Dumating

661 22 10
                                    

Gaize

"Naynay, ano bang putahe ang madaling lutuin?" Naisipang itanong ni Gaize habang kanina pa nagba-browse ng application sa kanyang cellphone tungkol sa mga Filipino dishes.

Abala si Naynay sa paghiwa ng mga gulay para sa lulutuin nito sa tanghalian. Kagabi siya dumating mula sa conference. Si Bob naman ay bumalik din kinaumagahan sa Maynila nang dalawin siya nito dahil sa urgency ng request ni Director Sarmienta. Two days na itong di umuuwi at dalawang araw na rin na wala siyang balita sa nobyo. Ang huling usap pa nila ay nang gabing makabalik ito sa kuta. Nabanggit nitong malapit na raw mahuli iyong mga salarin. Nagpa-abiso rin itong di muna makakatawag habang di pa tapos ang operasyon dahil sa kritikal ang sitwasyon.

Ayaw na ayaw pa naman niyang makakarinig nang ganong mga statement kay Bob. Lalo siyang nininerbyos. Kung dati ay wala lang sa kanya ang mga ginagawa nito sa trabaho, pero ngayon para siya laging aatakahin sa puso. Kung paano niyang nalampasan ang dalawang araw na walang balita kay Roberto ay di niya maipaliwanag. Kaya nga inaaliw na lang niya ang sarili sa pag-iisip kung paano matututunan ang magluto. May tiwala siya kay Bob pati na rin sa husay nito. Siyempre, may tiwala siya sa Diyos na di nito pababayaan ang nobyo.

Di yata narinig ni Naynay ang tanong niya kaya tiningnan niya na ito. Nagulat siyang makita na nagpipigil ito sa pagtawa. "Nay! Bakit naman ganyan ang reaksyon mo?" Dismayadong inilapag ni Gaize ang cellphone sa mesa.

Di na nga napigilan ang pagbunghalit ng tawa ni Naynay. "Kasi naman anak, ngayon ko lang narinig sa iyo na gusto mong matutong magluto. Aray ko..." Napahawak pa ito sa tiyan sa kakatawa. "Dati kasi halos ayaw mong hawakan ang sandok at kaldero mula nang muntik mo ng masunog iyong bahay natin dahil sa sinaing mong natutong."

"Pinaalala mo pa Naynay. Matagal ko ng kinalimutan iyon." Nag-flashback sa memory niya na dahil sa kapapanood niya ng tv ay nakalimutan ang sinaing. Ayos lang sana kung iyong kaldero lang ang nasunog. Ang problema, naiwan niya ring nakasindi iyong katabing burner at nasunog ang pot holder na kalapit. Nagliyab na ang kusina nang balikan niya. Sakto namang dumating si Naynay at naapula nito ang apoy gamit ang fire extinguisher.

"Di ko akalain na magdudulot sa iyo ng phobia ang nangyari." Sa wakas, tumigil na rin ito sa pagtawa. "Subukan mo munang magluto ng adobo. Madali lang magtimpla 'non. Di mo kailangang mag-abala sa mga sangkap. Suka, toyo, bawang at paminta lang ayos na. Paborito ba ni Bob ang adobo?"

"Gusto niya iyong nilaga, sinigang, tinola. Iyong mga may sabaw 'Nay."

"Mas madaling lutuin iyon. Mag-aasawa ka na ba at bigla mong naisipan iyan?" May halong pagbibiro ang tono nito.

"Papayagan mo na ba akong mag-asawa Nay?" Ineksamin niya ang mukha ni Naynay.

Nagkibit-balikat ito. "Ewan. Inaaya ka na ba niya?"

"Hindi pa naman po. Pero may nabanggit siya kaya nag-aalala ako."

"Nag-aalala ka? Baligtad yata ang reaksyon mo. Di ba dapat ay excited ka?"

"Naynay kasi, masyado mo akong na-ispoil. Di tuloy ako natutong magluto."

"Iyon ba ang pinag-aalala mo? Talagang isinisi mo pa sa akin. Ikaw talagang bata ka!"

Sasagutin sana niya ito kung hindi tumunog ang doorbell.

"May inaasahan ka bang bisita Nay?"

"Baka si Roberto iyan."

Kumilos siya papuntang pinto. "Busy pa siya Nay." Hopeful na baka nga si Bob iyon.

"Alam ba niyang nakabalik ka na?" Narinig pa niyang tanong nito pero di na niya nasagot.

The Great SeductionWhere stories live. Discover now