Chapter 11

1.8K 68 1
                                    

February 27, 1945
Pagkagising ko ay agad akong pumunta sa pagamutan ng mga may sakit at sugatan. Hinanap ko ang kama ni Miguel. Biglang tumaas ang lagnat niya kagabi kaya pinunta namin siya dito ni Andres. Nakita ko siya at tahimik akong pumunta sa tabi ng kinahihigaan niya.
Naalala ko nung unang beses akong napunta dito. Ni hindi ko man lang siya binisita nun dahil sa pangamba kong baka mahawaan ako ng sakit. Napaka-arte ko talaga.
Parang isang bata si Miguel na nakahilata  sa maliit na kama. Kahit na naka-sando at short pants lang siya ay tagaktak pa rin ang katawan niya ng pawis. Hinawakan ko ang kanyang noo at pagkatapos ay iminulat niya ng mabagal ang kanyang mga mata. Napaka-init ng kanyang balat na namamasa.
Nagising ko ata siya. Tinanggal ko ang kanang kamay ko sa kanyang noo at tinanong ko, "Kamusta na ang pakiramdam mo, Miguel?"
"Medyo masakit ang ulo ko...at ang buo kong katawan..." ang nanghihinang sagot ng aking kaibigan.
Sa tabi ng kama ay may isang maliit na lamesa kung saan may malaking lata na bowl na may lamang tubig at puting face towel. Kinuha ko ito at piniga tsaka ko inilapat sa noo ni Miguel.
"Nilalamig ako..." halos nanginginig na si Miguel.
"Sandali." Nilibot ko ang paningin ko sa paligid at wala akong nakitang extrang kumot. Hindi lahat ng pasyente dito ay may kumot o bedsheet, iilan lang at ang karamihan sa may mga kumot ay mga matatanda at mga bata.
Muli kong tinignan ang mistulang marupok kong kaibigan. "Nasaan yung uniporme mo?"
"Kinuha nila...Lalabhan ata..."
Naka-sando ako sa loob kaya hinubad ko na ang long sleeve na uniporme. Tinulungan kong makabangon si Miguel at isinuot ko sa kanya ang uniporme ng gerilya. Dahan-dahan ko siyang inihiga at nagpasalamat siya.
"Kumain ka na ba, Miguel?" tanong ko.
"Pinakain na ako ni Andres kanina..."
"Nasaan na pala si Andres?"
"Sabi niya kanina ay sasama siya sa mga maglilinis sa Intramuros...magtatanggal sila ng mga bangkay...at-"
"Sssshhhh. Magpahinga ka na, kaibigan."
Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Pumunta ako paanan niya at minasahe ko ang kanyang hapong-hapo na mga paa. Kapansin-pansin ang kalyo at dumi ng kanyang mga paa pero hindi ako nakaramdam ng pandidiri.
Muling bumalik sa akin ang pagkikita namin nung una akong pumunta sa bahay nila Marcella. Ang pagkikita naming ng matandang Miguel....Pati ang kanyang katawan sa kabaong ay naalala ko din. Ang buhay talaga...
Ilang sandali pa ay naririnig ko na siyang humilik ng mahina. Kahit naiiyak ako ay ngumiti ako ng bahagya. "Get well soon."
-
Mag-isa akong kumakain nang nakaupo sa isang sulok nang lapitan ako ng isang Pilipinong gerilya. Matangkad siya, payat at makinis ang kanyang kayumangging balat. Maayos ang pagkakasuot niya ng kanyang uniporme at metal cap. Ang proteksyon ng kanyang mga paa'y bagong polished na combat shoes.
"Pangalan?" tanong niya. Napatigil ako sa pagnguya at tumayo ako. Nilunok ko ang pagkaing nasa bunganga ko at sinagot siya.
"Santiago Salvacion, po."
"Ako si Tomas Alvarez, isang tenyente. Wala ka namang sakit o sugat di ba?"
Umiling ako.
"Kung ganoon, sumama ka sa amin mamaya sa Intramuros...kung ayos lang naman sa'yo, Santiago."
"Sasama po ako," sabi ko. Tinignan niya ako from head to toe. 
"Gusto mo ring umitim, ano?"
"Ha?"
"Sige, kumain ka na diyan. Pagkatapos mo ay pumunta ka sa plaza at hanapin mo ako." Tumango ako at naglakad siya papalayo mula sa kinatatayuan ko.
Nagda-dalawang isip ako kung sasama ba talaga ako sa kanila. Nung una ay hindi ako sumama sa kanila dahil alam ko na ang mga makikita kong hindi kanais-nais sa loob ng  Intramuros. Siguro dapat na akong sumama ngayon.
-
Isinuot ko ang iniabot ni Tenyente Tomas Alvarez na color light brown na polo. Pinahawak niya din ako ng isang rifle at ilang bala na ibinulsa ko lang. Sumakay kami sa military truck at nagtungo sa tapat ng sirang-sira na simbahan ng Quiapo. Bumaba kami mula sa truck at naglakad patungo sa ginawang alternative na tulay across Pasig River. Nang makarating kami sa nabutasang pader sa pagitan ng dalawang gates ay nahati an gaming grupo. Kasama ko sina Tenyente at anim pang mga Pilipinong sundalo.
Habang naglalakad kami in a single file, nilapitan ko si Tenyente at tinuro ko ang isang ruin ng isang gusali. "Anong pangalan ng gusaling iyang nasa tapat natin, Tenyente?"
Tinignan niya ako at parang hindi siya makapaniwala sa naging tanong ko. "San ka ba nanggaling?"
Hindi ako sumagot.
"Iyan ang natira sa magandang Simbahan ng Santo Domingo," sabi niya nang may halong disappointment.
Nanlaki ang mga mata ko sa sagot niya at lalo kong pinagmasdan ang ruins nito. "Santo Domingo Church?! Hindi ba nasa Quezon City 'yun?!!"
Huminga siya nang malalim at tinignan ako with dying eyes. "Diyos ko! Bata, nakikita mo naman 'yan dito sa Intramuros di ba? Nasaan ba ang Intramuros? Nasa Manila. Wala tayo sa Lungsod ng Quezon...At pano naman sana mapupunta iyan sa Quezon? Haaaay..."
"Aaaaahhhh...Okay....Pero sa mga susunod na taon, ililipat ang Simbahan ng Santo Domingo sa Q.C," sabi ko at hindi na muling nagsalita pa ang kausap ko. Sa isip niya siguro sinasabihan niya ako na bahala ako sa buhay ko.
Muli kong pinagmasdan ang dating simbahan at naisip ko na siguro'y isa talaga itong napaka-gandang simabahan bago pa ang digmaan. "Sayang naman..."
Hindi na mahalata halos lahat ng kalsada at talagang nagkalat sa buong paligid ang mga tipak ng semento, mga bakal, basyo ng bala, mga kagamitan sa bahay na halatang nasunog, at marami pang ibang hindi ko malaman kung ano. Mukang na-halungkat na ang karamihan sa mga guho dito at sa mga guhong ito ay may mga natuyong dugo.
Nagpatuloy kaming maglakad at nang makarating kami sa kalye ng Gen. Luna ay tumambad sa amin ang mga bangkay sa gilid ng isang sunog na bahay. Maayos ang pagkakahanay sa mga bangkay. Naabutan namin ang ilang lalaki na naghahanap ng mga tela o kumot sa mula sa mga gumuhong gusali o bahay sa isang block. Kahit medyo sunog na ang ibang pantaklob sa mga bangkay ay ayos na. Hindi ko makayanan ang amoy kaya mabilis akong naglakad papalayo dito. Sinundan ako nila Tenyente at ibang mga kasamahan.
Nang medyo nakalayo na kami ay muli akong nagtanong kay Tenyente. "Siya nga po pala, bakit pa tayo may dalang mga baril? 'Di ba po wala nang mga Hapon dito at ligtas na ang Intramuros?"
"Maraming pwedeng pag-taguan dito ang mga Hapones, malay natin baka biglang may lumabas sa kanila," mabilisan niyang sagot.
"Sana wala na..."
"Alam mo ba, bata, itong lumang ciudad na ito ang naging huling protektoradong kanlungan ng mga Hapon. Pero dumating yung puntong bilang nalang sila at alam 'yun ng mga Amerikanong sundalo. Tsaka hindi lahat ng gusali't simbahan dito ay pinamugaran nila," katwiran ng Tenyente.
