Chapter 13

1.2K 59 4
                                    

March 3, 1945

Habang naglalakad kami nang alerto sa gilid ng malaking gusali ng Finance, hindi mawala-wala sa isipan ko ang nangyari noong una ako napunta dito. Lahat ay bumabalik at parang pinaparusahan ako ng aking memorya. Magkatabi kami ni Miguel at nasa likuran namin si Andres na halatang ma-ingat sa kanyang mga galaw. Matindi ang nararamdaman kong pressure ngayon at gusto kong sumigaw.

"Huwag mong kalimutan yung pangako mo sa akin, Tiago. Pero, dapat humingi ka muna ng kapatawaran kay Marcella," mahinang sabi ni Miguel na halos pabulong na. Kinuha niya ang kwintas ni Marcella mula sa kanyang bulsa at ibinalik sa akin na siya naman malugod kong tinanggap.

"Ang pangako ay pangako, kaibigan." Isinuot ko ang kwintas.

Mabilis na pumagitna sa aming dalawa si Andres at inakbayan niya kaming dalawa ni Miguel. Napatingin siya sa akin at muling pinaalalahanan, "Yung pangako mo din sa akin, Tiago, huwag na huwag mong kakalimutan."

Tumango ako at ngumiti. Hindi ako makapag-salita sa oras na ito. Parang ayaw ilabas ng bunganga ko ang mga salitang gusto kong sabihin para sa kapakanan ko.

"Hinding-hindi ko kayo makakalimutan," ang huling mga salita ng kaibigan kong si Andres bago siya tamaan ng bala ng baril sa kanyang ulo. Kusang bumitaw ang kanyang mga braso na naka-akbay sa amin ni Miguel. Mabilis siyang napahiga sa likuran namin at agad kaming lumuhod ni Miguel sa tabi ng kanyang katawan.

Nagsimula muling tumugtog ang orchestra ng mga baril at granada. Alam kong wala sa tono ang aking hawak-hawak na armas kaya hindi ko ito isasabak.

Kitang-kita ko ang galit at lungkot sa mga mata ni Miguel. Nang papatak na ang unang luha mula sa kanyang mata ay mabilis siyang tumayo at tumakbo papalayo sa amin. May sinundan siyang sundalo sa loob ng sirang gusali. Ito ang tama, hindi ko dapat siya pigilan. Kailangang mangyari ang dapat na mangyari. Walang kailangang mabago.

"Paalam, kaibigan..." isinara ko ang kanyang mga matang hindi na nagawang pumikit at nabahiran ng dugo ang aking mga daliri. Tinanggal ko ang kupas na uniporme ng gerilya na nakapatong sa university uniform ko at itinakip ito sa kanyang muka. Ganito talaga siguro, hindi ka na maluluha kapag sobra-sobra na ang mga masasamang pangyayari sa buhay mo, at ang masaklap ay naulit pa ito.

Binitawan ko ang hawak kong rifle, tinanggal ang metal cap sa ulo ko at tumayo. Naglakad ako patungo sa pinuntahan ni Miguel. Sinisigawan na ako ng ibang mga sundalo na tumabi at mag-take cover, pero matigas ulo ko. Kailangan ko nang sabihin ang lahat kay Miguel bago pa mahuli ang lahat. Wala na akung pakealam kung mamamatay ako o hindi.

Pabilis nang pabilis ang lakad ko. Malapit na ako nang biglang may humawak nang mahigpit sa aking kanang braso.

"Are you crazy?!" sigaw ng isang Kano sa muka ko.

Pumiglas ako. "Get off!" Nakawala ako sa kanyang hawak at tumakbo. Malapit na ako sa entrance at may mga naririnig akong footsteps na galing sa loob.

Pero bago pa ako makapasok ay nag-collapse ang parte ng gusali na halos katapat ko lang. May humila sa akin nang malakas papalayo at napahiga ako sa maalikabok na sahig. Tumama ang ulo ko at ang kalangitan ay nabalot ng kadilimang matagal nang naghahari.

-

Naalimpungatan ako at agad akng napaupo sa kinahihigaan ko.

"Ayos ka lang, hijo?" tanong ng isang madre na nakatayo sa tapat ng kama na katabi ko. Lumapit siya sa akin nang hindi ako nakasagot.

"Ayos ka lang?" inulit niya.

