Ganito

783 47 7
                                    

Gaize

Sadsad sa lupa ang lungkot ni Gaize nang lumabas sila ni Rochelle ng ospital. Walang nagawa ang mga pakiusap niya kay Alwin. May gap daw ngayon ang mama at kuya niya. Kung magpapakita daw siya sa mama nito ay baka sa kanya lang maibunton ang galit. Nangako si Alwin na tatawagan siya oras na pwede na siyang makadalaw. Maayos na rin naman daw ang kalagayan ni Bob. Sa binti pala ito nadaplisan. Kaya mahihirapan daw itong makalakad pansamantala.

"Pwede mo na akong iwan Rochelle," sabi niya sa kasama nang mapansing nakasunod pa rin ito. "Magta-taxi na lang ako pauwi."

"Hindi pwede Attorney. Ang sabi ni Chief sa akin ay huwag daw kitang iiwan."

"Tapatin mo nga ako Rochelle. Sa NBI ka rin ba nagtatrabaho?"

"Last week doon pa ako employed. Kakalipat lang namin sa bagong agency ni Chief. Actually tatlo kami, ako, si Danny at si Jay. Pero may mga bagong recruit si Chief kaya madami kami."

Kakabukas lang pala ng ahensiya nito. Kaya naman pala mainit pa ang dugo ng mama ni Bob ay sariwa pa ang mga pangyayari.

"Please, tigilan mo na ang pagsunod sa akin. Nakakulong na naman sina Cyrus, di ba? I'm safe now."

"Hindi talaga maari Attorney ang pakiusap mo. Kabilin-bilinan ni Chief na bantayan kita. Saka, ipapatawag ka pa para kunan ng statement kaya kailangang kasama mo ako."

"Kailan mo pa siya huling nakausap?"

"Kagabi."

"Kagabi pa iyon Rochelle. Iba na ngayon. Maayos na ang sitwasyon."

"Kahit hindi ka pumayag. Wala ka ring magagawa Attorney. Hanggang wala siyang order na pwede na kitang lubayan, nakabuntot ako sa iyo. Kaya ngayon, saan mo ba gustong pumunta? Please din naman... makipag-cooperate ka na lang para dumali ang trabaho ko." Umuna na ito sa paglalakad.

May attitude itong si Rochelle. Magaling mangumbinsi. For now, bibilhin n'ya muna iyon.

Napasunod siya kay Rochelle. Mukhang wala rin namang magagawa ang pakiusap niya. Masyado itong masunurin sa Boss.

"Si Danny na lang ang puntahan natin. Anong room ba siya?" Aniya nang maabutan.

Huminto ito at nag-scroll sa kanyang cellphone. "Room 321."

Tulog si Danny nang puntahan nila. Magang-maga pa rin ang mukha dulot ng pagkakabugbog. Mabuti na lang at di ito tinamaan ng bala.

Ang nanay ni Danny ang kumausap sa kanila. "Ikaw pala ang binabantayan niya, Attorney." Nakangiting sabi nito pero kita sa mga mata ang lungkot at pagod.

"Mabait at mahusay po ang anak ninyo Ma'am," sabi niya sa Ginang. "Mahirap po talaga ang kanilang trabaho."

"Iyan nga ang sabi ko sa kanya. Pero di ko mapigil dahil iyan ang gusto niya. Iyan din ang ikinabubuhay namin."

"Nagkausap na po ba kayo? Nagising na ba siya kanina?"

Umiling ito. "Ang sabi ng doktor, makabubuti raw sa kanyang magpahinga muna. Bukas pa lalabas ang resulta ng mga test niya."

"Tutulong po ako sa mga gastusin sa ospital." Hinawakan niya ang kamay ng ginang bilang pagpapabatid na seryoso siya sa gagawin.

Malungkot ang ngiting sumilay sa labi nito. "Maraming salamat kung ganon. Malaking tulong ito para sa amin. Si Danny ang tumatayong ama sa mga kapatid niya. Ang kondisyon niya ngayon ay di maganda. Kawawa naman ang anak ko." Tuluyan ng tumangis ang nanay ni Danny.

Paano ba ikonsola ang puso ng isang inang nanaghoy para sa anak? Naiinggit siya kay Danny dahil may ina itong nasa tabi ngayon para damayan. Samantalang siya, kailanman ay di na niya mararanasan ang pagmamahal ng isang ina o ng kanyang ama. Mabuti na lang at may Naynay Rita na siyang nagmamahal sa kanya. Hindi niya namalayang nakiki-iyak na rin pala siya sa ina ni Danny.

The Great SeductionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon