mga iyon.

May kotseng pumarada sa harap ng dorm. Nagtago siya sa gilid ng gate. Bumaba mula ro'n si Sava at nagpaalam sa nagmamaneho niyon – si Syd. Nang umalis na ang sasakyan ay hinarang niya si Sava bago pa ito pumasok ng gate.

"Sava!" masiglang bati niya rito, kahit nasaktan siya sa eksenang nakita niya kanina.

Napasinghap si Sava. "Sira-ulo ka, Emil! Ginulat mo ko!" Lumingon ito sa paligid. "Mag-isa ka lang? Nasaan si Drei?"

"Umuwi na." Inangat niya ang dala niyang basket ng mga gulay. "Tingnan mo 'tong dala –"

"Sira-ulo ka talaga!" sansala nito sa sinasabi niya. "Bakit nagpaiwan ka rito? Bagong salta ka lang dito, paano kung napag-trip-an ka? O kaya kung maligaw ka? Ma-holdap? You could have been killed!"

Napangiti siya. Iisang emosyon lang ang nababasa niya sa mukha ni Sava ng mga sandaling iyon. "Ang OA mo, Sava. Nag-aalala ka ba para sa'kin?"

Ito naman ang biglang natigilan. Tumaas-baba ang dibdib nito dala marahil ng hingal mula sa mahaba nitong litanya. "Hindi. I'm not worried about you."

"Sava, mahal mo pa rin ako, hindi ba?"

Nag-iwas ito ng tingin sa kanya. "Ilang beses ko bang dapat sabihin sa'yo na hindi na kita mahal? Na matagal na kitang napalitan."

Nawala bigla ang ngiti niya. "Gano'n kadali, Sava?" naghihinanakit na tanong niya rito. "Gano'n lang ba kadali sa'yo na itapon ang lahat ng pinagsamahan natin?"

Hinarap siya nito. Malalamig na ang mga mata nito. "Hindi na tayo mga bata, Emil. Nakatakas na ko sa maliit na probinsiya natin. Sa tingin mo ba, gugustuhin ka pang bumalik do'n kasama ka?"

Dahil sa mga sinabi nito ay isang pangit at malupit na realisasyon ang tumama sa kanya. Muli ay naramdaman niya ang pagkawala ng mapait na ngiti sa mga labi niya. "Ah. Bakit hindi mo na lang sabihin na kaya ayaw mo na sa'kin ay dahil hindi ko kayang ibigay sa'yo ang mga materyal na bagay na nakukuha mo mula sa boypren mo?"

Kumunot ang noo nito. "Nakukuha?"

"Hatid-sundo ng magarang sasakyan, pagkain sa mamahaling restawran..." Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa, partikular na suot nitong mga alahas na gawa sa diyamante. "Mga alahas, mamahaling damit at mga sapatos. Ano pa ba ang ibinibigay niya sa –" Natigilan siya nang makita ang pagguhit ng sakit sa mga mata ni Sava. No'n lang din niya narinig ang sarili niyang tinig. Biglang sumama ang pakiramdam niya.

Si Sava naman ang ngumiti ng mapait. "Kung gano'n, gold digger pala ang tingin mo sa'kin. Na kaya ako nakipagrelasyon kay Syd ay dahil lang sa pera niya."

"Sava –"

Tinaas nito ang isang kamay para pigilan siya sa pagsasalita. "Hindi mo kailangang mag-sorry kasi totoo 'yon. I'm going out with him because he's rich. Hindi na rin naman ako lugi dahil bukod sa isang taon lang ang tanda niya sa'kin, guwapo rin siya. Kaya bakit ikaw ang pipiliin ko? Mag-isip ka nga, Emil. Wala ka pang nararating sa buhay. Ni wala ka ngang pangarap."

Nagtagis ang mga bagang niya. Sa unang pagkakataon sa buhay niya ay nakaramdam siya ng galit para kay Sava. "Siguro nga tama kayong lahat. Tama kayo na hindi ko na dapat ipinapipilitan ang sarili ko sa'yo. Hindi na kita kilala, Sava. Ang laki na ng ipinagbago mo." Hinubad niya ang suot niyang singsing, saka niya dinukot sa bulsa niya ang singsing na isinauli sa kanya ni Sava. "Alam mo kung anong dapat gawin sa mga ala-ala natin? Ganito." Hinagis niya ang mga singsing ng mataas. Narinig niyang tumama ang mga iyon sa bubong.

Wala siyang nakuhang reaksyon mula kay Sava. Napagod na yata siya kaya nilagpasan na lang niya ito ng walang lingon-likod. Hindi siya makapaniwalang naging tanga na siya sa sobrang pagmamahal sa isang babaeng hindi karapat-dapat.

To Find You, My Love (COMPLETE)Where stories live. Discover now