Chapter 14

1.4K 54 2
                                    

March 4, 1945

Hindi ako nakabalik sa panahon ko at magkahalog tuwa at kaba ang nararamdaman ko bawat segundo. Maaari pa rin siguro akong makabalik pero, sana 'wag na. Kailangan ko itong panindigan at magkaroon ng bagong buhay. Hindi madali pero, kakayanin at gagawin ko.

Pagkabalik ko sa kampo kagabi ay agad akong naghanap ng extrang damit sa isang gerilya na nakasama ko sa San Agustin. Tinulungan niya din akong maghanap ng sapatos. Kahit mula sa yumao ay tinanggap ko pa rin. Isinuot ko ang mga ito at ang university uniform at black shoes ko ay sinunog ko sa tabi ng ilog.

Maaga akong nagising at nag-almusal. Pagkatapos ay naglakad ako papunta sa ilog para mag-isip. Napahinto ako sa tabi ng isang patay na punong kahoy.

Sa gilid ng ilog ay nag-uusap sina Miguel at Barbara. Naalala ko ang kwento sa akin ni Miguel dati...

"Habang nasa gilid ako nang ilog ay may lumapit sa akin na isang magandang dilag, si Barbara Sta. Isabel. Kay ganda ng pangalan, hindi ba? Sinabi niya na nakita niya ang isa sa mga kaibigan ko, ikaw ang tinutukoy niya Tiago, at ngayo'y wala ka na daw sa paligid. Iniabot niya ang kwintas sa akin."

Natunghayan ko ngayon mismo ang pag-abot ni Barbara Sta. Isabelsa kwintas. Nang na kay Miguel na ito ay tinitigan niya ito. Maya-maya'y narinig ko siyang humagulhol sa iyak. Ito ang hindi niya nasabi sa akin sa hardin ng bahay niya nang hinihintay ko si Marcella.

Hinawakan ni Barbara ang kanyang balikat at may ibinubulong siya kay Miguel. Napaupo si Miguel sa sahig na nakatapat sa ilog at tinabihan siya ni Barbara.

Napangiti ako at bumalik sa pinanggalingan ko. Habang naglalakad ako patungo sa kampo ay naisip ko kung anong mangyayari sa hinaharap ngayong hindi ako nakabalik. Sa ngayon, kailangan ko munang isipin kung ano ang gagawin ko para hindi ako makita nina Miguel at Barbara.

Pagkarating ko sa kampo ay sinalubong ako ni Tenyente Tomas Alvarez.

"Salvacion, gusto mong sumama sa Escolta?" tanong niya. "Hindi ko kasi makita yung mga taong dapat na sasamahan ako.

"Hindi ba walang madaanan doon, Tenyente? Tsaka ano pong gagawin niyo-"

"Sumama ka nalang, hijo."

Kahit tinatamad ako ay sumama ako sa kanya para narin hindi kami magtagpo ni Miguel dito.

-

Pagkababa namin ng sasakyan sa tapat ng nasirang Simbahan ng Quiapo, agad kaming naglakad papunta sa gilid ng Ilog Pasig tsaka kumanan. Nakapanlulumo habang tinitignan ko ang dalawang tulay na nasira. Tumingin nalang ako sa baba at sinundan ang mga paa ni Tenyente na nasa tapat ko.

Makalipas ang madaming hakbang, napatigil ako dahil sa pagtigil ng mga paa niya.

"Anong nangyari sa'yo?" tanong ni Tenyente. Napatingin ako sa kanya at hindi siya sa akin nakatingin. Tinabihan ko siya at nakita ko ang mga mata niya na nakatingin sa sirang gusali sa tapat namin. Tinignan ko kung sino ang tinitignan niya sa gusali pero, kahit isang tao ay wala akong makita sa loob.

"Tenyente, mawalang galang na-"

"Mahalaga sa buhay ko ang gusaling ito. Dito ko natagpuan at nakilala ang aking asawa na isang saleslady sa isang tindahan ng kendi bago sumiklab ang digmaan." May kalungkutan sa kanyang boses at hindi ko inakala na maririnig ko ang ganong tinig sa isang matikas na lalaki.

Santiago (Sequel of Stuck in 1945)Where stories live. Discover now