"Opo..." hinawakan ko ang likod ng ulo ko at buti nalang hindi napuruhan. Ang tiyan kong gutom ang masakit. "Kanina pa po ba ako dito?"

"Halos kanina ka lang nila dinala dito. Buti nalang nailigtas ka ng isang sundalo, kung hindi ay malamang natabunan ka sa guho," sabi ng matandang madre. "Kung maganda na ang pakiramdam mo, pumunta ka sa kusina at humingi ng pagkain."

Nagpasalamat ako sa kanya at muli niyang inasikaso ang isang pasyente. Isinuot ko ang worn out shoes ko na nasa tapat ng kama ko at nagtungo ako sa labas. Maaraw at mahangin pero, parang ang bigat ng hangin na nalalanghap ko.

Sa labas ay madaming nagtatawanan at may ilan ding nakatulala lang. Ang mga bata ay naglalaro sa military tanks. Malaya na nga pala ang Maynila.

Hindi ko pinansin ang gutom at uhaw, dumiretso ako sa tambayan namin sa gilid ng gusali. Umupo ako at isinandal ko ang likod ko sa pader. Pagkayakap ko sa mga tuhod ko ay napatingin ako sa kalangitan.

"Hindi kita maintindihan...Bakit Mo ako pinaparusahan nang ganito? Hindi ko alam kung naiintindihan Kita o ayaw ko lang intindihan ang mga plano Mo sa akin..." Hindi ako nakaramdam ng galit pero, lalong nadagdagan ang aking kalungkutan. Ipinatong ko ang noo ko sa mga tuhod ko.

"Ginoo..."

Napatingin ako kay Barbara. Sa sobrang pag-iisip ay hindi ko narinig ang mga paa niyang lumapit sa pwesto ko.

"...alam ko kung ano ang kailangan mo ngayon, isang kaibigan," sabi niya at iniabot niya sa akin ang kanyang kanang kamay. Tinulungan niya akong makatayo at niyakap niya ako.

Niyakap ko siya pabalik at napayuko ang ulo ko sa kanyang kaliwang balikat. Muli kong napagtanto na hindi ako mag-isa at may karamay ako. At sa wakas, nailabas ko din ang mga mapapait na luha mula sa aking mga matang hindi kailanman matutuyot.

Tama nga si Barbara na ito ang kailangan ko at wala nang iba. Ito ang hinding-hindi mapapalitan ng materyal na bagay.

"Salamat, Barbara..."

Dahan-dahan naming pinakawalan ang isa't-isa at pinunasan niya ang aking pisngi gamit ang kanyang dalawang kamay.

"Maswerte ako at nakilala kita, Barbara. Pero, kailangan ko nang umalis. Sana magkaroon ka ng magandang buhay kapiling ng pamilya mo," nakangiti kong sabi sa kanya.

"Magpakatatag ka, Santiago. Paalam."

"Paalam." Pagkatalikod ko ay tinanggal ko ang kwintas mula sa aking leeg at nang medyo nakalayo na ako sa kinatatayuan ni Barbara ay inihulog ko ito sa lupa. Alam ko na ang magiging kapalaran ng kwintas na ito.

-

Habang pinagmamasdan ko ang sunset sa tabing ilog ay nakisama ang malamig na hangin na dumadampi sa aking balat. Unti-unting lumalakas ang ingay ng mga insekto sa paligid na binabalot ng dilim.

"Diyos ko, kinakausap ko lang Kayo kapag may gusto akong ilabas at hilingin...Sana pagbigyan Niyo ang isang kahilingan ko...hinding-hindi na ako hihiling sa Inyo kailanman..." Nag-umpisang pumatak ang aking mga luha. Minsan nang nasabi ni Mama na alam ng Diyos ang mga kagustuhan ng mga tao at hinihintay lamang Niya na sabihin ito sa Kanya. Pero, desperado na ako. At higit sa lahat ayaw ko nang madamay ang mga malalapit sa akin lalo na ang mga pinakamamahal ko, at pati na sa sarili kong pagod na pagod nang magtago ng katotohanan.

"Huwag Niyo na po akong ibalik sa panahon ko..."

Mas nanaisin ko pang ituloy ang buhay na naumpisahan ko na dito, kaysa bumalik sa dating panahon ko na punong-puno ng mga masasakit na ala-ala galing sa panahon at mundong hindi ko kinabibilangan.  

Santiago (Sequel of Stuck in 1945)Where stories live. Discover now