Lalaki

756 36 17
                                    

Bob

Pagod at masakit ang ulo ni Bob. Magdamag sila sa field dahil sa bago nilang kliyente. May nagtatangka sa buhay ng pinakasikat na teenstar na si Liam Alfonso. Kagabi idinaos ang kauna-unahang concert nito sa MOA Arena kung kaya't doble ang seguridad na kailangang ibigay ng grupo niya. Sila ang ni-hire para sa security ni Liam.

Subalit, nagka-aberya dahil nang matapos ang concert, muntik na itong ma-kidnap. Mabuti na lang at namatyagan niya ang isang kahina-hinalang sasakyan malapit sa bahay nito. Naisakay man ng mga ito si Liam, pero nabawi naman nila. Kaya tuloy, doble ang trabaho nila para masiguro ang kaligtasan ng teenstar.

Ini-enter niya ang passcode sa unit ni Gaize. Tahimik ang paligid. Baka umalis si Naynay at sigurado namang pumasok na si Gaize sa opisina. Dumiretso siya ng CR at binuksan ang medicine cabinet para kumuha ng paracetamol. Kailangan niyang makatulog kahit dalawang oras bago pumasok ng ahensiya.

Nagkagulatan pa sila ni Naynay Rita nang buksan niya ang pinto ng CR nang papalabas na siya habang ina-attempt naman nitong buksan ang pinto mula sa labas para makapasok.

"Bob! Papasok ka na ba? Tinanghali ka yata." Tanong ni Naynay na naka-pang-alis na damit.

Jeans at black loose shirt. Ito naman ang usual na getup nito. Bagong paligo rin.

"Hindi Nay. Kararating ko lang mula sa trabaho." Lumabas na siya ng CR para makapasok si Naynay.

Nagtungo siya sa kusina para uminom ng tubig. Binuksan niya ang pakete ng gamot at ininom iyon.

"Oh! May sakit ka ba?" Si Naynay ulit.

"Masakit ang ulo ko Nay. Puyat lang ito." Uminom siya ng tubig. "Si Gaize po Nay?"

Alam naman niyang pumasok na ito sa trabaho dahil nag-text nga bago umalis pero itinanong na rin para lang may masabi.

"Pumasok na sa opisina. May sinangag at tocino pa rito. Kumain ka muna."

"Hindi na po Nay. Matutulog muna ako." Ibinaba niya ang baso sa lababo.

"Maupo ka na. Ipaghahain kita at may itatanong din ako sa iyo." Maotoridad na sabi nito.

Bigla tuloy kinabahan si Bob. Ano kayang itatanong ni Naynay?

"Si-sige po 'Nay. Nagugutom pala ako." Naupo na nga siya. Binuksan ang takip ng pagkain sa mesa. May itlog at tocino pa nga roon.

Naglapag ng pinggan at kubyertos si Naynay sa tapat niya. Mayamaya ay isinunod na nito ang pinggan na may sinangag. Naglabas na rin ito ng pitsel ng tubig mula sa ref.

"Gusto mo ng kape?"

"Hindi na Nay. Naka-limang tasa na yata ako mula pa kagabi. Kaya siguro parang bloated na ang pakiramdam ko."

"Kain na." Naupo ito sa silya sa kabilang kabisera.

Inangat niya ang sinangag at kumuha ng sakto lang. "Ano po ba ang itatanong mo?"

"Iyon ba..." Bumuntong-hininga pa ito na para bang ang lalim ng pinaghugutan. "E kasi noong isang gabi, nakita ko kayo ni Gaize na naghahalikan."

Muntik na niyang nabitawan ang pinggan ng sinangag. Inilapag na niya ito para maiwasan ang aksidente.

"May relasyon ba kayong dalawa?" Seryosong tanong nito. Diretso ang tingin sa kanya at walang-kakurap-kurao ang tinging ipinukol sa kanya.

Si Gaize dapat ang magsasabi kay Naynay. Mag-iisang buwan na ang relasyon nila pero di pa rin nito naipagtatapat sa nanay niya. Paano ba ito? Siya na ang tinatanong ni Naynay? Kung ang tinutukoy nito ay iyong goodnight kiss ni Gaize sa may sala ay biglang nilamig ang kanyang palad. Hindi simpleng goodnight kiss lang iyon. Matagal-tagal na halikan kaya iyon. Ang akala niya ay tulog na si Naynay dahil maaga itong nagpaalam ng gabing iyon. Napainom tuloy siya ng tubig.

The Great SeductionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon