Chapter 15

1.4K 56 4
                                    

Madali naming naayos ni Tiyo Tomas ang bahay. Matatawag na namin itong tahanan kahit na may mga bakas ito ng kanyang pinagdaanan sa digmaan. Hindi ganun kalakihan ang bahay, meron itong dalawang maliit na kwarto, isang salang may isang mahabang upuan na rattan, dining area na nawawalan ng lamesa at may dalawang silya, at ang tinatawag na dirty kitchen. May iilang kagamitan sa bahay ang nakaligtas at ang mga nasira ay itinabi namin sa likod ng bahay.

May iilan ding bahay ang hindi masyadong napuruhan, at isa ang bahay na ito. Ayon kay Tiyo, halos eighty percent ang nasira ng digmaan at hanggang ngayon ay hindi pa naayos ang linya ng kuryente at supply ng tubig. Kumakalat din ang sabi-sabi na tutulong ang USA sa rehabilitation...pero, syempre may kapalit.

-

August 15, 1945

Ang pinaka-nahirapan ako ay ang pag-gamit ng kahoy sa pagluluto. Madali naman akong naturuan ni Tiyo pero, hirap pa rin akong pa-apuyin ang mga kahoy. Minsan, napag-sabihan ako ni Tiyo dahil hindi daw ako nagtitipid ng posporo, which is true.

Binabantayan ko ang sinaing sa aming kusina nang lapitan ako ni Tiyo Tomas.

"Tiago, narinig mo na ba yung balita?" tanong niya.

"Na ano po, Tiyo?"

"Pinasabog ng mga Kano ang dalawang syudad sa bansang Hapon na siyang naging dahilan para tuluyan na silang sumuko," mabilis niya sabi.

"Matagal ko na pong alam 'yan, Tiyo."

"Pano mo nasabi, eh, halos kararating lang ng balita," sabi niya nang may pagtataka. "Tsaka, parang hindi ka pa naman lumalabas dito."

"Ibig ko pong sabihin, alam kong magkakaroon ng ganito...matagal nang nasa isipan ko 'yan. Bakit po parang hindi kayo masaya na sumuko na ang Imperyo ng Japan?"

"Nagagalak ako sa pagsuko nila pero, dinamay na naman ng mga Kano ang mga sibilyan," sabi niya habang pahina nang pahina ang kanyang boses.

"May kasabihan nga na 'You must sacrifice the few to save the many'. Kailangan mong i-sakripisyo-"

"Nakaka-intindi ako ng Ingles! Ganyan talaga kapag nasa digmaan, madaming inosente at sibilyan ang namamatay."

Tumango ako at gamit ang basahan ay tinanggal ko ang sinaing sa apoy. Hinarap ko si Tiyo. "Wala po ba kayong napapansin?"

"Mahaba na ang buhok mo at kailangan mo nang magpagupit," sagot niya.

"Tiyo, ito po ang unang beses na hindi sunog ang kakainin nating kanin sa hapunan," sabi ko tsaka tumawa. Sinabayan ako sa pagtawa ni Tiyo pero, agad din siyang sumimangot at binatukan ako sa ulo.

"Ipinagmayabang mo pa! Kung ganyan sana palagi!"

-

Makalipas ang dalawang araw ay usap-usapan ng mga mamamayan ang pagtanggal ni Jose Laurel sa Japanese-sponsored na republika. Ang isa pang magandang balita ay natapos na rin daw ang mga labanan sa Norte.

Pagkalipas ng mahigit dalawang lingo, sa ikalawang araw ng Setyembre, tuluyan nang natapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pasipiko. Sabi sa akin ni Tiyo a pinirmahan ng Hapon ang isang dokumento ng pagsuko sa mismong battleship ng US Missouri sa Lawa ng Tokyo. Madaming natuwa at may mga tao ding nagsasabi na wala nang magagawa ang pagsuko nila dahil hindi na ito mababalik ang lahat ng nasira at namatay na kababayan.

Santiago (Sequel of Stuck in 1945)Where stories live. Discover now