Chapter 8

1.6K 61 4
                                    

Pagkatapos ng hapunan ay agad kaming dumiretso ni Kapitan Francisco sa tabing ilog. Nagda-dalawang isip pa rin ako kung dapat ko bang sabihin ang lahat sa kanya.
"Santiago, sabihin mo na ang lahat," mahinahong sabi ni Kap Francisco. This is it.
"Kapitan, ito po ang pangalawang pagkakataon na napunta ako dito sa panahong hindi ako kabilang...Nung unang beses ay nagising ako sa isang kalsada at iniligtas ako nina Miguel at Diego, itong pangalawang beses ay nagising ako dahil kay Herrerias at ito yung araw na dapat ay tuturuan niya ako kung paano gumamit ng baril."
"Anong nangyari nung una kang napunta dito?"
"Mas magulo para sa akin ang lahat nun, Kapitan. Ang pinakamalungkot sa lahat ay ang.."
"Ang alin, Santiago?"
"Ang sunod-sunod na pagbawi ng Diyos sa aking mga kaibigan at iisa lang ang natira."
Nakita ko na nalungkot si Kap Francisco at lam kong alam niya ang mga tinutukoy kong mga kaibigan. "Sino dapat ang susunod kay Diego?"
Nagtataka ako sa tanong niya at parang may something. "Sina Gabriel at Herrerias..."
Hindi siya nakapagsalita kaya itinuloy ko. "Kapitan, gagawin ko ang lahat para maligtas sila."
Tumingin siya nang bahagya sa kalangitan. "Sino ang susunod sa kanila?"
Napalunok ako at parang gustong umurong ng aking dila. "Sina Jose, Juan, Isko...at ikaw, Kapitan."
Huminga nang malalim si Kap Francisco at napayuko. Maya-maya ay narinig ko na siyang umiiyak ng mahina.
Hinawakan ko siya sa kanyang balikat. "Kapitan..."
"Sana kahit ako nalang...wag yung mga inosenteng bata...pangarap nilang mamuhay sa isang payapang mundo...pero hindi pala nila matitikman ang buhay sa mundong walang gulo..."
"Tulungan mo ako, Kapitan. Iwasan natin na-"
Hinarap niya ako tsaka siya nagpunas ng basang pisngi. "Santiago, wag na wag mo itong sasabihin sa iba."
Ibig sabihin ay naniniwala sa akin si Kapitan Francisco. "Opo," seryosong sabi ko.
"Bumalik na tayo. Kailangan ko muna ng panahon para makapag-isip ng mabuti. Sabihin mo lang sa akin kung anong araw ang may mamamatay sa amin at tutulong ako para mailigtas ang iba."
"Pero, Kapitan, hindi lang dapat ang mga malalapit sa atin ang kailangang maligtas," tugon ko.
"Anong gusto mong gawin ko?" tanong niya.
"Nang makabalik ako, nagbasa at nagsiyasat ako tungkol sa giyerang ito. Kapitan, alam ko kung saang lugar nagkuta ang mga Hapon. Kung malalamam ito agad ng mga sundalong Pilipino at Amerikano, malamang mas maraming buhay at oras ang hindi masasayang."
"Sabihin mo sa akin lahat ng nalalaman mo at susubukan kong ipaalam sa mga Heneral," sabi ni Kap Francisco.
Tinignan ko siya sa mata at napatanong ako sa sarili, "Tama ba itong gagawin ko? May kapalit ba ang lahat?"
-
February 7, 1945
Hapon na nang makabalik sina Kapitang Francisco. Agad ko siyang nilapitan at tinanong, "Kapitan, anong sabi nila?"
"Santiago, ayaw nilang maniwala sa mga sinabi mo. Sabi pa ng iba ay wala ka daw pruweba," sagot niya. Nakita ko na parang nawalan ng pag-asa si Kapitan Francisco.
Bigla akong nainis dahil sa narinig ko. Huminga ako ng malalim. "Kapitan, sabihin mo nalang sa susunod na nanggaling na ako dito at ako'y nagmula sa hinaharap."
"Sa tingin mo ay agad silang maniniwala sa'yo? Tiago, hindi lahat ng tao ay naniniwala sa mga misteryo at kung ano ang kayang gawin nito. At kapag sinabi ko ang totoo sa kanila, baka pagtawanan lang nila tayo," sabi niya nang hindi naalis ang mga tingin niya sa akin.
"Anong gagawin natin para iligtas ang karamihan, Kapitan?"
Umiling siya. "Hindi ko alam, Tiago. Pasensya ka na, sa tingin ko ay wala na tayong magagawa. Iligtas nalang natin ang kaya nating iligtas."
"Ayos lang, Kapitan." Ang hirap talaga kapag hindi napapakinggan ang boses ng mga 'mababang uri'.
-
February 17, 1945
Halos buong araw akong nanggamot ng mga sugatan kasama ng ibang volunteers. Nakakapagod man ay kailangan kong magtiis dahil madami na ang ipinupunta sa kampo. Hindi ko kinaya ang mga nakita kong kababaihan na tinanggalan ng parte ng katawan, lalo na sa maselang parte ng babae. Karamihan ay mga dating Comfort Women, maswerte ang iba dahil tinulungan sila ng mga sundalong Amerikano. Parang may mga torture na nagaganap dito dahil sa mga sigaw at iyak ng mga pasyente.
"Help me, Filipino man!"
Liningon ko kung saan ang galing ang boses at nakita ko ang isang may edad ng Amerikana. Pinuntahan ko siya. "Yes?"
Itinuro niya ang babaeng nasa isang kama sa gilid. Umiiyak sa sakit ang babae at parang nasabugan ng paputok ang kanyang kamay. "We need to amputate her right arm. Help me to restrain her."
Tumango ako at sinundan ko siya. Hindi ko alam kung makakayanan ko ito pero bahala na. Kailangan niya ng tulong at wala ng atrasan.
May lumapit din na isa pang babaeng Amerikano. Inabutan ako ng isang makapal na tela at sinabi niya na itakip ko daw ito sa bibig ng babae. Sa left side ako at sa right side ng kama ang dalawa.
"Miss, ilalagay ko ang tela sa bunganga mo at hahawakan ko ang kamay mo-"
Tinignan ako ng kanyang mga namumulang mata. "Patayin niyo nalang ako...Ayoko nang mabuhay sa impyernong 'to...Sumusuko na ako..."
Hindi na ako nagsalita at sinabi ko na kagatin niya ang tela, ginawa naman niya at naging kalmado siya. Hinawakan ko ang kanyang noo at kaliwang kamay. Itinapat ko ang aking bibig sa kanyang kaliwang tenga at ibinulong ang salitang, "Hindi basta sumusuko ang mga Pilipino."
At nag-umpisa na ang dalawang Amerikana na ihiwalay mula sa katawan niya ang nabubulok niyang kanang kamay. Napapikit nalang ako habang hinihiwa nila ang braso ng babae nang walang anestisya. Hinigpitan ko ang pagkakahawak ko sa kaliwang kamay ng babae na pumipiglas mula sa pagkakahawak ko.
Makalipas ang ilang minutong kalbaryo ng babae ay natapos din sa wakas ang operasyon niya. Bigla siyang nakatulog. Hindi na ako nagpaalam sa dalawang Amerikana at agad akong umalis mula sa lugar. Tinakbo ko hanggang sa gilid ng ilog at naginhawaan ako dahil sa malinis na hangin. Naghugas ako ng kamay at naghilamos.
Malapit nang lumubog ang araw at parang lumalamig na ang hangin. Nakaramdam ako ng gutom at napahawak ako sa aking tiyan. "Gutom na ako. Gusto ko ng pizza at fries...haaay..." Bumalik sa isip ko na tinapay na naman ang ibibigay sa amin mamaya. Mas mabuti na yun kaysa sa wala.
Kung alam ko lang talaga na makakabalik ako dito, siguro'y nakapagdala pa ako ng Oreo at chocolates, at sana nadala ko din yung phone ko para makuhanan ko ng video o litrato ang mga kaibigan ko at kung ano ang mga nangyayari dito.
-
Hindi ako makatulog kaya bumangon ako at nagtungo sa gilid ng ilog. Maliwanag ang buwan kaya nakikita ko ang daraanan. Napangiti ako at hinintay na magpakita si Juan.
"Ginoo!"
Hindi ko siya nilingon at sinabing, "Halika sa tabi ko, Juan. At tawagin mo akong kuya."
Tinabihan niya ako tsaka ako tinignan ng kanyang mga mata. "Kuya, paano mo po nalaman kung sino ako?"
"Kasi alam ko ang tinig mo," sabi ko sa kanya at agad ko siyang binuhat at pinaupo ko sa aking lap. "Gusto mo kantahan kita?"
Ngumiti siya at tumango. "Opo, kuya! Matagal ko nang gustong makarinig muli ng musika." Sumandal siya sa akin at medyo ipinatong ko ang aking baba sa kanyang ulo. Amoy na amoy ko ang alikabok at pawis mula sa kanyang buhok, but I don't mind.
Lupain ng ginto't bulaklak
Pag-ibig ko sa kanyang palad
Nag-alay ng ganda't dilag.
At sa kanyang yumi at ganda,
Dayuhan ay nahalina
Bayan ko, binihag ka, nasadlak sa dusa.
Ibon man may layang lumipad
Kulungin mo at umiiyak
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas
Pilipinas kong minumutya
Pugad ng luha ko't dalita
Aking adhika, makita kang sakdal laya...
Pagkatapos ay wala nang umimik sa amin at pinagmasdan nalang ang repleksyon ng maliwanag na buwan sa ilog. Ilang sandali pa ay humikab si Juan. Hindi ko na siya kinausap at tumayo ako buhat-buhat siya. Niyakap niya ako sa leeg at ipinatong niya ang kanyang ulo sa aking kanang balikat.
Malapit na kami nang narinig ko siyang magsalita nang mahina. "Salamat, Kuya..."

Santiago (Sequel of Stuck in 1945)Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu