Chapter 21

1.3K 54 3
                                    

1950

"Anak, bente-sais anyos ka na at... wala ka pang asawa," muling pagpapa-alala sa akin ni Tatang.

"Tatandang binata na siya, Tatang," patawang sabi ni Elena habang hinahanda niya ang mga kagamitan niya sa eskwela. Nagtayo sila ng mga maliliit na silid-aralan sa 'di kalayuan para sa mga bata. Nasa bayan ang high school at nasa halos trenta minutos ang biyahe, dahil sa layo ay ang karamihan sa mga kabataan dito ay hindi na tumutungtong sa high school. Meron din naman ang mga matiyaga na naglalakad papunta sa bayan para mag-aral at siguro'y inaabot sila ng halos dalawang oras sa paglalakad.

"Sana pumasok ka nalang sa seminaryo, Tiago," dagdag ni Nanang.

"Nanang, may bahid po ang aking mga kamay ng dugo...nakapatay na po ako ng kapwa tao. Tsaka, balak ko naman talaga mag-asawa at magkaroon ng sariling pamilya, eh." Tinignan ko si Tatang at hinintay ko ang sasabihin niya.

"Kung ganun naman pala, dapat ngayon ay naghahanap ka na ng babaeng papakasalan! Baka maunahan ka pa ni Elena na mai-kasal," biro ni Tatang at hindi natuwa dito si Nanang.

"SANTIAGO!" sigaw ni Gasat mula sa labas ng bahay. Dali-dali akong lumabas at pinuntahan siya sa bakuran.

Nang lapitan ko siya ay bigla nalang siyang umiyak. "Si Kulasa..."

"Bakit?! Anong nangyari?!" tanong ko habang nag-aalala sa aking kaibigan.

"Ipapakasal siya ng mga magulang niya sa isang mayamang lalaki sa San Fernando...luluwas na sila Kulasa at ang pamilya niya sa makalawa...Tiago, anong gagawin ko?"

Napapansin ko na uso ang parental love pero, hindi ko akalain na mangyayari ito sa kasintahan ng kaibigan ko. "Gasat, makinig ka sa akin, kahit anong mangyari wag na wag kang gagawa ng bagay na pagsisisihan mo." Sana ay sundin niya ang sinabi ko dahil mas matanda ako sa kanya ng limang taon at dahil sa kaibigan niya ako.

"Tiago, mahal na mahal ko si Kulasa...hindi ko kayang mawala siya sa buhay ko..."

"Ayusin mo yang sarili mo at kumalma ka. Tutulungan ka namin na kausain ang mga magulang ni Kulasa. Tatawagin ko sina Pablo at mag-usap-usap tayo mamayang hapon." Tumango siya at mabilis na naglakad palayo na parang may iniiwasan.

At kinahapunan ay kumalat sa barrio ang biglang pagkawala nila Gasat at Kulasa. Sa madaling salita ay nag-tanan sila. Nalaman ko mula kay Manong Luis na galit na galit na sumugod sa bahay nina Gasat ang pamilya ni Kulasa. Pero, sa bandang huli ay wala na silang magagawa kundi ang tanggapin ang ginawa ng magkasintahan.

Pagkatapos ng hapunan, pinuntahan ako ni Tatang sa kwarto. Umupo siya sa upuan at tinignan ako ng mga mata niyang hindi ko alam kung galit o nag-aalala lang. "Tiago, ano ang pinag-usapan niyo ni Gasat kaninang umaga?"

Inayos ko ang pagkakaupo ko sa kama. "Tatang, sinabi lang niya na ipapakasal si Kulasa sa mayamang lalaki...at sinabihan ko siya na wag siyang gumawa ng bagay na pagsisisihan niya...hindi ko akalain na ganito ang gagawin nila."

"Kung nag-paalam ba siya sa'yo, pipigilan mo ba sila?" seryosong tanong ni Tatang.

"Hindi ko alam, Tatang," sagot ko.

"Hindi mo alam o hindi mo lang maintindihan?"

Hindi ako nakasagot sa tanong ni Tatang at napa-isip ako.

"Tiago, alam mo bang nangyari ang ganyan sa Ate Anita ko? Nagtanan sila at hindi na muling bumalik pa..."

Alam ko na may ate si Tatang pero, hindi ko alam ang kwento niya. Hinayaan kong mag-kwento si Tatang.

Santiago (Sequel of Stuck in 1945)Where stories live. Discover now