Kabanata 29

109 5 0
                                    

Kabanata 29

Umiwas ako ng tingin nang magkatitigan kaming dalawa. Kitang-kita ko ang pagkurba ng isang ngisi sa kaniyang mga labi. Nasamid ako. Dahan-dahan kong ibinalik ang mga mata sa kaniya at naubo na ako ng tuluyan nang makitang inaabangan niya lang ang mga mata ko.

Haeop na 'yan. Ang guwapo pala nitong si Adam.

Dinig ko ang tawa niya. Nainis tuloy ako bakit hindi na lang siya umungol.

Luh, Almerie? Gaga ka!

"Paumanhin kung nabigla kita." Panimula niya.

Ngumuso ako. Hindi lang ako nabigla, nakuwestyon ko pa ang sarili kung bakit ako nasaktan sa prinsipe gayong marami nga pala ang guwapo rito sa kaharian nila. Madali lang siyang palitan.

"Naisip ko kasi na ngayong gabi makipagkita sa 'yo para hindi ka na mailang sa pakikipag-usap sa akin na ganoon ang itsura ko ngunit..sa nakikita ko sa 'yo ngayon, sa palagay ko ay mas naiilang ka sa ayos ko." Mahabang aniya na may kasamang pag-iingat.

Hindi talaga ako makapaniwala sa nakikita ngayon. Ang dating baboy ramo na madungis at nakakatakot na itsura ay biglang naging ganito ang ayos ngayon. Hindi lang siya nagmukhang tao dahil kakaiba talaga ang itsura niya. Para ngang kaunting paligo pa ay malalagpasan niya na ang prinsipe.

Ngumiti ako. "H-Hindi naman, Adam." Tumikhim ako. Parang timang, bakit ba ako nauutal. "Ano lang kasi..nakakagulat lang na naging tao ka bigla."

Tumango-tango siya at itinuro ang loob ng gubat. "Pumasok tayo roon."

"Ha?" Nagulo ang utak ko. "Bakit naman?"

Mahina siyang natawa. "Baka makita tayo ng mga kawal, bawal kang lumabas sa iyong silid, hindi ba?"

Ahhh! Oo nga naman, Almerie. Ano bang utak 'to?

Tumango ako. "Oo nga, galit pa naman ang mga iyon sa akin."

Iginiya niya ako papasok sa loob ng madilim na gubat. Nangatog agad ang tuhod ko nang umihip ang malamig na hangin. Sobra naman ang lamig ngayon.

"Dito tayo sa gilid. Magsisiga ako ng tuyong kahoy." Napapitlag pa ako sa gulat nang bigla niya iyong ibulong sa akin.

"A-Ah! Sige." Asiwa akong tumawa at sumunod sa kaniya.

Nagtataka pa niya akong iginiya at itinuro ang malaking ugat ng kahoy sa gilid tanda na maaari akong umupo roon. Sinunod ko naman siya, ayoko nang magsalita.

"Ayos ka lang ba talaga, Almerie?" Aniya habang inaayos ang mga kahoy. "Paumahin kung gabi ko gustong makipagkita." Sinimulan niya iyong pagkiskisin sa isa't isa.

"Ayos lang. Naiintindihan ko naman." Sambit ko habang pinapanood siyang gumawa ng apoy doon sa dalawang kahoy. "Wala ka bang lighter?"

"Ano ang bagay na iyon?" Takang tanong niya na nasa ginagawa pa rin ang mga mata. "Madali lang naman ito paapuyin."

Nang sabihin niya iyon ay bigla na nga iyong umapoy. Tumingin siya sa akin at ngumiti. Napangiti rin ako dahil nakakahawa ang ngiti ni Adam. Inayos niya iyon para medyo lumaki ang apoy. Maya-maya pa'y naramdaman ko na ang init na galing doon.

Umupo si Adam sa harap ko. Nasa gitna namin ang ginawa niyang apoy kaya kitang-kita ko ang mukha niya.

"Hindi ba nais mong malaman kung bakit pinaghihinalaan kang mula sa kahariang Tomstone?"

Napaayos ako ng upo nang siya na ang magbukas ng usaping iyon.

Tumango ako. "Oo, sa tingin ko ay pinababantayan din ako ng Mahal na Reyna."

Almerie At Ang Mahiwagang Libro (COMPLETED)Where stories live. Discover now