Tibok

1K 45 10
                                    


Bob

Isang linggo lang talaga ang assignment na ibinigay kay Bob sa Palawan. Kaya lang ay pinag-extend siya ni Director Sarmienta ng ilang araw pa. Inabot rin siya ng dalawang linggo. Nang makabalik ng Maynila ay nag-file agad siya ng dalawang araw na bakasyon para puntahan ang lugar kung nasaan ang diumano'y ama ni Gaizelle.

Ang tauhan niyang si Roy ang nagpatuloy ng paghahanap hanggang sa matunton nga nito si Raul Salcedo. Iyon ang isa sa dahilan kung bakit di pa siya nagpapakita kay Gaize kahit nami-miss na niya ito.

Kung puwede nga lang niyang tanggihan si Director Sarmienta ay di talaga siya pupunta ng Palawan. Mas mahalaga sa kanya ang mabantayan ang kaligtasan ni Gaize. Kahit pa nga wasak na naman ang puso niya nang marinig nitong sinabi na balewala ang nangyaring halik sa kanilang dalawa. Lasing lang daw ito at naipaligo na ang lahat.

In-expect na rin naman niyang iyon ang isasagot nito. Sana di na lang siya nagtanong. Nasaktan pa tuloy siya. Pinagsisihan niya kung bakit ibinulalas pa ang tungkol sa kiss. Sana ay umasa na lang siya na kahit konti ay may naramdaman ito sa kanyang halik. Pero wala nga daw.. kaya ang sakit pa rin.

Hindi pa talaga masanay-sanay ang puso niya sa mga kabiguan kay Gaizelle.

Kailan ba siya matututo? Kailan ba siya magiging manhid. Paulit-ulit na lang. Pero heto pa rin at walang tigil pa na umaasa ng baka sakali.

Kaya nga mas minabuti na rin niyang umalis. Sinadya niyang hindi kausapin si Gaize at makibalita na lang kay Danny dahil nagtatampo siya. Gustong-gusto niyang sabihin at ipamukha kay Gaize na nasasaktan siya pero ano naman ang alam ng isang iyon?

Siguro nga, mas masarap humalik si Reese kaysa sa kanya. Mas masarap itong maglambing kaysa sa kanya.

Mabuti na lang at napigilan niya ang sarili na pumunta sa condo ni Gaize nang makausap niya ito kagabi. Nandun lang naman siya sa condo niya. Saktong kadarating lang niya nang makausap ito. As usual yung mga pasalubong niyang bitbit ay para kay Gaize.

"Mr. Robert Aguilar, p'wede ka ng pumasok sa loob." Naputol ang pagmumuni-muni niya nang tawagin siya ng warden at papasukin sa lugar kung saan niya makakausap si Mr. Salcedo.

Sumunod siya sa warden at dinala sa isang maliit at bakanteng silid. Isang mesa at dalawang silya lang ang mayroon.

"Thirty minutes lang.." Paalala ng unipormadong warden bago sila iniwan nito. Payat at nangangalumata si Mr. Salcedo. Walang kurap ang pagtitig nito habang papalapit siya.

Agad siyang naglahad ng kamay sa lalaki at nagpakilala. "Magandang umaga po. Ako si Robert Lienius Aguilar. Isa po akong NBI agent."

Nanlaki ang mata nito nang marinig ang kanyang propesyon. "Ma-may problema ba?"

"Wala naman po. May itatanong lang po ako sa inyo kaya po ako naparito. May mga larawan din po akong ipapakita sa inyo. Baka sakaling kilala n'yo po. "

"Panibagong kaso na naman ba ito? Hindi pa ba sapat ang pagkakakulong ko rito ng mahabang panahon para pagdusahan ang kasalanang hindi ko naman ginawa." Bakas ang pait sa mga sinabi ni Mang Raul.

"Maupo po tayo," sabi niya para pakalmahin ang lalaki. "Wala po itong kinalaman sa kaso mo." Mabilisang inilabas niya ang mga pictures sa bitbit na brown envelope at inilahad kay Mang Raul."Kilala n'yo po ba ang babaeng ito?" aniya.

"Anette!" Kinuha nito ang larawan at pinakatitigan. Para ngang naluluha pa ito habang pinagmamasdan ang letrato.

"Kaano-ano ka niya? Kamusta na siya?" Sunod-sunod na tanong nito.

"Kilala n'yo po si Ms. Anette Lariosa?"

Tumango ito at muling tumitig sa picture.

"Wala na po si Ms. Anette. Matagal na po siyang namayapa."

The Great SeductionDonde viven las historias. Descúbrelo ahora