"Pero bakit po kailangan ng mga Kano na maghulog ng daan-daang mga bomba mula sa mga panghimpapawid nila? At ang sabi ng iba ay umabot ang pagbobomba ng ilang araw."
"Malaking parte ang sinunog ng mga Hapon, pero mas lumaki ang pinsala ng lugar na ito nang umabante ang mga Amerikano kasama ng kanilang mga makabagong kagamitan." Inakbayan niya ako at lalong bumagal ang aming paglalakad. "Maaaring sinadya ito ng mga Kano at baka gustong burahin ng Heneral nila ang mga ala-ala ng mga Kastila dito sa ating bansa."
' "Bakit naman sana  niya...nila gagawin 'yun?" tanong ko.
"Salvacion, hindi importante ang ating kasaysayan sa isang Kano at ang mas mahalaga sa kanila ay ang buhay ng kanilang mga kalahi o kababayan."
"Kaya ganun nalang kung sirain nila ang mga nandito sa ating bansa na konektado sa ating history?"
"Tama!   At tsaka madaming nawala sa kanila sa Pearl Harbor...Dati'y sumuko sila at karamihan ay umalis ng bansa. Bumalik lang siguro sila dahil sa mga kababayan nila sa Bataan, Santo Tomas, Bilibid-"
Masyado na ata siyang nagiging judgmental at parang wala na siyang utang na loob sa mga ginawang mabuti ng mga Kano, kung meron man talaga. "Baka pati naman sa mga Pilipino at di ba tinutulungan nila tayong makamit ang kalayaan mula sa Imperyo ng Hapon?"
"Pero, sa tingin ko ay bumalik sila para hindi sila magmukang duwag at kaawa-awa sa mata ng buong mundo."
"Ano pong ibig niyong sabihin?"
"Kilala ang Amerika bilang pinakamalakas na bansa sa mundo. Nabahiran ng pagkatalo ang kanilang bandila at bumalik sila para ipakita ang kanilang tunay na lakas. Mataas ang tingin nila sa kanilang mga sarili, Salvacion," marahas niyang sabi.
" 'Wag naman pong ganyan. Malay mo gusto talaga nila tayong lumaya at di ba ang tawag nila sa atin ay Little Brown Brothers? Buti nga nandiyan sila para tulungan tayo."
"Ginagawa mong literal 'yan. Kailanman, hindi talaga tayo itinuring ng mga Amerikano bilang kanilang mga kapatid. Ang tingin nila sa atin ay mga mababang uri ng tao na hindi sibilisado at mahina."
"Tenyente, sa magandang banda ay tinutulungan nila tayo," pabulong kong sabi. Magkatulad sila ni Andres na may pagdududa at galit sa mga Amerikano at ang gobyerno nito.
Tinanggal niya ang kanyang kaliwang braso na naka-akbay sa balikat ko. Tumigil siya sa paglalakad at napatigil din ako at ang mga nasa bandang likuran namin. Sinabi niya sa iba na siyasatin ang paligid na sinunod naman nila agad. Pagka-alis nila sa aming kinatatayuan ay hinarap niya ako at napansin kong namumula ang kanyang mga mata.
"Bakit kailangan nilang isakripisyo ang mga kababayan nating inosente at walang kalaban-laban? Bakit kailangan nilang idamay ang mga hindi na mapapalitang yaman ng ating bansa? Bakit nila kinukuha ang mga importanteng bagay sa ating kasaysayan at pagkakakilanlan? Bakit nila inaalipusta ang mga ibang katutubo sa Norte at sa ibang mga pulo? Bakit ibinabasura nila ang mga pinaghirapan ng ating mga ninuno at mga bayani kasama ng 'di mabilang na mga martir?" ang mga sunod-sunod na tanong ng Tenyente ay parang matagal nang nagkukubli sa kaniyang bunganga. Sa kasamaang palad ay hindi ko alam ang sagot sa lahat ng kanyang katanungan.
"Tenyente, pasensya na..."
"Salvacion, malaking parte ang sinira at sinunog ng mga Hapones at ang hilaw na sugat na kanilang iniwan ay pinatakan pa ng mga Amerikano ng katas ng kalamansi o kaya'y ito'y binudburan nila ng asin."
Hindi na talaga ako nakapagsalita pa. Dumating ang isa naming kasama at sinabi niya na may mga bangkay na hindi pa naalis sa kabilang kalye. Pinuntahan namin ito at halos manghina ako sa mga nakita ko. Lalo akong nanlumo nang nakita ko ang bangkay ng isang batang babae na walang saplot sa katawan niyang inaamag na.
  Hindi sapat ang mga salita para ipaliwanag ang amoy at ang lugar.
-
Hapon na nang makuha namin lahat ng bangkay sa mga guho at sunog na bahay sa anim na bloke sa palibot ng kalye. Mahirap man ay kinaya ko. Hindi ko akalain na kaya ko itong sikmurain. Sakto naman na dumating ang mga taong kukuha sa mga bangkay at maglilibing sa mga ito. Nagpahinga kami saglit at muling tinahak ang kalye ng Gen. Luna.
Habang naglalakad ay napatingin ako sa right side at nakita ko ang ruin ng Manila Cathedral. Parang wala nang natira sa roof nito. Ang mga puno sa tapat nito'y parang dinaan ng malakas at nag-aapoy na buhawi.
Papalapit na kami sa San Agustin Church at halatang nailawan na ang mga gasera sa loob. Ang haligi at bubong ng simbahan at monastery ay punong-puno ng mga cracks at malalaking butas. Sa mga nakita kong ruins ng simbahan dito sa Intramuros ay ito ang mistulang pinaka-matibay. Ito lang ata ang natitirang nakatayo ng matatag. Halatang busy ang mga Amerikanong sundalo sa loob at labas ng simbahan at monasteryo.
"Anong meron?" tanong ng isa naming kasama sa isang Pilipinong sibilyan na nasa tapat ng simbahan.
"Dito daw muna sila magpapalipas ng ilang gabi," sagot ng lalaki.
"Tignan lang natin ang sitwasyon sa huling kalye tsaka tayo bumalik sa kampo. Bilisan natin at baka maabutan tayo ng dilim," command ni Tenyente Alvarez sa amin.
Mistulang mas maayos ang bahaging ito ng kalye at talagang nilinis na pero ang mga kalat ay nakatambak sa gilid gilid.
Pumukaw sa aking pansin ang isang ruins ng simbahan na may dalawang towers sa gilid at sa bandang likod nito'y may matayog na dome. Kalansay nalang ng simabahan ang natira pero masasabi kong engrande ang simbahan na ito. Nang nasa tapat na kami ng simbahan ay tinanong ko si Tenyente kung ano ang pangalang nito.
"Iyan ay ang Lourdes Chapel," sagot niya nang hindi man lang tumingin sa simbahan.
"Eh, ano yun?" tanong ko habang nakaturo sa bandang likuran ng simbahan ng San Agustin.
"Simbahan ng San Ignacio."
"Ipa-bukas nalang natin ito, Tenyente," pagmamakaawa ng isa sa aming kasama.
Tinignan ng Tenyente ang paligid at tumingin sa kalangitang kulay orange na. "O, sige. Bumalik na tayo."
Nang muli kaming napadaan sa tapat ng harapan ng San Agustin Church ay biglang nagsalita ng malakas si Tenyente Alvarez. "Tignan niyo itong mga gagong 'to!"
Sinundan namin ang direksyon ng kanyang tingin. Sa loob ng simbahan ay nagsisiyahan ang mga Kano at may mga braha pa ang iba. Madami ang naninigarilyo at umiinom mula sa botelya ng alak. Sa labas ng entrance ng simbahan ay may tatlong Pilipino na mistulang tagabantay nila mula sa labas.
"Mga walang respeto! Ginawa nilang pasugalan ang Simbahan ng San Agustin," galit na galit na sabi ni Tenyente Alvarez.
Wala kaming magawa kundi titigan sila. Hanggang sa may tumawag sa pangalan ko.
"Santiago!" tawag sa akin ni Andres mula sa entrance ng monasteryo. Lumapit siya sa amin at napansin namin ang mga hawak-hawak niyang mga religious artifacts.
Tinanong ni Tenyente kung bakit niya kinuha ang mga ito mula sa simbahan at monasteryo.
"Ililipat namin ang mga natitirang yaman ng San Agustin sa Unibersidad ng Santo Tomas, ito'y para hindi makuha ng mga Amerikanong sundalo na may pagnanasa sa mga kagamitan ng simbahan at monasteryo," ang sagot ni Andres.
"Bakit ytung isang 'yun?" tanong ni Tenyente at itinuro ang isang Kanong palabas ng pintuan at may mga bitbit na chalice at makakapal na libro na sa tingin ko ay mga bibliya.
"Isa siya sa mga Agustinian chaplain mula sa hukbo ng mga Kano. Mahalaga ang kooperasyon nila para hindi mawala ang mga bagay na ito. Tsaka siya nagsabi na karamihan sa mga sundalong Kano ang gustong kunin ang mga ito at gawin nilang sariling art and culture relics."
"Madami pa ba niyan sa loob?" tanong k okay Andres.
"Oo at pati ang mga nasira ng bahagya ay dapat kunin."
Tinignan ko si Tenyente Alvarez na parang malalim ang iniisip. "Tara, tumulong tayo sa pagsalba ng mga gamit ng simbahan," sabi niya.
Pumayag kaming lahat. Papasok kami sa loob nang nag-paalam si Andres na mauuna na sa UST kasama ng iba.
Sa dating garden sa gitna ng monastery ay may dalawang tangke. Tumataas ang mga balahibo ko habang tinatahak naming ang nandidilim nang mga corridors. Sa isang kwarto na pinag-tambakan ng mga gamit sa simbahan kami kumuha ng mga bagay-bagay.
Nagmadali kami dahil ilang segudo nalang ay tuluyan nang bumaba ang araw.
Ang nakayanan kong buhatin ay dalawang crucifix na sinasabit sa mga pader sa hospital o kwarto at isang rebulto ng isang Santo na siguro'y nasa 25 inches ang laki. Hawak ko ang dalawang crucifix sa aking kanang kamay at niyakap ko ang rebulto na gawa sa kahoy para mas madali.
Paglabas naming mula sa entrance ng monasteryo ay sinalubong kami ng isang Pilipino na may hawak na nasindihang lamp. "Mga Ginoo, hayaan niyo akong ihatid kayo hanggang sa gilid ng Ilog Pasig."
Nagpasalamat si Tenyente at nagpatuloy kami sa paglalakad. Hindi na namin pinansin ang mga Kanong nagsisiyahan sa loob ng Simbahan.
Dahil sa matinding pagod ay tahimik kaming naglakad sa kahabaan ng kalye.
Binalikan ko ang mga sinabi sa akin kanina ni Tenyente Alvarez at naisip ko na hindi niya tinignan ang kamalian ng mga Pilipino. Hindi niya naisip na kaya tayo madaling nasasakop ay dahil sa mga kababayan na iniisip ang pansariling interes. Hindi lang dahil sa pagkakawatak-watak ng mga Pilipino ang dahilan, kundi lalo na ang mga traydor at backstabber sa kasaysayan. May mga nakikipaglaban para sa kalayaan at hustisya habang may mga makasarili na patagong nakikipag-ugnayan sa mga kalaban.
Nag-uumpisa naman lahat sa loob ng isang bansa at hindi lang sa mga mananakop.
Matagal nang nangyayari sa Pilipinas ang mga bangayan ng dalawang panig. Parang napupuno na din ng mga traydor ang kasaysayan ng bansa at matagal nang dumadanak ang dugo ng mga bayaning pinatay dahil sa kapangyarihan.
Nakakalungkot isipin na hanggang sa panahon ko ay hindi nagkaka-isa ang mga nasa gobyerno para sa iisang hangarin. Pati ang mga Pilipino sa panahon ko ay hindi rin napagkaka-isa. Watak-watak ang mga taong may iba't-ibang prinsipyo tulad ng mga isla ng Pilipinas.
Hindi na mawawalan ng mga traydor at makasarili ang buong kasaysayan ng bansa at ito na ay naging sumpa ng bayan kong Pilipinas.

Santiago (Sequel of Stuck in 1945)Where stories live. Discover now